Sa rodilyo ko s'ya gustong kausapin nang sa ganoon ay hindi s'ya maasiwa. Sana lang nga ay hindi s'ya matatakutin. Mukhang hindi naman kasi nakakatakot ang rodilyo.

Hinanap ko si Jean sa kung saan man s'ya naroon: sa field, sa kubo, sa canteen, sa perya, pero wala s'ya sa mga lugar na 'yon. Imposible naman na hindi s'ya pumasok ngayong araw dahil nadatnan ko s'ya kaninang umaga, patungo malapit sa building namin mga 4th year.

Bumilog ang mga mata ko, tumungo kaya s'ya sa room? Bawal pa naman iyon, batas ng eskwela na bawal manatili sa room kapag foundation week.

Tumungo ako sa building namin, bahagyang nakabukas ang gate nito. Wala rin makikitang ibang estudyante na nasa loob, kung mayroon mang ibang tao ay mga guro iyon na labas-pasok lang sa faculty room. Luminga linga ako sa paligid, mukhang abala naman ang ibang mga estudyante dahil lunch na. Humawak ako sa gate na tanggal-tanggal na ang kulay puting pintura, inawang ko 'yon nang makapasok ako nang mabilisan. Dumiretso ako sa ikatlong palapag kung saan naroon ang room namin, iniingatan ang bawat yapak ko dahil baka may makahuli sa'kin.

Madilim ang hallway dahil kakaunting ilaw lang naman ang nakabukas, at nang makarating ako sa classroom namin ay nadatnan ko ang nakaawang na pintuan. Hinawakan ko ang seradura para marahan na mabuksan ang pinto na nagtataka ako kung bakit hindi nakakandado.

Sa dulo ng kwarto, sa may tabi ng bintana—may babaeng naka-upo, at nakayuko sa mesa ng bangko. Sabi ko na nga ba, dito ka lang magtatago.

Patuloy kong binigyan ng pansin ang mga yapak ko, nang sa ganoon ay hindi maglikha ng ingay ang mga takong ng sapatos ko. Nang makarating ako sa kinauupuan ni Jean ay wala pa rin kamalay malay 'to, base sa paghinga n'ya na inobserbahan ko ay mukhang tulog ito.

Humalukipkip ako, napakamot ako sa isang kilay ko. Ano ba ang gagawin ko sa babae na 'to?

Tumikim ako, pagkatapos ay umubo. Tinatantsa kung maririnig n'ya ba 'ko, kaso lang ay wala akong nakuhang kibo, o reaksyon, nanatili lang ito sa kan'yang posisyon.

Kailangan ko rin naman s'yang gisingin, baka kasi masita pa s'ya kapag nakita s'ya rito. Kinalabit ko ang balikat nito sa marahang paraan, nagitla s'ya, at agad-agad na napatingin sa'kin. Gulo-gulo ang mahaba at kulot na buhok n'ya, pumungay rin ang bilugan n'yang mga mata dala siguro ng biglang pagkagising.

"Bawal manatili sa classroom," suway ko rito.

Umirap s'ya. "Alam ko."

"Lunch na, kumain ka na," paalala ko rito, para na rin ibahin ang usapan.

"Hayaan mo na 'ko mag-isa rito," taboy n'ya sa'kin.

"Hindi pwede." Umiling ako. "Halika na, tumayo ka na d'yan. Sabay na tayo." Inilahad ko pa ang kamay ko rito.

Inismiran lang ni Jean ang kamay ko, pumalatak 'to sa'kin para iparamdam na naiinis s'ya. Hinihintay siguro nito kung aalis ba 'ko, pero nang mapagtanto n'yang hindi ay tumayo rin ito dala-dala ang maliit n'ya na bag para lumakad paalis. Sukat ba naman na iwanan ako.

Sinundan ko 'to, nanatili lang ako sa likuran n'ya na may pawang na distansya. Naghahanap pa rin ng tiyempo kung paano ko s'ya kakausapin. Hanggang sa makarating na kami sa canteen, wala akong ginawa kundi sundan pa rin s'ya at maki-upo sa table kung saan lagi s'yang nakapwesto.

Kinapkap ko ang dalawang ticket para sa rodilyo na binili ko, pero agad ko rin binitawan iyon at nilagay na lang ang atensyon sa pagkain na binili ko na hanggang ngayon ay 'di ko pa rin nagagalaw.

Pinagmasdan ko si Jean, at napalunok ako. Bakit ba ako natatakot? Kakausapin ko lang naman s'ya.

Tumaas ang isang kilay ni Jean sa'kin ng madatnang nakatingin ako sa kan'ya. Sa huli, kinuha ko rin ang dalawang ticket na nasa bulsa ko at nilapag iyon sa lamesa.

Art Like ScarsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon