"Vale…" sinubukan n'ya akong bantaan, pero halata ang kaba sa boses n'ya. Napangiti ako rito, inilapag ko muna ang ibang garapon ng pintura na hawak ko sa upuan kung saan nakalagay ang iba pang gamit bago balikan si Jean. Ipinagsalop ko ang dalawa kong kamay, bago ko ilagay ito sa magkabilang mukha ni Jean. 

Napatawa ako sa naging itsura nito nang tanggalin ko na ang kamay ko. Kulay lila pala ang pintura na 'yon. 

"Mukha kang talong!" Asar ko sa kanya habang tawa pa rin nang tawa. 

Nakasimangot na nakatingin sa'kin si Jean, pero lalo lang s'yang nagmukhang nakakatawa. Mukha kasi s'yang nagagalit na talong. 

Ang susunod na nangyari ay hindi ko na lang inaasahan, basta, may pintura na sa buhok ko, sa mukha ko, at sa ibang parte ng katawan ko. Si Jean naman ang tumawa ngayon, tawa ng taong nakaganti. Hanggang sa nilaro na namin ang pintura, na hindi namin namalayan na nadumihan na namin ang loob ng kubo.

"Patay," sambit ni Jean.

"Lagot," ako naman. 

Nagkatinginan kaming dalawa at nagtawanan. Agad namang niligpit ang mga gamit para tumakas, hindi naman siguro kami paghihinalaan lalo na't ang daming estudyante rito sa Dumangan High School. Pero sa itsura namin, hindi magdadalawang isip ang mga tao. Ah, basta, gagawan ko na lang ng paraan kung mahuli man kami.

Tumungo kami ni Jean sa building naming mga seniors habang pinagtitinginan kami ng iba dahil nga nababalot kami ng iba't ibang kulay ng pintura. Ang sabi ni Jean, acrylic naman daw 'to kaya madaling matanggal sa balat, pero hindi na matatanggal iyon sa damit namin. Buti na lang ay may dala akong pamalit na damit. 

Nang makarating kami sa classroom ay kinuha lang ni Jean ang blouse na uniporme n'ya. Sa comfort room kasi s'ya magpapalit, habang ako naman ay sasaglit din doon, at dito na magpapalit ng damit.

Umuna na si Jean habang ako naman ay kinukuha pa ang damit sa bag ko. Nang tinatanggal ko na ang mga butones ng polo ko ay biglang sumara ang pinto ng classroom, nadatnan ko na lang si Earl na nakatayo at nakasandal doon. 

"Anong kalokohan na naman ang ginawa mo?" bungad nito sa'kin.

Napangisi ako. "Napaglaruan namin ni Jean 'yong pintura," kwento ko sa kan'ya. 

"Nino?" tuloy n'ya.

"Ni Jean."

Lumalim ang mga mata ni Earl, parang nagsasabi na hindi n'ya nagustuhan ang sagot ko.

"Pre, 'di ba sabi ko sa'yo, layuan mo na 'yang si Jean?" Bakas ang inis sa boses nito. 

Pumalatak ako dala ng inis. "Walang mali sa ginagawa ko. Ano bang mali sa gusto kong samahan s'ya?" atas ko.

Lumapit ako sa gawi nito. Kung ito lang naman ang pag-uusapan namin, mas maganda nang hindi na lang kami mag-usap. 

Nagkaharap kami ni Earl. Diretso ang tingin namin sa isa't isa, at hindi ko maikakaila na may tensyon sa pagitan namin. 

Ngumisi ito na mukhang pilit. "Bakit? Akala mo ba mababago mo si Jean?" 

"Pre, isipin mo na kung anong gusto mong isipin," ang tanging sagot ko. Magkaibigan pa rin kami ni Earl, at kung pag-aawayan namin ang ganitong bagay ay para kaming mga bata.

Tumango si Earl, diretso ang mga labi nito. Lumapit pa s'ya lalo kaya naman hindi ko mapigilan na yumuko nang kaunti dahil mas matangkad ako sa kan'ya ng ilang pulgada. 

"May gusto ka ba kay Jean?" diretsong tanong din nito. 

Napalunok ako, bakit naman n'ya 'to tinatanong? 

Napaiwas ako ng tingin. Kinagat ko ang loob ng pisngi ko, dahil kahit tanungin ko ang sarili ko ay hindi ko alam ang sagot. Hindi pa kahit kailan pumasok sa isip ko ang tanong na 'yon. 

"Ano?" pangungulit nito na sagutin ko ang tanong na ayaw ko naman sagutin.

Umiling ako. "Hindi ko alam," matipid na sagot ko. Iyon naman kasi ang totoo, hindi ko talaga alam. At kung sasabihin ko man na oo, magkakaroon ng malisya ang paglapit ko kay Jean. 

Ang gusto ko lang naman mangyari ay maibalik ang pagkakaibigan namin ni Jean, iyon lang. 

Napakamot si Earl ng batok n'ya. Bumalik s'ya sa pagkakasandal sa pinto. Parang naghahanap ito ng sasabihin n'ya.

"Malamang hindi mo alam… pero naging kami ni Jean," aniya sa walang ganang boses. 

Napakunot ang noo ko sa sinabi nito. Tama ba ang pagkakarinig ko? Naging sila ni Jean? 

"Bago s'ya maging gan'yan, magdadalawang taon na ang nakakalipas, naging kaming dalawa." Bumuntong hininga 'to. 

Kung naging sila, bakit ngayon n'ya lang sinabi? 

"Paano ko malalamang totoo nga 'yang pinagsasabi mo?" naguguluhang tanong ko. Hindi ko mawari kung paano naging sila ni Jean, puro masasamang bagay na lang ang narinig kong lumabas sa bibig ni Earl kapag tungkol kay Jean. 

"Bakit naman ako magsisinungaling sa'yo?" punto nito. "Hindi pa ba sapat lahat ng kinuwento ko sa'yo tungkol sa babaeng 'yan? Sa pamilya n'ya, sa inaakto n'ya, kung bakit gan'yan s'ya. Binalaan na kita dahil magkaibigan tayo. Layuan mo 'yang si Jean, pinaglalaruan ka lang n'yan. Siguro sa ngayon ay naaawa ka sa kan'ya, gugustuhin mong tulungan s'ya, pero 'di magtatagal—baliwala lang din lahat ng gagawin mo para sa kan'ya; itatapon ka lang din n'yan." 

May boses sa isipan ko na nagsasabing 'wag kong pakinggan si Earl kaya naman hindi ko maproseso ang mga sinasabi nito. Sawa na ata ako sa lahat ng babala n'ya tungkol kay Jean.

Matapos magsalita ni Earl ay tumalikod na rin 'to at binuksan ang pinto upang umalis, kaso lamang ay natigilan s'ya. Nanlaki na lamang ang mga mata ko nang makita si Jean na nasa harapan ng pintuan pagkabukas ni Earl nito. 

Narinig n'ya ba ang pag-uusap namin? Mukha ngang narinig n'ya, halata iyon sa galit n'yang mga mata na nakatuon kay Earl. 

Tatawagin ko na sana ang pangalan ni Jean, ngunit nagulat na lang ako nang biglang dumapo ang isang palad niya sa isang kabilang pisngi ni Earl. Ang tunog ng sampal na 'yon ay gumawa ng tunog na parang may naputol; may napigtas. 

Ngayon ko lang nakita si Jean na sobra ang galit na nangingilid na ang luha sa mga mata n'ya. Pinaghalong lungkot at galit na pati ang mga labi n'ya ay nanginginig gawa nito. 

Mabilis na lumakad si Jean papaalis, habang ako naman, na-estatwa sa kinatatayuan ko. Oo, alam ko na kailangan ko s'yang habulin kahit na alam ko naman na ipagtatabuyan n'ya lang ako. Wala akong magawa kundi maglabas na lamang ng malalim na buntong hininga. 

Napagtanto ko na totoo nga siguro ang sinasabi ni Earl, naging sila, pero mukhang hindi naging maganda ang pagtatapos nila. Masyado pa silang bata no'ng mga panahon na 'yon, kahit naman hanggang ngayon—kaya nga nagkakasakitan pa sila. 

Marami pa, marami pa akong 'di nalalaman tungkol kay Jean, katulad nito. Ngunit sa nangyari lang ngayon… paano ko s'ya malalapitan ulit

•••

Art Like ScarsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon