Tahimik lamang kaming gumawa, kaya siguro mabilis namin natapos ang gawin ang lampara. Maayos ang pagkakagawa nito at pwede na rin gawin pang disenyo sa bahay. 

"Subukan nating pailawin 'yong bumbilya," wika ko. May maliit kasing bumbilya sa loob ng lampara, gusto ko lang makita kung ano ang itsura kapag nailawan na 'to. 

Sabay kaming lumapit sa harapan ng klase, sa ibaba ng blackboard ay may power socket. Ipinahawak ko kay Jean ang lampara habang ako naman ang may hawak ng power cable. Nang maisaksak ko na ito ay lumingon ako kay Jean para tignan ang lampara. 

Matagumpay itong umilaw, masarap sa mata ang nagtatalong kulay ng bumbilya na dilaw, at ang tela naman na kulay lila. 

"Ayos, tapos na tayo," may ngiti sa labi kong sabi. 

Napangiti rin si Jean, naaaninag ng ilaw ng lampara ang mga mata n'ya. Lumapad lalo ang ngiti ko nang mapunta sa'kin ang mga tingin n'ya habang hindi pa rin napapawi ang masayang eskpresyon sa mukha n'ya. 

Ayoko muna sanang patayin ang bumbilya, pero inabot n'ya na sa'kin ang lampara. 

"Tara, magligpit na tayo," sambit n'ya bago ituon ang pansin sa mga kalat naming kailangan na naming ligpitin. Sinunod ko ang sinabi nito para agad na rin kaming makauwi.

Itinabi ko muna sa silya ang lampara kung nasaan ang bag ko. "Ako na pala ang mag-uuwi nito," tukoy ko sa lampara para hindi na s'ya maabalang bitbitin ito. 

Sumagot lang sa'kin si Jean gamit ang pagtango.

Habang pinupulot ni Jean ang maliliit na piraso ng kulay lilang tela na ginupit kanina ay naisipan ko na magsimula ng usapan, para lang naman magkaroon ng ingay.

"Nga pala—" simula ko na naputol dahil nagsalita rin s'ya.

"Tanong ko—" napatigil 'to at hinihintay ako na magsalita.

"May itatanong ka?" udyok ko rito para ipagpatuloy n'ya ang dapat n'yang sasabihin.

"Gusto ko lang malaman… kumusta pala ang Maynila?" sambit n'ya. Parang nahihiya pa 'tong magtanong dahil hindi s'ya humaharap sa mga mata ko. "Kung anong mayroon doon na wala dito sa Dumangan," dugtong n'ya.

Saglit akong napaisip sa tanong n'ya.

"Ayos lang," kaswal kong sagot. "Matao, kaya may kaingayan… mausok din. Sa totoo lang, mas mapayapa rito. Hindi katulad doon, masyadong mabilis ang mga bagay. Kaya nga pinili namin bumalik dito," diretsong sagot ko.

Totoo lang naman lahat ng sinabi ko, siguro ay hindi para sa'kin ang Maynila, wala namang masama roon. Sadyang mas gusto ko lang na manirahan ulit kung saan ako lumaki.

Marahan na tumango si Jean sa sagot ko, siguro ay hindi iyon ang sagot na hinahanap n'ya.

"Pero syempre, doon maraming malls, maraming kainan, amusement park. Mabait din naman ang mga tao roon," pambawi ko rito. 

Siguro ay ipagpapasalamat ko na lang na Tagalog rin ang gamit sa Dumangan kaya hindi ako nahirapan noong nasa Maynila ako. May iba kasi akong naging kaklase na binubulas dahil sa tigas nilang magsalita ng Tagalog. Hindi naman kasi iyon ang kinalakihan nila.

"Mahal mo talaga ang Dumangan, pero gusto ko naman ang Maynila," aniya na nagpahuli lalo ng atensyon ko. Gusto n'ya ang Maynila? Kung sabagay, maraming tao na akala ay ibang iba ang Maynila. 

Nang matapos na rin kaming maglinis ay kinuha na ni Jean ang bag n'ya na nakapatong sa silya at isinakbit iyon sa likod n'ya. Ginaya ko naman ito.

"Bakit? Bakit ba ayaw mo rito sa Dumangan, Jean?" tanong ko rito upang ipagpatuloy pa ang usapan.

Hindi nito mapigilan na mapabuntong hininga. "Nagsawa na 'ko na puro bukid na lang ang nakikita ko tapos ang dali pa na kumalat ang kung ano-anong kwento. Ang lawak nga ng Dumangan pero wala akong makitang iba pa… ayokong tumanda sa lugar na 'to na tanging walang laman, pakiramdam ko ay tatanda akong maraming kulang sa akin. Kaya ayoko rito, halos lahat ng nandirito sa lugar na 'to…" umiling s'ya. "Ayoko." Inulit n'ya ang salitang 'yon na parang iyon lang ang naiisip n'ya habang tinutukoy n'ya ang Dumangan.

Aaminin ko na nalungkot ako sa sagot ni Jean, pero dahil sinabi n'ya na "halos lahat" imbis na "lahat" ay alam ko na may pag-asa pa. Kaya pa n'yang mahalin ang lugar na 'to; tutulungan ko s'ya.

Umalis ako sa tabi n'ya para tumungo sa tabi ng pintuan at patayin na ang ilaw ng kwarto, paalis na rin naman kasi kami. 

Patuloy ko s'yang kinausap kahit na nakatalikod ako sa kan'ya. "Gusto mo ba na umalis sa lugar na 'to balang araw?"

"Gusto kong umalis sa Dumangan araw-araw. Kung pwede lang, kung kaya ko lang…" hiling n'ya sa malungkot na tinig na ramdam ko. 

Bumalik ang tingin ko kay Jean. Lumapit ako rito. 

"Ayaw mo ba talaga ang lugar na 'to, Jean?" Gusto kong siguraduhin.

Napairap s'ya sa tanong ko. "Hindi mo ba narinig ang mga sinabi ko?"

Tumigil ang paghakbang ko nang ilang pulgada na lang ang pagitan namin. 

"O ang mga tao rito ang ayaw mo?"

Hindi maganda ang reputasyon n'ya, iniiwasan nga s'ya ng ibang tao rito lalo na ng mga ka-edad namin dahil mukhang kakaiba s'ya, at idagdag pa na mailap s'ya. Kung kaya kong ibalik ang dating Jean, madali lang maaayos ang problema. 

"Pareho, Vale."

Tumumpak ang hinala ko, at dahil sa sagot n'ya… makakagawa na ako ng plano.

•••

Art Like ScarsWhere stories live. Discover now