CHAPTER 9

33 5 0
                                    


"Tao po? Magandang gabi po," sabi ko habang nakatayo sa harapan ng gate nila Mira. Gawa sa kawayan ang kanilang tarangkahan at hanggang balikat ko lamang ang taas nito. Nakatutok ang aking atensyon sa bahay nila. Maliit lamang ito at gawa sa kawayan at anahaw. May malaking bintana na nakaharap sa kalsada kung kaya't kitang-kita ang sala lalo na kapag gabi dahil sa liwanag ng ilaw.


Pagkatapos kong sabihin ang totoo kay Kodi ay dumiretso na agad kami rito. Si Kodi naman ay kinausap muna si Blair para ipaalam na dumating na kami. Sabi niya ay mas importante raw na makausap ko na si Mira. Nangako rin si Kodi na hindi niya ipagsasabi kahit kanino ang nalaman niya. Napatuwid ako ng tayo nang makita ang ina ni Mira. Lumabas ito sa pintuan.


"Magandang gabi po. Ako nga po pala si Ameli, schoolmate po ni Mira at ang SSG President po ng Elysian High. Nandito po ako para maghatid ng reviewer at para na rin kausapin si Mira," sabi ko.


"Ay. Magandang gabi rin. Pasok ka, hija. Pasensya ka na at natagalan ako," ani ng ina ni Mira. Binuksan ko ang gate at nang makapasok ay isinirado ko ito. Naglakad ako papalapit sa ina ni Mira. Ipinunas niya sa damit ang kanyang basang kamay. Mukhang katatapos pa lamang nito maghugas ng pinggan.


"Okay lang po. Pasensya na rin po sa istorbo."


"Oh s'ya. Pasok ka. Nasa loob ng kwarto si Mira, hindi ko nga alam kung bakit hindi 'yan pumasok. Pasensya ka na rin at magulo rito sa bahay." Hinubad ko ang aking tsinelas at pumasok sa loob ng bahay. Naglalaro ng papel sa sahig ang isang bata na sa palagay ko ay tatlong taong gulang na. Mayroon silang silya at lamesa na gawa sa kahoy. Mula sa aking kinatatayuan ay tanaw ko ang kusina at lababo. Mukhang sa sala sila kumakain. Sa kaliwang bahagi naman ay ang kanilang kwarto na ang nagsisilbing pinto ay kurtina.


"Ayos lang po," ani ko.


"Upo ka muna at tatawagin ko si Mira."


"Sige po." Umupo na ako sa silya. Paniguradong alam naman ni Mira na narito ako. Pumasok sa kwarto ang ina ni Mira habang ang bata na naglalaro kanina ay nasa akin ang atensyon. Ngumiti lamang ako rito at inilibot ang tingin sa paligid. Wala itong disenyo masyado. Tanging larawan ni Mira noong Grade 10 Completion ang naka-display at katabi nito ay isang ribon. Itinuon ko na lamang ang aking paningin sa hawak kong reviewer.


"Nak, nand'yan 'yung kaklase mo." Rinig kong sabi ng ina ni Mira. Hindi ko na narinig ang iba pa nilang pinag-uusapan, mukhang nagbulungan na lamang sila. Napangiwi ako. Nagmukha akong chismosa. Tsk.

Ilang minuto pa ang lumipas ay lumabas na ng kwarto ang ina ni Mira at nakasunod naman dito si Mira. Tumayo ako at ngumiti sa dalawa. Napayuko naman si Mira. Tsk.


"Iwan ko muna kayo rito, may naiwan pa akong gagawin sa kusina," ani ina ni Mira.

"Sige po. Salamat po ulit," I said while flashing my angelic smile that no one can resist. Kinarga ng ina ni Mira ang bata na nasa sahig at umalis na sila sa sala. Bumalot sa amin ang katahimikan. Rinig ko ang huni ng kuliglig sa labas. Nanatili ang aking tingin kay Mira habang ito naman ay malikot ang mga mata at pilit na iniiwasan ang aking pagtitig. Napagdesisyunan kong basagin ang katahimikan.


"Mira, nandito ako para ibigay sa'yo ang reviewer na ipinamimigay ng SSG at gusto rin sana kitang kausapin," sabi ko. Nang marinig niya ang sinabi ko ay nakuha ko na ang kanyang atensyon. Nakatingin siya sa akin. Mukhang hindi pa alam ng kanyang ina kung ano'ng ginawa niya sa eskwelahan.

"S-Sige. Pwede bang sa kwarto tayo mag-usap?" tanong niya pagkatapos ay sumulyap ng pahapyaw sa direksyon ng kusina.

"Sige." Hawak ang reviewer, sumunod ako kay Mira patungong kwarto. Binuksan niya ang ilaw at bumungad sa aking kaliwa ang maliit na katre at may sapin itong banig. Sa kanang bahagi ng kwarto, naroon ang isang drawer at may katabi itong dalawang bag. Ang alam ko ay may isa pang kapatid si Mira na nag-aaral sa elementarya. Umupo sa katre si Mira.

The President's Red CardWhere stories live. Discover now