Chapter 19

380 22 4
                                    

"Nixon! Nixon!"

Patuloy lang si Kale sa mabilis na paglalakad at hindi pinapansin ang pagtawag sa kanya ni Ashley. Nagpupuyos ang loob ko sa galit ngayon dahil sa walanghiyang babaeng 'yon. At itong kasama ko ngayon ay dumadagdag din sa init ng ulo ko.

"Nixon, teka lang. Puwede bang kumalma ka mu—"

Dahil hindi na niya kayang kontrolin ang kanyang galit ay huminto na siya sa paglalakad at hinarap si Ashley. "Ano Ashley?! Ako kakalma? Bullshit! Paano ako kakalma ha, kung ang mismong nag-iisang bagay na pinakaiingatan ko ay nilapastangan na naman ng demonyong babaeng 'yon sa pangalawang pagkakataon? Lahat ng kademonyohan niya pinalampas at tiniis ko pero ito?" galit na galit na sigaw ni Kale kay Ashley habang mas humigpit ang hawak niya sa kanyang kuwintas at iminuwestra sa harap ni Ashley. "Humanda siya."

Mabait ako sa mabait pero kaya kong manakit sa oras na sumobra at wala na sa tama. Hindi porke't ganito lang ako ay sasamantalahin na niya ang pananahimik ko. Baka nakakalimutan niyang hindi niya ako lubusang kilala. Ihanda mo na ang sarili mo Henderson dahil hindi mo magugustuhan ang mga kaya kong gawin.

Hindi namalayan ni Kale na tuluyan nang nakalapit sa kanya si Ashley at mahigpit nang nakayakap sa kanya. At sa yakap na 'yon ay tuluyan nang umagos sa kanyang mukha ang kanina pang nagbabadyang luha mula sa kanyang mga mata.

Ang lahat ng sakit at paghihirap na tiniis at sinarili ko sa nakalipas na tatlong taon ay patuloy pa ring gumuguhit sa buo kong pagkatao. Pagod na pagod na ako Ashley. Bumabalik na naman ang mga alaalang matagal ko ng gustong ibaon sa limot ngunit paano ko gagawin 'yon? Kung kasama siya sa mga alaalang 'yon?

"Nix, nandito lang ako sa tabi mo," bulong sa kanya ni Ashley habang siya ay patuloy na humihikbi sa balikat nito.

Ilang minuto pa ang lumipas bago siya nahimasmasan. Wala rin silang pakialam kung nasa gitna sila ng campus at mainit. "Are you feeling better now, babe?" masuyong tanong sa kanya ni Ashley habang pinupunasan nito ang kanyang luha at sipon. Tumango lang siya bilang sagot at ngumiti naman ito sa kanya.

Nang okay na ang pakiramdam ni Kale ay niyaya na siyang umalis ni Ashley upang tulungan sa nalagot niyang kuwintas. "Babe, tara. Ipaayos na natin 'yang kuwintas mo para maisuot mo na ulit." Medyo may bahid ng lungkot ang pagkakasabi ni Ashley at mabilis na nag-iwas ng tingin. Akmang hihilahin na niya si Kale nang hindi ito nagpatinag.

Dahil sa sinabi ni Ashley ay bigla na namang nag-iba ang mood ni Kale. "Ash, pasensya na pero hindi ko ipapagawa itong kuwintas. Puwede ka ng maunang umalis. May gagawin pa ako. Maraming salamat sa pagdamay at pagpapagaan ng loob ko," seryoso niyang sabi saka ngumiti nang bahagya.

Bigla itong napaharap sa kanya na bakas ang pagkalito at pagtataka sa maamo nitong mukha. "Ha? Bakit naman, babe? Akala ko ba mahalaga 'yang kuwintas
sa 'yo?"

"Ako ng bahala, 'wag ka ng mag-alala. Ayoko kasing ipinapahawak sa iba itong kuwintas." Pagkasambit ni Kale no'n ay naghiwalay na sila ng landas ni Ashley. Umuwi na siya at hindi na nagbalak pang pumasok dahil sa nangyari.

***

Tulad ng nakagawian ni Kale tuwing papasok ay late na naman siya. Marami siyang pinagkaabalahan kagabi at napasarap ang kanyang tulog. Kahit papaano ay medyo umayos na rin ang kanyang pakiramdam mula sa insidente kahapon sa cafeteria. Huwag lang siyang magkamaling magpakita sa 'kin. Baka hindi ako makapagpigil.

Pagpihit niya ng door knob ay siya ring pagtingin sa kanya ng kanyang mga kaklase. Dahil alam na ni Mr. Robles na lagi siyang late sa subject nitong Mathematics in the Modern World ay hindi na ito nag-abala pang lingunin si Kale at ipinagpatuloy na lang ang pagsusulat sa smart board.

Falling with a Bartender (GL)Where stories live. Discover now