Chapter 1

108K 7.9K 2.9K
                                    

Chapter 1

 -- REYNA --

Pagdalaw

Isang hari lang ang inaasahan kong siyang matagal nang pinaglilingkuran ni Hua, si Haring Thaddeus. Ang haring tinitingala ng iba't ibang nilalang, lumipas man ang napakaraming taon.

Si Haring Thaddeus ang siyang may pinakamalaking ambag sa paglalakbay na ito, at hindi na mahirap isipin na ang ilan sa mga misteryong nais kong malaman ay nasa kanya ang kasagutan.

Ngunit ang marinig mula kay Hua, ang nilalang na ilang beses ibinuwis ang kanyang buhay para sa aking kapakanan ang haring paulit-ulit niyang nais paglingkuran, tila nagulo ang isipan kong akala ko'y nagagawa nang makasunod sa agos ng mga pangyayari.

Si Haring Andronicus Clamberge III, ang hari kinamumuhian ng bawat nilalang, pangalang sa sandaling banggitin ay matinding kasalanan, ang sakim at walang pusong dahilan ng paulit-ulit na trahedya'y... isang haring nais muling masilayan ng nilalang na siyang aking pinagkakatiwalaan.

Hindi na nasundan pa ang rebelasyong iyon dahil sa pagmamadali naming makabalik.

Habol ko ang aking paghinga nang makita ko na ang liwanag sa sarili naming mundo. Mga kamay nina Claret at Harper ang siyang sumalubong sa akin upang alalayan akong makaakyat.

Nang sandaling tumapak akong muli sa sarili naming lupa, saka ko lamang naramdaman ang aking matinding panghihina, halos saluhin ako nina Harper at Claret nang biglang mabuwal ang binti ko.

"L-Leticia..."

Si Caleb ang lumapit sa amin at kusang nagbuhat sa akin upang isandal at iupo ako sa puno, habang sina Lucas at Nikos na bakas din ang matinding pag-aalala sa akin ay pinilit ang sariling manatili sa kanilang mga posisyon para sa mga kalaban na anumang oras ay maaaring magpakita.

Narito na naman ako, ang presensiya ko at ang batang nasa sinapupunan ko. Mas malaki ang posibilidad na may makasunod na sa amin.

Kinagat ko ang pang-ibabang labi ko. Ako na sariling ina ng prinsipe'y hindi siya maramdaman, sa halip ay panghihina ang pinadarama niya sa akin.

Hindi pa man tuluyang umuumbok ang tiyan ko, sa sandaling lumapat ang likuran ko sa ilalim ng puno'y kusang humaplos doon ang kamay ko.

Ang sakit at panghihinang dulot ng aking prinsipe'y sumisimbolo ng sarili niyang paglaban. Katulad ko at ng kanyang ama, marunong siyang lumaban. Hindi siya nagpapatalo sa dugong mayroon ako na pumapatay sa kanya.

"Leticia..."

Hindi na pinakawalan nina Claret at Harper ang kamay ko. "Lumalaban ang anak ko... gusto niyang mabuhay..." natutuwang sabi ko na may luha sa aking mga mata.

Nang maramdaman kong may pag-iinit na naman nagmumula sa dibdib ko, agad kung tinanggal ang kamay ko sa kanila, ngunit huli na bago ko matakpan ang aking bibig.

Nagsusuka na naman ako ng dugo.

Noong una'y natakot ako nang maranasan ko ito, nagalit at nasaktan dahil sa maling akala, ngunit luha ng kaligayahan ang pinakawalan ko.

"Lumalaban ang anak namin ni Dastan..."

Sina Claret, Harper at Caleb ay hindi alam kung ano ang dapat ipakita sa akin, sila ba'y matutuwa pa rin katulad ko? Dahil sa paglaban ng bata... sa pagbaba ng posibilidad ng paghaba ng aking buhay.

"Uminom ka ba ng gamot na ibinigay ko sa 'yo, Leticia?" tanong ni Claret.

Hindi na siya naghintay na makasagot ako, dahil naglabas siya ng panibagong gamot upang ipainom sa akin.

Moonlight Throne (Gazellian Series #6)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon