Chapter 40

41.8K 4.2K 1.2K
                                    

Chapter 40: Luha

Kaiba sa mga naunang pag-angkin ng relikya na halos buwis buhay ang lahat upang mapasakamay ang mga iyon, kaiba ang naging pagtanggap namin mula sa mga anghel.

Dahil sa halip na malaking sagupaan, mga kapangyarihang naglalabasan at maging pagbabanta sa isa't isa'y hindi man lang kami nakaramdam ng kahit anong pangamba, sa halip ay isang mainit at magiliw na pagtanggap ang siyang isinalubong sa amin ng mga anghel.

Kasalukuyan kaming nakaupo sa hindi kahabaang lamesa habang nasa magkabilang puno nito'y ako at ang anghel na nasisiguro kong siyang ngayong nangangalaga ng relikya— ang tunay na relikyang katumbas ng pag-aari ni Kalla.

Music box.

Habang nanatili kami ng anghel sa bawat puno ng lamesa, nanatili rin tahimik sina Claret, Kalla, Iris at Harper na kapwa nakikiramdam sa aming dalawa.

Tanging ang ingay mula sa pagsasalin ng tsaa sa aming bawat tasa ang siyang namayani sa kabuuan ng puting silid. At pinili namin muna iyong matapos, dahil bagaman mainit at magiliw ang siyang naging pagtanggap sa amin, hindi ko pa rin maipagkakaila ang kaba sa dibdib ko.

Hindi ko tuloy maiwasang isipin ang lahat ng pinagdaanan namin nang sandaling matuklasan namin ang pangangailangan namin sa mga susi. Sino nga ba ang mag-aakalang ang bawat relikyang iniwan ni Haring Thaddeus sa mga itinakdang nilalang para sa kanyang mga anak ay mga replika lamang?

Na ito pala'y hango lamang sa mga relikyang pagmamay-ari ng mga babaeng sinubukan niyang bigyan ng posisyon at bigyan ng karangalan bilang susunod na uupo sa pitong trono?

Sinong mag-aakala na ang pulidong plano ng isang matalino at kilalang hari'y sa isang iglap ay guguho ng dahil sa pag-ibig?

Si Haring Thaddeus ay may plano na para sa bagong Nemetio Spiran noon pa man, iyon ay ang ibalik ang pitong matataas na trono at bigyan ng higit na kapangyarihan ang mga kababaihan. Nais niyang gumawa ng mundong pantay at matiwasay bago pa man magsimulang malusaw ang dating mga emperyo, ngunit nang sandaling siya'y totoong tinamaan ng pag-ibig, gumuho iyong lahat.

Alam niyang ang pag-ibig ang kalabang kailanman ay hindi niya maipapanalo, kaya'y ang hari'y gumawa ng panibagong hakbang na hindi man siya magtatagumpay sa sarili niyang mga kamay, ang mga bakas na kanyang iniwan para sa kanyang mga anak ang siyang magsisilbing tulay upang siyang magtuloy sa pangarap na hindi niya natupad.

Ang mga relikyang iniwan niya sa bawat nilalang na itinakda sa kanyang mga anak at ang ugnayan nito sa totoong nagmamay-ari— ang mga babaeng dapat ay uupo sa pitong trono.

Hindi ko akalaing darating ang pagkakataon na makakaharap ko sila ng personal. Mula kay Ressa, ang puting lobo, na nadiskubre naming matagal nang pumanaw at piniling dalhin sa hukay ang mapa upang higit itong pangalagaan hanggang sa kabilang buhay. Ngunit nang sandaling kami'y dumating sa kampo ng mga lobo sa Halla Eberron, doon muling iginuhit ang kasaysayan at kontribusyon ng panibagong puting lobo— si Iris, na natatanging nilalang na ngayo'y nakababasa ng dating mapa ng Nemetio Spiran.

Nang sandaling si Iris ay sumama sa aming paglalakbay at sinundan ang mapa at ang bawat bugtong ng punyal patungo sa bawat relikya, kami'y dinala sa sunod na babaeng nagmamay-ari ng susi—si Rohanna. Isang sirena na ngayo'y katulong ng reyna ng mga sirena, Reyna Almera, sa pangangalaga ng karagatan. Sila ang isa sa iilang nilalang na tanging nakakaalam ng siyang kinalalagyan ng dating palasyo ni Diyosa Eda at ang eksaktong lokasyon kung saan pumanaw ang puting lobo mula sa pitong matataas na trono, Elin Holennas, ang lobong inakalang pinagtaksilan ng lalaking kanyang pinakamamahal, babaeng piniling bumulong ng sumpa bago siya tuluyang lagutan ng hininga. Isa puno ang nabuhay sa eksaktong posisyon kung saan siya pumanaw at doon pinili ni Rohanna na itago ang relikya ng bunga na siyang pinangangalagaan niya.

Moonlight Throne (Gazellian Series #6)Where stories live. Discover now