Chapter 48

39.8K 4.5K 2.7K
                                    

You can listen to the song above to feel the chapter. Thank you!

Chapter 48: Sigaw

Nagsisimula nang lumubog ang araw.

Kusang nag-angat ang aking mga mata sa kalangitan kung saan unti-unti nang yumayakap ang kadiliman.

Noo'y naroon lang ako sa itaas, nakatanaw at nagmamasid. Sumasaksi ng pag-iibigang nagmula sa aking mga kamay at naniwalang ang responsibilidad na iyon ay aking panghahawakan hanggang sa kahuli-hulihan ng aking hininga, ngunit hindi akalaing darating ako sa puntong ito—na ako'y mangunguna sa isang napakalaking digmaan.

Sinong mag-aakala na ang maliit na diyosang nakayuko, lumuluha sa kalungkutan at walang katapusang pagkabigo, habang ang mga kamay na sugatan ay nakatago sa kanyang likuran at tahimik na pinakikinggan ang harapang pang-iinsulto sa kanya'y ngayo'y may hawak nang hindi pangkaraniwang responsibilidad?

Tila ang memoryang iyon ng nakaraan ay nakakulong sa isang napakalinaw na salamin na ngayo'y unti-unti nang nabibitak at nagkakaroon ng malalaking lamat, hanggang sa iyo'y tuluyan nang nabasag.

Mula sa pag-ukit ng isang likhang sining mula sa maliit na patalim at mahiwagang kahoy, sa mga likhang kailanman ay hindi binigyang pansin ng lahat—ang maliit na diyosang hinahamak ng lahat, ang mga sugat na nagdurugo sa kanyang mga kamay at ang kirot na nais niyang ikubli habang nakatago iyon sa kanyang likuran, ang mga anino ng nagtaasang diyosa na nakatalikod sa kanya at pinagtatawanan siya... lahat iyon ay unti-unti nang napapalitan ng magagandang alaala.

Ang mga insulto, panghahamak, at mga mata ng pagkabigo'y na nagdala sa akin ng matinding lamig sa kabila ng mundong inakala ko tanging init at pagtanggap ang parating hatid ay napalitan ng mundong kay tagal na palang naghihintay sa akin. Ang mga insulto'y napalitan ng papuri, ang mga panghahamak ay napalitan ng walang katapusang respeto at higit sa lahat ang mga mata ng pagkabigo'y napalitan ng mga matang punung-puno ng pag-asa, paghanga at walang katapusang tiwala.

Sino ako upang hindi itaya ang aking buhay sa mundong kumupkop sa akin at ipinadama sa akin ang totoong init ng tahanan, pamilya, at pagmamahal?

Sino ako para isawalang bahala ang walang katapusang sakripisyo ng mga naunang nilalang na sinubukang ilaban ang mundong ito?

"Dastan..."

Saglit lumingon sa akin ang minamahal kong hari, tipid kaming tumango sa isa't isa bago ko piniling lumipad papalayo sa tabi niya. Hinayaan kong magpatuloy ang usad ng kanyang batalyon at pinabagal ko ang aking paglipad hanggang sa matagpuan ko ang aking sarili sa gitna ng pormasyong tatsulok.

Nasisiguro kong may bahid na ng kapangyarihan ng mga diyosa ang aming mga kalaban, isa lang ang ibig sabihin niyon, hindi nila magagawang tuluyang matalo ang mga kalaban kung wala rin silang bahid ng kapangyarihan ng isang diyosa.

Kailangan nila ng kapangyarihan ko.

Hinayaan ko munang manatili sa pag-usad ang aming batalyon, ngunit pinanatili ko ang aking sarili sa gitna ng tatsulok habang mataas na lumulutang sa kanilang lahat. Kapwa nakabuka ang aking mga braso, nakatuwid ang isa kong paa habang ang isa'y bahagyang nakaangat sa likuran. Ang aking buong katawa'y nagsisimula na rin magliwanag, kasabay ng espadang hawak ni Dastan na siyang nagmistulang gabay sa aming lahat.

Ang apat na bandilang sagisag ng Nemetio Spiran na kapwa hawak ng mga itinakdang prinsipe'y higit pa nilang itinaas. Ang mga anino nitong yumawagaway tila yinayakap ang kabuuan ng aming batalyon—isinisigaw ang aming iisang mithiin.

Malalakas na yabag ng mga kabayo, ingay ng iba't ibang uri ng armas, at putok ng mga kanyon ang siyang unti-unting lumalakas—isang senyales na malapit na kaming makarating puso ng digmaan.

Moonlight Throne (Gazellian Series #6)Where stories live. Discover now