XLVIII - Unleashing Madness

111 8 5
                                    

       Sabi nila kapag nakuha na natin ang nakatadhanang katapusan natin, humihinto na lang ang lahat– ang oras, ang mundo at ang sakit. Wala na raw ibang matitira kung hindi kapayapaan na lang.

        Hinihiniling ko na sana ay totoo iyon.

       Ipinagdadasal ko na kung gaano katahimik at kapayapa ang gabing ito, ay ganoon din ang nararamdaman ni Raven ngayon kung nasaan man siya. Sana katulad ng kung paanong sumisilip ang buwan mula sa likod ng mga ulap, ay sumisilip din ang mapaglarong ngiti sa kanyang labi. Nawa'y hindi na nababalot ng kahit anong kadiliman ang puso niya, katulad ng kung paanong pansamantalang nawala ang dilim nitong lugar dahil sa mga torch light sa paligid. Kasing payapa sana ng labi niyang nakahimlay sa flower bed ang isipan at damdamin niya, kung nasaan man siya ngayon.

        "Hey, do you want to eat or drink anything?" Tanong agad sa akin ni kuya Travis paglapit na paglapit niya sa tabi ko. Ang mga mata niya ay nakatuon din sa dulo ng dock, kung nasaan nakalagay ang flower bed na inihanda nila kanina para paglagyan ng katawan ni Raven. Umiling naman ako, at binalingan na lang si Melissa na nasa gitna ngayon ng Mommy at Daddy niya. Nakatayo lang sila sa may paanan ng labi ng kapatid niya, tila sinusulit ang ilang minutong natitira na mapagmamasdan nila ito.

       Anumang oras ay sisikat na ang araw... at kailangan na naming tuluyang pakawalan si Raven.

       Hindi ko alam kung gaano kami katagal na umiyak kanina, pero alam kong sa nangyari ay mas lalong rumehistro sa aming lahat na wala na talaga si Raven. Sa buong oras din ay inaalo lang ni Mommy si Mallory, halos hindi na kasi ito matigil sa pag-iyak. Hindi na rin kami ni Cass umalis sa tabi ni Melissa, at alam kong nag-aalala rin sa kaniya si Kuya Yohan sapagkat maya't maya itong nagtatanong kung may kailangan ba siya o wala. Sinamahan lang din ni Daddy si Alfred nang mas pinili nitong manatili sa tabi ni Raven.

       Pansamantala ring umalis sila Vivienne, Shawn, Axel, Kuya Jarvis at kuya Travis kanina upang libutin ang paligid at siguraduhing walang panganib na sisira sa gabing ito. Hindi kasi namin kakayanin kung may biglang hindi magandang mangyayari. Ang iba naman sa amin, katulad nina Aunt Celestia, ang Lolo at Lola ni Vivienne, ay tahimik lang na naka-upo malapit sa may lawa, nag-aalay ng sa tingin ko ay isang dasal. Si Kuya Hendrix naman ay sinilip ang mga wala pang malay na kasamahan namin sa loob, sinusubukang gamitin muli sa kanila ang kanyang Ability upang mas mapabilis ang paggaling nila.

       Sa buong gabi ay walang may kahit sinong lakas upang magsalita sa amin. Para bang mas pinili na lang din naming damhin ang sakit na dala ng gabing ito, at bigyan ng oras ang mga sarili namin upang alalahanin ang mga memoryang iiwan ni Raven.

       Alam ko ring kailangan kong sabihin sa kanila ang tungkol sa naging engkwentro namin ng Powerful Being, pero maipagpapabukas ko iyon. Bilang respeto kay Raven, hindi ko muna dadagdagan ang mga gumugulo sa isip nilang lahat.

       Sinungaling din ako kung sasabihin kong tuluyang gumaan ang pakiramdam ko sa narinig ko sa mga Pierce kanina, pero aaminin kong nabawasan nito ang takot na bumabalot sa aking puso.

       "Kuya, sa tingin mo kailan matatapos ang lahat ng ito?" Mahina kong tanong na alam kong kumuha ng atensyon ni kuya Travis, sapagkat naramdaman kong napalingon siya sa akin.

       Mga ilang segundo naman muna siyang hindi sumagot nang lingunin ko rin siya. Nanatili lang siyang nakatingin sa aking mga mata, bago niya ako hinila sa isang mahigpit na yakap, at bumulong, "soon, baby A, soon."

       "One day, we will all look back to all of these pain, and say that we made it." Dagdag pa niya kaya sinuklian ko na lang ang yakap niya, at pareho na kaming bumaling muli sa mga Pierce.

Alexandria Montecillo: The DefenderWhere stories live. Discover now