XXV - Stealing Visions

329 26 7
                                    

       Ang kagandahan sa dilim ay ang katotohanang hindi ka agad makikita ng mga tao sa paligid mo. Hindi nila malalaman agad kung ano ba ang nararamdaman mo, sapagkat nakatago ka sa mga mata nila katulad ng kung paanong nakatago ang tunay na dinadamdam mo.

       Ngunit, hindi sa lahat ng oras ay ganoon ang totoong nangyayari. Dahil minsan, may mga tao pa ring sadyang mapanuri. Mga taong laging nakamasid sa bawat sulok ng kadiliman at gabi.

       At hindi ko man sinasadya... Mukhang nakita ko ang kalungkutan ng isang taong dapat ay wala naman akong pakialam.

       Shawn Nathan Sanders

       Simula nang pagdating ko dito sa field ay siya na agad ang nakita ko. Pagkatapos akong pagalitan nila Kuya Hendrix, at matapos naming siguraduhin na ayos lang si Kuya Yohan ay nagpa-alam na akong pupunta na lang ng dorm ko. Gabi na rin kasi at hindi na kami makaka-uwi, kaya dito muna kami sa Academy matutulog. Natagalan din kasi ang pag-aayos nila Kuya ng gulong ginawa nila Arianne at Victoria. Balak ko namang magpahinga na talaga sa dorm, pero hindi ko alam kung bakit naisipan kong dumiretso na lang dito sa field.

       Inaakala kong wala ng tao rito, lalo pa't ang dilim dilim at tila nakakatakot na ang katahimikan. Pero muli akong binigo ng akala ko nang makita kong naka-upo si Shawn sa may bandang gitna ng field, sa kanang bahagi at nakasandal sa isang puno. Gusto ko sana siyang lapitan agad kanina pero naisip kong nais niyang mapag-isa, kaya nanatili na lang ako sa kinatatayuan ko. Hindi ko rin alam kung bakit hindi ko pa magawang umalis, para kasing ramdam na ramdam ko ang kakaibang kalungkutan niya.

       Konektado kaya ito sa nangyari kanina? Hindi pa rin kasi sa'kin malinaw ang pinagmulan ng gulo nila. Ang alam ko lang ay galit na galit si Axel kay Victoria. Tapos ay nauwi na sa galit ni Arianne. Walang masyadong sinabi sa'kin sila Kuya dahil nagagalit sila sa pag-alis namin, at naiintindihan ko naman iyon. Sobra sobra lang siguro silang nag-alala tapos naabutan pa nilang nasa ganoong sitwasyon kami. Kung ako man iyon, paniguradong mag-aalala rin ako.

        Nais ko mang lapitan ngayon si Shawn at tanungin siya sa kung anong nangyari, ay nahahati naman ang desisyon ko sa dalawa. Hindi naman kasi kami malapit sa isa't isa, at sa tingin ko ay hindi rin lingid sa kaalaman niyang galit sa akin si Arianne. Napapansin ko ring may hindi magandang relasyon sa pagitan ng mga kaibigan niya, at ng mga kapatid ko... kaya dapat ay huwag na lang akong magtanong. Pero kasi, may nag-uudyok din sa aking lapitan siya at kamustahin. May gumugulo sa loob ko, animo'y isang kagustuhan na makilala siya at marinig ang panig niya.

       Hays. Ang hirap.

       "You've been standing there for a while now, what do you need?" Halos mapa-upo at mapasigaw naman ako sa gulat nang marinig kong biglang nagsalita si Shawn, at makitang nasa harapan ko na rin pala siya. Walang ekspresyon sa kanyang mukha, bagay na sa tingin ko'y nakasanayan na ng lahat dahil lagi naman siyang ganyan... Pero mas nakakagulantang pala ang ganito.

       Umatras na lang ako ng kaonti at tumikhim para ayusin ang sarili ko. Halos iiwas ko rin ang tingin ko sa kanya dahil sa hiya at gulat. Hindi ko naman kasi akalaing napansin pala niyang kanina ko pa siya pinagmamasdan.

       Mukhang nahalata rin niyang wala akong maisagot, dahil imbes na pilitin ako ay tumalikod na lang siya upang umupo sa malapit na wooden bench. Akala ko rin ay hindi na niya ako iintindihin, kaya naman laking gulat ko nang nilingon niya ako at sinenyasang umupo sa tabi niya. Bumuntong hininga na lang ako bago lumapit sa kanya. Baka nga dapat ko rin talaga siyang makausap...

       "May... may ano ka ba..." Panimula ko nang maka-upo ako sa tabi niya, may kalakihan ang distansya namin sa isa't isa. Pinagtaasan niya rin ako ng kilay, nagtataka siguro kung anong gusto kong itanong.

Alexandria Montecillo: The DefenderWhere stories live. Discover now