CHAPTER 1: STEALTH POTION

1.9K 76 19
                                    

CIARAH

DAHAN-DAHAN ang paghakbang ko papunta sa nakatalikod na si Roshi. Busy siya sa pagse-cell phone sa may bench. Sure akong magtatagumpay ako sa balak ko.

Itinakip ko ang dalawang kamay sa bibig ko para mapigilan ang paghagikhik. Nai-imagine ko pa lang ang itsura niya, natatawa na agad ako.

Nang isang talampakan na lang layo ko sa kanya ay iniunat ko ang isang kamay.

“Bulaga---Ay!” Namilog ang mga mata ko nang bigla siyang humarap sa akin at hilain ang kamay na dapat ay tatapik sa kanya.

“Roshi, ano ba naman ‘yan, e!” Napaupo ako sa bench sa tabi niya.

Sa magkabilang direksyon kami nakaharap. Hinampas ko siya sa braso nang humalakhak siya.

“Ano? Bakit ka tumatawa dyan?”

“Akala mo magugulat mo ako, ‘no?” nakangising tanong niya.

Ngumuso ako at pinadyak ang paa sa madamong lupa ng garden ng academy. “Paano mo nalamang nasa likod mo ako? May mata ka ba sa likod, ha?”

Kaasar naman! Ang tahimik kaya ng paglapit ko. Kahit ako nga, hindi ko marinig ang sarili kong mga yapak. Paanong narinig niya ‘yon? Malakas ba talaga ang pandinig ng mga daga?

Oo. Daga. Dahil no’ng mga bata pa kami ay hilig siyang tawagin nina Tatay na ‘rat’ o ‘di kaya ay ‘bubuwit’.

“Siraulo.” Itinulak niya ang noo ko gamit ang hintuturo. “Ang lakas kaya ng amoy mo.”

Nanlaki ang mga mata ko. “Amoy! Anong amoy?! Mabaho ba ako?”

Iniangat ko ang isang kamay para maamoy ang kili-kili ko tapos ay ang kabila. Hindi naman, e! O baka hindi ko lang maamoy ang sarili ko dahil immune na ako sa amoy ko?

“You’re really crazy, Minmin.” Tumawa siya. “What I mean is your perfume. Malakas ang hangin kaya kahit hindi ka pa nakakalapit ay naamoy na kita.”

“Oh.” Bumilog ang bibig ko. Kaso ay kumunot din agad ang noo ko. “Teka, hindi naman ako nagpabango, a.”

Inamoy ko ulit ang sarili ko sa pamamagitan ng pagsinghot sa may dibdib ko. Iniangat ko pa ang leegan ng uniform ko.

“Talaga?” Kumunot na rin ang noo ni Roshi. “Wala kang nilagay?”

Umiling ako. “Wala. Hmm. Baka sadyang mabango lang ako sa pang-amoy mo. Uyy!”

Sinundot ko siya sa tagiliran kaya napaigtad siya.

“Minmin!” saway niya sa akin. Hinawakan niya ang kamay na ipinangsundot ko.

Tinawanan ko siya. “Nababanguhan ka sa akin, ‘no?” Itinuro ko siya gamit ang kamay kong hindi pa rin niya binibitiwan.

“Siraulo ka talaga. Baka ‘yong shampoo mo ‘yon.”

Dahil doon ay natigil ako sa pagtawa. Hinawakan ko ang buhok kong nakalugay at inamoy. Oo nga, ‘no? Sobrang bango nga. Ano kayang shampoo ang inilagay ni Nanay sa banyo? Hindi ko na kasi tinitingnan. Basta may magamit, okay na sa akin. Masabi nga kay Nanay na ‘yon na lang ang palaging bilhin.

“Oo nga, e! Amuyin mo, e!” Inilahad ko sa kanya ang kamay kong may hawak ng isang kumpol ng buhok.

Napaatras siya dahil sa lapit no’n sa mukha niya. “Ano ba ‘yan, Kuting! Balak mo bang ipakain ‘yan sa akin?” Hinawi niya ang kamay ko.

Humalakhak ako. “Pwede rin naman, e. Gusto mo ba?”

“E ka na naman dyan, Ms. E---”

Tinakpan ko agad ang bibig niya bago niya pa maituloy ang sasabihin. “Roshi, sige!” Pinanlakihan ko siya ng mga mata. “Tawagin mo ulit akong ganyan, ipapabaril na kita kay Tatay!”

Fence Academy: Living Flesh (Flesh 2)Where stories live. Discover now