PROLOGO

400K 4.5K 302
                                    

Lumalatay. Lumalatay ang bawat hagupit.

"Nanay, tama na po."

Halos malunod na ang kanyang buong mukha sa sariling luha. Naninikluhod. Nagmamakaawa. Ngunit pakiwari niya'y, bingi ang kanyang ina. Nalintikan na naman siya. Sa tindi kasi ng gutom ay kinain niya ang pagkain na para sa kinakasama ng kanyang ina. Dalawang araw na kasi siyang hindi kumakain. At dahil kinain niya ang pagkaing hindi para sa kanya'y ilang araw na naman siyang ikakadena sa isang mabaho't madilim na silid.

"Nanay..." Humihikbi niyang bulong habang pinagsasarahan na siya nito ng pinto.

Wala siyang nagawa kundi ang isisik na lamang ang kaniyang sarili sa isang sulok. Nakaupo sa sahig. Yakap-yakap ang kanyang mga tuhod.

Walang kasing dilim sa loob ng silid. Daig pa niya ang bulag na walang makita. Maging ang kanyang sarili'y hindi na niya maaninag.

Ilang araw na naman kaya siya rito?

Hanggang kailan na naman kaya niya titiisin ang gutom?

'Hindi bale,' sabi niya sa sarili. Nakakain na naman siya bago pa siya hinagupit at ikinulong. Ang mahalaga'y hindi pa siya gutom ngayon. Hindi katulad kahapon.

"Ano na naman ba ang ginawa ng prosti mong ina sa 'yo?" Tanong ng tsismosang kapitbahay.

Makaraan 'yon ng kanyang tatlong araw na pagkakakulong. Mukhang nakita nito ang hindi mabilang na mga pilat at latay na itinanim sa kanyang balat ng kanyang sariling ina.

Hindi siya nagsalita. Lalo lamang kasi siyang malilintikan kapag may nakaalam sa kanyang miserableng sitwasyon. Ano naman pati ang isasagot niya? Kung totoo namang... prosti talaga ang kanyang ina?

Babaeng mababa ang lipad.

Nagbebenta ng laman.

Puta.

Ni hindi niya nga alam kung sino ang kanyang tunay na ama.

"Ang baho mo naman, Jonathan, at ang dumi-dumi ng damit mo. Yuck! Umalis ka nga diyan!" Iyon ang pitong taong gulang na kapitbahay nilang si Cherry.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2013, All rights reserved.

Pitong taong gulang din siya.

Pitong taon na rin siyang nagdurusa sa buhay kung saan siya'y nanatili, sa kamay ng inang hindi niya pinili.

Mabuti pa ang aso, may nagpapakain, samantalang sa kanya'y wala. Tila utang pa niya sa ina na mayroon siyang mabaho't maruming silid na masisilungan sa gabi't kapag umuulan.

Aangal pa ba siya kay Cherry?

Ah.

Hindi na.

Totoo namang mabaho siya. Walang ibang matinong damit kundi ang kaniyang suot-suot. Poproblemahin pa ba niya ang mga matang nangungutya sa kanyang kalagayan? Ang mga kaidaran niyang siya'y binabatok-batukan, sinisipa't tinatadyakan? Mas matinding problema niya sa ngayon ang kumakalam na sikmura. Lalo na't tatlong araw na siyang hindi kumakain.

"Mandurukot! Tulong! May Mandurukot!" Sigaw ng isang babae matapos itong dukutan ni Jonathan.

Hindi na nga niya kinuha ang wallet, 'yung bente pesos lamang ang kinuha niya. Ngunit sa maliit na halagang iyo'y mukhang mapapahamak pa yata siya.

"Parang awa niyo na po magandang ale, nagugutom lang po ako!"

Ngunit malupit ito. Katulad ng ibang pang mga tao.

Sinampal siya nito, sinabunutan, piningot at saka ipinahuli sa pulis. Gustuhin man niyang umiyak, ay tigang na ang kanyang mga luha. At ang masaklap sa lahat, ay nagugutom pa rin siya.

"Sana, mamatay na lang ako." Bulong niya sa sarili.

"Mamang pulis, patayin niyo na lang po ako." Natigilan ang pulis na humuli sa kanya. Bakas sa mukha nito ang matinding awa sa kanya. "Ayoko na pong mabuhay."

[ITUTULOY]

The Broken Man [PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon