#TheScoopsAKiller

144 12 2
                                    

Paboritong tambayan ni Rim ang sementeryo di-kalayuan sa ospital ng siyudad at sa chapel. Ang katahimikan ang siyang nagpapakalma sa kaniya. Malayo sa kaguluhan. Malayo sa drama. Malayo sa mga patayan. Tanging ang mga patay lamang ang nakikinig sa kaniya. Hindi man sumasagot, pero pakiramdam ni Rim ay naiintindihan siya ng mga ito.

Pero iba ang araw ngayon. Halos mapuno ng tao ang sementeryo, pawang mga nakaitim at may dalang mga puting bulaklak. Agaw-pansin ang babaeng naka-pink na dress. Napagtanto niya na si Sek iyon.

"Libing pala ni Ken Disbelav ngayon," bulong niya sa sarili. Nalaman niya lang ito kay Lance nang huli silang mag-usap. Ngayong nasa ospital si Lance at nagbabantay kay Collie, minabuti na lang ni Rim na magpunta sa sementeryo. Nakalimutan niya lang na may ililibing pala.

Napatigil siya di-kalayuan sa magiging libingan ni Ken. Ang daming tao, halos hindi na mabilang ni Rim. Pansin niya na naroroon ang sina Sek, Nixie, at Chi, gayon na rin si Hannah at ang pulis na nag-iimbestiga ng kaso ng Grim Reaper. Napangisi si Rim nang maisip niya kung gaano na talaga kadelikado ang situwasyon.

May isa rin siyang napansin, nakasandal sa puno ng akasya di-kalayuan—si Van. Isang camera ang nakasabit sa kaniyang leeg samantalang hawak niya ang kaniyang phone at mukhang magpapadala ito ng text message.

May isang phone na nag-ring sa lupon ng mga tao, at si Chi 'yon. Agad niyang kinuha ang cellphone mula sa dalang purse at saka nagbasa ng mensahe. Nasaksihan ni Rim ang pagbabago ng ekspresyon sa mukha ni Chi. Labis na pagkabahala ang makikita rito.

Nang bumalik ang tingin ni Rim sa puno ng akasya, wala na roon si Van. Naglaho na lang ito na parang bula.

"Ang hirap, 'no?" tanong ng isang boses sa kaniyang likuran.

Lumingon si Rim at hindi niya inaasahan na makikita si Ethan na nakatayo, nakasuot ng tuxedo at pinagmamasdan ang mga tao na nakapalibot sa puntod ni Ken.

"Ang alin?" tanong ni Rim.

"Ang mawalan ng mahal sa buhay," sagot ni Ethan.

Tumango na lamang si Rim at patuloy na pinagmasdan ang natatarantang si Chi. "Tunay nga," sagot niya. "Mahirap ang mag-isa."

"Bakit ka pala naririto sa sementeryo? Mukhang hindi ka naman inimbita base sa suot mo," ani Ethan.

Karaniwang kasuotan ng mga goth—istilo mula sa medieval period—ang suot ni Rim. Lahat ay kulay itim, maski ang kaniyang mga kuko. Ang kaniyang buhok at nakalugay at halos takpan na ang kaniyang mukha. Kahit na tinitingnan na siya nang masama ng mga tao, wala siyang pakialam. Ito ang kaniyang istilo.

Ito ang kaniyang buhay.

"Pangalawang tahanan ko na ang sementeryo. Dito ako lumalagi," sagot ni Rim sa kasama.

"Gusto mo ang lugar na 'to?" tanong ni Ethan.

Isang nanlilisik na tingin ang ibinato ni Rim kay Ethan. "Oo. Bakit mo naitanong?"

"Wala nang ligtas sa lugar na ito. Kailangan niyong mag-ingat. Baka kayo na ang sumunod kay Ken," wika ni Ethan. Ngumiti ito kay Rim saka naglakad palayo, patungo sa pangunahing gate ng naturang sementeryo.

Habang naglalakad ito, naririnig ni Rim ang kantang hinuhuni ni Ethan—ang Tatlong Bibe.

Bumalik ang tingin ni Rim sa grupo ng mga tao sa puntod ni Ken, at napagawi ang kaniyang atensyon kina Sek, Chi, Nixie. Napagtanto ni Rim kung bakit kinakanta ni Ethan ang huning 'yon.

Ang tatlong bibe na kaniyang tinutukoy ay ang tatlong babaeng 'yon.

*****

Nagsialisan na ang mga tao, gayon na rin ang pari sa sementeryo. Nanatili na lang sa harap ng puntod ni Ken ay sina Nixie, Sek, at Chi. Pinili ni Sek na magtagal muna kahit nang ilang minuto, makasama lamang niya ang yumaong kasintahan kahit sa sandaling panahon lang.

Hashtag MurderWhere stories live. Discover now