Janin

70.4K 2.5K 390
                                    

Janin


"Ano'ng kailangan mo?" tanong ko nang buksan ko ang pinto ng unit ko. Agad akong napabuntong hininga nang makita ko siyang nakatayo sa harap ko.


Ten ng umaga nang magising ako. Masakit pa ang mga mata ko dahil sa puyat. Sa sobrang inis ko sa taong ito kagabi, hindi ako nakatulog nang maayos. Hindi ko naman inaasahan na siya ang unang tao na makikita ko ngayong araw. Kung alam ko lang, hindi ko na sana binuksan ang pinto.


"O," sabi niya sabay abot sa akin ng isang ceramic bowl na may takip. Mukhang siya pa itong naabala kung titignan ang mukha niya.


"Ano 'yan?" kunot noo kong tanong saka humalukipkip.


"Pwede bang tanggapin mo nalang?" tila naiinip niyang tanong.


Nainis ako sa tono niya. "Bakit ko naman tatanggapin 'yan? Malay ko kung ano ang laman nyan."


"Tsk. Itapon mo kung ayaw mo," sabi niya. Pinilit niyang ibinigay sa akin ang dala niya.


Wala akong nagawa kundi kunin iyon nang idikit na niya halos sa tyan ko.


"Ano ba?!" naiinis kong sabi.


Bigla siyang naglakad pabalik sa kanyang unit nang hindi lumilingon. Tignan mo ang taong iyon. Napaka-selfish. Hindi marunong makinig. Naiinis kong isinara ang pinto ng apartment ko. Dumiretso ako sa kusina at inilapag sa lamesa ang bowl.


"Ano ba kasi ito?"


Binuksan ko ang takip at nakita ang laman nitong chicken curry. Ilang segundo ko iyong tinitigan. Nalilito ako. Bakit niya ako binibigyan ng pagkain? May ihinalo kaya siya rito? Ano ba ang pinaplano ng taong iyon? Kailangan ko talagang mag-ingat sa kanya.


***


Naglilinis ako ng kwarto ko nang may masanggi akong kahon sa lapag. Binuhat ko iyon at ipinatong sa kama. Nagpatuloy ako sa pagwawalis. Nang matapos ako, binalikan ko ang kahon na nasa kama.


Binuksan ko iyon at tinignan ang laman para malaman kung saan ko iyon dapat na ilagay. May mga libro sa loob. Nagpasalamat ako at may built in na bookshelf sa loob ng kwarto ko. Inisa isa kong inilagay doon ang mga libro. Nang halos maubos na ang laman, sa pinaka-ilalim, nakatago ang isang itim na kahon.


Pamilyar. Matagal ko itong tinitigan. Ito ang kahon na ibinigay sa akin ni Dylan. Ang kahon na ipinaabot sa kanya ni Leon. Umupo ako sa kama at binuksan ang kahon. Nakita ko sa loob ang isang panyo at isang sobre ng sulat.


Kinuha ko ang panyo at tinignan ang disenyo. Natigilan ako nang makita na pamilyar ito sa akin. Ito ang... panyo na ibinigay sa akin dati ni Leon noong una kaming nagkita.


Bakit niya ibinibigay ulit sa akin? Ibinalik ko na ito sa kanya noon. Ano'ng ibig sabihin nito?

Dear Ex-BoyfriendTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon