Janin

120K 3.3K 331
                                    

Janin


"Ahh. Ganon pala ang nangyari," sabi ni Kayleen nang ipaliwanag ko ang nangyari.


Nasa kusina kaming tatlo at kumakain ng umagahan. Kanina pa nakaalis ang mga magulang nila. Nakakahiya nga dahil ang aga namin silang nagising kanina.


"Sigurado ka bang wala kang ginawa sakin?" tanong sa akin ni Dylan. Kung tignan nya ako para bang anumang oras ay dadambahin ko sya at kakainin. Nakahawak sya sa kutsara nya nang mahigpit, inaasahan yata nyang kaya sya nitong protektahan laban sa akin.


Hindi ko alam kung seseryosohin ko ba sya o hindi.


"Kuya!" hinampas ni Kayleen ang kapatid nya. "Tigilan mo na yang joke mo, hindi ka na nakakatawa. Janin, pagpasensyahan mo na si kuya. Kahit makulit yan, hindi naman sya nangangagat."


"Hindi ako aso!" kunot noong sabi ng kuya nya.


"Tsaka may turok yan," nakangiting sabi ni Kayleen.


"Ah, Ikay ha. Sinasaktan mo na ang aking damdamin. Abuso ka na ha."


Tumawa naman si Kayleen. Para silang may sariling mundo na magkapatid. Sila lang ang nagkakaintindihan. Ganito pala si Kayleen sa kapatid nya.


Pagkatapos kumain. Nagpaalam ako kay Kayleen na aalis upang pumunta sa hotel kung saan ako nag-OJT.


"Sigurado ka ba?"


Tumango ako. "Hindi mo na ako kailangan samahan. Kaya ko naman pumunta roon mag-isa."


Sinalubong ako sa labas ni Sirius. Kumakaway ang buntot nya at umiikot ikot na para bang gusto nyang lumabas. Hinimas ko ang ulo nya para kumalma sya. Kaagad naman nyang dinilaan ang kamay ko.


"Tawagan mo ako kapag nagkaproblema ka, okay?"


"Hmm." Tumango ako sa kanya at lumabas na ng gate.


Pinahiram nya ako ng pera para panggastos ngayong araw. Pinahiram din nya ako ng damit nya. Ang dami na nyang naitulong sa akin. Paano ko kaya sya mababayaran sa lahat ng ginawa nya?


Naging tahimik ang byahe ko. Okupado ng mga problema ko ang isip ko. Kung saan ako titira, paano ako makakahanap ng trabaho, kung kailan maibabalik ang wallet ko. Alam kong imposible nang maibalik ang laman na pera, pero kahit man lang yung mga IDs ko makuha ko. Kailangan ko ang mga iyon. Matagal ang pagproseso ng IDs. Kailangan ko yon para sa trabaho ko. Kung hindi ako makakahanap ng trabaho, anong gagawin ko?


Muntik na akong lumagpas sa pupuntahan ko, mabuti nalang at nagtawag ang konduktor ng bus.


Dumiretso ako sa opisina ni Ms Glam pagkapasok ko sa hotel. Mabuti nalang at kilala pa ako ng mga orihinal na empleyado dito kaya nakapasok ako sa opisina. Sandali kaming nag-usap bago nya ibigay sa akin ang cheke ko.

Dear Ex-BoyfriendTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon