CHAPTER 14

880 42 8
                                    


Nang masiguro niyang stable na ang lagay ni Nathaniel ay nauwi na lang siya sa bahay ng Tito Spencer at Tita Mary Jane niya. Ayaw niya nang galitin pa ang kanyang ama. Ayaw na din niyang makadagdag sa iintindihin ni Martha. Kailangan ito ng anak.

Sa biyahe ay patuloy pa rin na nage-echo sa kanyang isip ang lahat ng sinabi ng kanyang ama. Hindi ito iyong unang beses na narinig niya iyon mula sa bibig ng kanyang Papa pero hanggang ngayon ay parehas pa rin ang epekto sa kanya.

Pinilig niya ang ulo para huwag nang isipin pa iyon. Ang tagal na, Shirley, kausap niya sa sarili. Sanay ka na dapat. Kaya pilit na inaliw niya ang sarili sa pakikinig ng mga kanta ng Parokya ni Edgar kaysa sa kung saan-saan pa napapadpad ang kanyang isip.

"Oh, akala ko uuwi ka sa inyo? Hindi ka kasi nakauwi ng tamang oras kaya akala ko sa Papa mo ka ngayon," naka-ngiting salubong sa kanya ng kanyang Tita Mary Jane. "Kumain ka na ba, Shirley? Mabuti na lang at palagi ako'ng nagtatabi ng pagkain."

Naalala niyang hindi pa nga pala siya kumakain ng tanghalian. Lagpas ala-una na.

"Bihis po muna ako, Tita," aniya rito.

"O, sige. Paghahanda na kita ng pagkain."

Pumasok siya sa kuwarto at nagpalit ng damit bago lumabas para kumain. May nakahanda na sa mesa. Ang Tita Mary Jane niya ay abala sa panonood ng TV sa sala habang nagsusulsi ng polo ng kanyang tiyo.

"Dalian mo diyan Shirley at manood ka dito! Nakakatawa ito'ng pinapanood ko," pagyaya nito sa kanya.

Napa-ngiti siya at binilisan ang pagkain. Pagkatapos niyang ayusin ang pinagkainan at maghugas ng pinggan ay naupo siya sa tabi ng kanyang tiya. Ngunit sa halip na sa TV siya manood ay ito ang lihim niyang pinagmamasdan.

Bakit kaya hindi ito at ang tito niya ang biyayaan ng anak? Nasisiguro niyang magiging masaya ang batang iyon sa piling ng mga ito. Mamahalin ito ng lubos at hinding-hindi iiwan ng basta-basta. Sana...naging tunay na anak na lang siya ng mga ito. Siguro hindi na siya masasaktan.

Pero sana magmana siya sa mala-beauty queen na ganda ng kanyang Tita Mary Jane. No offense meant, Tito Spencer.

Nagkuwentuhan sila ng kanyang Tiya pagkatapos. Ikinuwento nito ang tungkol sa business na gustong simulan. Isang salon. May ipon naman ito para doon. Nababagot na daw kasi ito na nasa bahay lang naka-pirmi at gumagawa ng mga gawaing bahay.

"Hindi ka ba mapapagod niyan?" tanong ng Tito Spencer niya nang dito naman ikuwento ni Tita Mary Jane ang tungkol sa negosyo.

Sumubo siya ng isang kutsarang puno ng ube ice cream na paborito niya habang nanonood ng movie na nakasalang.

"Hindi 'no! Ano ba'ng gagawin ko doon? Magbabantay lang ako. Pangarap ko kasi iyon, e, bukod sa pagtuturo."

Tinignan niya ang mga ito. Nahagip siya ng mga mata ng tiyo. "Shirley, nakakadami ka na ng ice cream diyan. Baka naman magka-diabetes ka na niyan." Saway nito bago muling bumaling sa kanyang tiya. "Saan ka naman magpapatayo ng salon? Dapat ay dito lang sa malapit, ha."

"Oo maghahanap ako ng puwesto na malapit lang."

Nagpatuloy ang mga ito sa pag-uusap.

Ang normal ng buhay dito sa poder ng tiyo't tiya niya pero bakit hindi siya makontento? Bakit ba bumabalik-balik pa din siya sa kanila? Dahil siguro alam ng puso niya na sa kabila ng turing sa kanya ng kanyang ama, ito pa din ang pamilya't tahanan niya.

Maaga siyang nagising kinabukasan kahit na nagpuyat sila sa panonood ng mga palabas. Naghilamos at nag-toothbrush siya bago lumabas ng bahay. Alas-singko pa lang ng umaga kaya medyo madilim pa at malamig pa ang simoy ng hangin.

Pakisabi Na Lang (A JaiLene Fanfiction)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon