Chapter 14

1.1K 31 3
                                    

Chapter 14

KINABUKASAN ay nagising si Stacy nang dahil sa init na kanyang nararamdaman at tagaktak ng pawis sa kanyang noo. Akmang pupunasan niya ito ng kanyang kamay nang bigla niyang mapagtanto na mayroong nakahawak dito.

Kaya naman ay agad siyang napadilat at ganoon na lang ang gulat niya nang makita si Russell na natutulog sa upuan habang nakahawak sa kanyang kamay. Halatang hindi ito kumportable sa kinapupuwestuhan nito at malapit ng mahulog ang ulo mula sa pagkakasandal.

Naguguluhang inilibot niya ang tingin sa paligid. Maliwanag na sa labas at bahagya na ring pumapasok mula sa siwang ng kurtina ang matinding sikat ng araw.

Hanggang sa mapatingin siya sa magkahawak na kamay nila ni Russell bago dahan-dahang binawi ang kanya at pilit na inalala ang mga nangyari. Napaawang ang kanyang bibig nang maalala na bumisita nga pala ito kahapon sa kanya kasabay ng pagkakaroon niya ng lagnat. Maging ang napag-usapan nila ng kanyang ina.

Ngunit tuluyan siyang napabangon nang maisip ang tungkol sa presentation na kailangan niyang tapusin. Dali-dali niyang tinungo ang study table na katabi lamang ng kanyang kama at binuksan ang laptop na nasa ibabaw nito.

Pero hindi niya inaasahan ang kanyang nakita. Sa pagkakatanda niya ay halos nasimulan pa lamang niya itong gawin. Kaya naman ay hindi niya lubos maisip kung paano ito natapos agad. Bukod roon ay halos perpekto pa ang pagkakagawa nito.

Habang binabasa ang naturang presentasyon ay wala sa loob na tumuon ang kanyang atensyon sa tray na katabi lamang ng kanyang laptop kung saan ay mayroong nakalagay na isang bowl at baso na parehong wala ng laman.

Dahil dito ay dahan-dahan niyang nilingon ang natutulog pa rin na si Russell. Buong buhay niya ay palaging ang mga katulong nila ang nag-aasikaso sa kanya kahit sa mga panahon na mayroon siyang sakit. Kung hindi kasi abala sa pagtatrabaho ay madalas na nasa ibang bansa naman ang kanyang mga magulang. Pero noong magsimula na siyang mamuhay mag-isa ay wala na siyang ibang inaasahan pa sa lahat ng bagay kung hindi ang sarili na lang niya.

Sa simula pa lang ay pilit na pinipigilan na niya ang sarili na lumalim pa ang kung anuman na nararamdaman niya para kay Russell. Ngunit tila magiging imposible ito nang dahil na rin sa mga sinasabi at ginagawa nito para sa kanya.

Sa loob ng maraming taon ay ngayon na lang ulit siya nakaramdam ng ganoong klase ng pag-aalalaga mula sa ibang tao. Ngayon na lang ulit niya naramdaman na espesyal at importante rin siya para sa iba.

“Kung bakit naman kasi ay hindi ka na lang umuwi. O kaya ay humiga roon sa mahabang sofa para hindi ka naman ganoon kahirap sa puwesto mo kahit papaano,” wika niya habang nakatitig kay Russell.

Naiiling na inabot niya ang kanyang kumot sa ibabaw ng kama bago ito ikinumot sa katawan ng binata. Sa kabila ng lahat ng mga ginawa nito ay ayaw pa rin niyang umasa. Maaari kasi na wala naman itong kahulugan para kay Russell.

Ilang saglit pa ay napagpasyahan na niyang lumabas ng kuwarto at dumiretso sa kusina. Ngunit nalaglag na lang ang kanyang balikat nang mapansin na wala na pala siyang stock ng pagkain at iba pang supplies. Lalo pa at nagamit na rin ni Russell ang ilan sa mga ito.

Dahil mabuti naman na ang kanyang pakiramdam ay naisipan niyang mamili muna saglit. Pero kahit ganoon ay nagpunas na lamang muna siya imbis na maligo. Nang matapos sa pag-aasikaso ay muli niyang sinilip si Russell na mahimbing pa rin na natutulog. Marahil ay napuyat ito sa pagbabantay sa kanya.

That’s why, in return, she wants to cook something for him this time.

Nag-iwan lamang siya ng maikling note dahil baka hanapin siya ni Russell pagkagising nito bago siya tuluyang umalis. Pagkalabas niya ng building ay mabilis niyang pinara ang paparating na taxi.

The Professor's Possession (To Be Published) ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon