Chapter 31 - Kahadras Legends

31 5 0
                                    

OLIN

"Patawarin mo 'ko, Olin," saad ni Talay.

Tila nabanat ang segundo habang nagkatitigan kaming dalawa. Hindi ko maintindihan kung bakit niya ginawa 'yon. Hindi ko inasahan 'yon. Mabait naman si Talay, masunurin, maalaga, at maaalahanin. Kaya isang malaking bakit? Bakit niya ginawa 'yon? Bakit niya kinuha ang Boac? Ano'ng plano niya? Nagbabalatkayo lang ba siya para mahulog ang loob namin sa kaniya?

"Talay . . ." ungot ko. 'Yon lang ang tanging naisambit ko.

Ang galak na naramdaman ko kanina ay nabura din. Akala ko, magtatagumpay na 'ko. Akala ko, maiuuwi ko na sa Melyar ang Boac. Hindi ko alam kong paano iproseso ang rebelasyong 'to.

"Akin na 'yan, Talay!" Isang sigaw ang gumimbal sa amin. Tila nag-aapura. Pamilyar ito. Hindi ako nagkakamali. Ang tinig na iyon ay walang iba kung 'di kay . . . Sinrawee.

Nilingon namin ang pinanggalingan ng boses at nakita namin siya. Paika-ika ito kung maglakad. Ang isang kamay niya ay nakasapo sa tiyan at ang isa nama'y may hawak-hawak na tungkod na nakatutulong sa kaniya sa paglakad. Nakasuot ito ng itim na balabal, may puting damit, at kulay-kapeng pantalon. 'Tapos, ang buhok niya ay kulay-abo. Sa tulong ng maliwanag na buwan, naaninag ko ang kaniyang hitsura. May takip ang kaliwa niyang mata at may peklat sa kanang bahagi ng kaniyang pisngi.

"Akin na sabi, eh!" pag-ulit ni Sinrawee.

Kaagad na tumakbo si Talay patungo sa kaniya at tuluyan na niyang inilagay ang Boac sa kamay ni Sinrawee.

"Olin, gumawa ka ng paraan," bulong sa 'kin ni Alog.

Napaisip ako. Normal na tao at taong nagtataglay ng karunungang itim lang ang nakapapasok dito sa kagubatan ng Sayre, ayon kay Mounir. Normal na Tselese lang ba talaga si Talay? O mayro'n din siyang itim na kapangyarihan gaya namin ni Sinrawee?

"Olin . . ." nangangambang sambit ni Alog sa pangalan ko.

Dahan-dahang iniangat ni Sinrawee ang Boac papunta sa kaniyang bibig hanggang sa kainin niya ito nang unti-unti.

Kaagad kong inipon ang puwersang nananalaytay sa 'king katawan patungo sa 'king braso hanggang sa sumasayaw ang mga itim na ugat dito at dali-daling lumabas sa palad ko saka naging bilog.

"Olin, gumawa ka ng paraan," nag-aalalang sabi ni Alog.

Itinapat ko ang kamay ko sa direksyon ni Sinrawee at sa isang kisapmata'y tumatakbo na ang mahiwagang bulaklak sa hangin pabalik sa akin. Mas dumoble ang galit ko ngayon dahil sa panloloko ni Talay sa amin. 'Di ko hahayaang magtagumpay sila!

Subalit sinapak ko ang sarili ko sa isip ko nang mahawakan ko ang Boac at makitang kalahati na lang ito. Kasalanan ko 'to, eh. Masyado akong tutok sa pagtataksil ni Talay. Hindi agad ako gumawa ng hakbang para agawing muli ang makapangyarihang bulaklak.

"Olin, pa'no 'yan, kalahati na lang?" ani Alog.

"Puwede pa kaya 'to?" tanong ko sa kaniya.

"Ewan ko. Subukan natin. Dalhin mo na 'yan sa gingharian ng Melyar."

Tumango-tango ako bilang sagot. Akmang tatakbo na 'ko ngunit bigla na lang akong nakaramdam ng hilo. Parang umikot ang paligid at dumoble ang mga nakikita ko ngayon. Alam kong may matinding sugat akong natamo mula sa dragong maraming ulo na si Helong, pero tiniis ko lang ito. Ngayon, naniningil na ang katawan ko.

"Ayos ka lang ba?" pagsaboy ni Alog ng kuwestiyon.

"Ibalik mo sa akin 'yan, Olin!" sigaw ni Sinrawee sa di-kalayuan. Ramdam kong nagbabalik na ang enerhiya niya nang paunti-unti. "Ama mo pa rin ako! Hindi mo ako maaaring kalabanin!"

Olin in Kahadras: Advent of the BearerWhere stories live. Discover now