Chapter 4 - Tambaluslos

82 6 35
                                    

OLIN

Ang pagsikat ng araw ay nagbigay ng kulay-rosas na kulay sa kalangitan ngayong umaga. Huni ng mga masasayang ibon ang naglalaro sa 'ming pandinig. Kay gandang pagmasdan ang tanawin sa labas mula rito sa balkonahe. Subalit 'di mapagkaila ang kabang namamahay sa 'king dibdib sa kadahilanang ngayon na kami lilisan sa palasyong 'to, ngayon na kami makikipagsapalaran.

Kahit natatakot, kailangan kong makipagsabayan sa mga kasama ko na nuknukan ng tapang. Handang-handa na kasi sila sa paglalakbay kahit alam nilang lahat na may nagkalat na kakatwang nilalang sa paligid ng Kahadras.

Suot ko pa rin ang uniporme ko: kulay-abong polo; kulay-uling na short; at itim na sapatos. Ngunit ang kaibahan lang ngayon ay may suot na rin akong kulay-tsokolateng balabal na galing sa lumang tokador. 'Tapos, nakasukbit sa balikat ko ang itim na bag na may lamang baon namin—tubig at tinapay na handog ng mga Banwaanon sa mahal na rayna.

Ayon kay Mounir, likas na magagaling sa paglikha ng iba't ibang uri ng kagamitang pandigma ang mga taga-Melyar kaya hinandugan ako ni Rayna Helya ng isang espada ngunit kaagad ko itong tinanggihan. Ayaw ko ng gano'n. Hindi ba sabi nila, may kapangyarihan ako? Kung mayro'n talaga, sapat na 'to bilang proteksyon ko sa sarili ko—sa 'min ng mga kasama ko.

Samantala, si Talay naman ay nakasuot ng puting damit at saya, may balabal din siya na kulay-kape, may punyal na nakasabit sa baywang niya, at ngayon ay may sapin na ang kaniyang mga paa—isang pares ng bakya. At hanggang ngayon ay buhat-buhat pa rin niya ang paso na kinalalagyan nina Saya, Alog, at Lish.

Kailangan daw naming hanapin si Langas, ang isinumpang nilalang, sabi ni Mounir. Siya kasi ang magsisilbi naming gabay. Sa usapang Boac naman, sina Saya, Alog, at Lish na raw ang bahala roon. At 'yan ang dahilan kung bakit sila nasama sa misyong 'to.

"Hindi ka ba talaga puwedeng sumama?" tanong ko kay Mounir. Naglalakad kami ngayon palabas ng palasyo habang may nakapilang mga kawal sa kaliwa't kanan namin. Kasabay ko sina Queen Helya at Mounir samantalang nangunguna naman sina Talay, Saya, Alog, at Lish.

Marahan siyang umiling. "Bukod sa kailangan ako rito, kung sakaling may sumugod dito na kampon ng kadiliman, hindi rin naman ako makapapasok sa Kagubatan ng Sayre dahil sinakop na iyon ng kapangyarihan ng halimaw na nagbabantay sa Boac, si Helong," paliwanag sa 'kin ni Mounir.

Nakatingala lang ako sa kaniya sapagkat mas mataas siya kaysa sa 'kin habang patuloy pa rin kami sa paglalakad.

"Tanging normal na tao lang ang makatatapak doon," gatong pa ni Queen Helya, "at taong may dalang itim na mahika kagaya mo, Olin."

Habang naglalakad ay rinig ng dalawa kong tainga ang bulungan ng mga tao rito sa palasyo. Baka mamatay lang daw kami kesyo 'di raw ako ang Olin na nasa panaginip ng raynang nakakakita ng hinaharap. Pero mayro'n namang kompiyansa na ang mga masasamang elemento sa Kagubatan ng Sayre ay magagapi ko. Umabot na talaga ako sa punto ng buhay ko kung saan maraming kumukuwestiyon sa abilidad ko, pero doon na lang ako magpopokus sa mga naniniwala sa 'kin. Doon ako kukuha ng lakas para tapusin 'tong misyon ko at para makabalik na 'ko sa amin—sa Mandaue.

"Pero 'wag kang mag-alala, maaari mo naman akong kausapin sa pamamagitan ng hangin," pahabol pa ni Mounir.

Nginitian ko na lang siya. Naintindihan ko na ngayon. 'Di niya puwedeng iwan ang mahal na prinsipe kasi habang patungo kami sa Kagubatan ng Sayre, baka may biglang sumugod sa palasyo. Eh 'di mauuwi lang sa wala ang lahat.

Pagbukas ng tarangkahan ay kaagad huminto ang nangunguna na si Talay para tingnan kami. Tumigil na rin kami at nagkatinginan. Napahinga ako nang malalim. 'Pag tumapak na kami ni Talay sa labas nitong gingharian, alam kong may kapahamakang naghihintay sa 'min lalo pa at hindi namin makakasama ang asul na salamangkero. Pero dala ko naman ang kapangyarihan ni Sinrawee. At ayon kay Rayna Helya, ako ang tatapos sa halimaw na si Helong.

Olin in Kahadras: Advent of the BearerWhere stories live. Discover now