Chapter 1 - The Bearer

545 21 43
                                    

Chapter 1 - The Bearer

“Nana sad ning udto nga mura ko ug gigakos ni Satanas!” (Heto na naman ang tanghaling para akong niyayakap ni Satanas!) bulalas ko habang ginagawang pamaypay ang aking kanang kamay.

Kalalabas ko lang sa bahay namin at yumapos kaagad sa ’kin ang nakapapasong sinag ng haring-araw. Pinihit ko ang aking leeg at naghalukay sa bag ko ng bagay na maaaring gamiting panangga. Nang sumang-ayon ang utak ko sa nahanap ng aking mga mata, kaagad kong inilabas ang makapal na papel at ginawang kalasag laban sa araw.

Taga-Maynila talaga kami dati. Kaso, biglang naisipan nina Mama at Papa na lumipat dito sa Cabancalan, Mandaue City, Cebu. Hindi ko talaga alam kung bakit biglaan ang pangingibang-pook namin. ’Di na rin ako naghagis ng tanong sa mga magulang ko. Mahiya man ako, uy.

Patungo ako ngayon sa eskuwelahan namin. Afternoon shift kasi ’pag Grade 10 kaya kailangan kong makipagtagisan sa araw araw-araw. Kasalukuyan akong nag-aabang ng masasakyang bus papunta sa highway. Kadalasang dumaraan ay sinakop na ng mga tao kaya ’di na nag-abalang huminto sa harapan namin.

Rumehistro sa magkabila kong tainga ang hinaing ng mga katabi ko rito dahil sa init. Pinilit ko ang sarili ko na maging alerto sa paligid. Kita ng dalawa kong mata na nanghihina na sila, ngunit sigurado ako na kapag may tumigil na bus dito sa puwesto namin, biglang lalakas ang mga ’to.

Ilang sandali pa ang lumipas ay laking pasasalamat ng karamihan nang may humintong bus. At gaya ng nasa isip ko kanina, bigla silang nagkaroon ng enerhiya at buong-lakas na nakipagdigma para lang makasakay. Hindi nakatakas sa ilong ko ang pinaghalong amoy ng kili-kili at pawis ng paghihirap ng mga kasabayan ko. Dagli kong itinulak ang itaas na labi ko patungo sa mga butas ng aking ilong. Nakipagsiksikan din kasi ako. Siyempre, hindi ako nagpatalo kaya nakaupo na ako ngayon dito sa likuran habang may unan na nakapulupot sa leeg ko.

Basta Bisaya, kusgan gayod na! (Basta Bisaya, malakas talaga ’yan!)

Isinandal ko ang ulo ko sa bintana. Sa totoo lang, pakiramdam ko talaga, taga-rito ako. Ang ibig kong sabihin ay parang dito talaga ako isinilang ni Mama. Parang lumipat lang kami sa Luzon ’tapos bumalik ulit dito sa Visayas. Palagay ko, dito talaga ang tahanan ko.

Nang huminto na ang sinasakyan namin sa bus stop ay dali-dali akong bumaba at naglakad nang ilang metro para marating ng mga paa ko ang paaralan namin. Pagpasok ko sa tarangkahan, ini-scan kaagad ang ID card ko ’tapos tsinek ng guwardya ang dala-dala kong bag.

Nang matapos, pumanhik ako sa ikalawang palapag at dumiretso kaagad ako sa room namin kasi wala naman akong kakilala na tumatambay sa labas. Pag-apak ko sa loob ay walang bumati sa ’kin ng, “Hi, Olin.” Inasahan ko naman ’yon. Tiyempong pag-upo ko malapit sa bintana, dumating na rin ang guro namin na nasa edad trenta, hanggang balikat lang ang haba ng buhok, ang mga mata’y may kalakihan, at ang mga labi ay napapalamutian ng kulay-dugo. Binati namin siya nang sabay ’tapos nag-umpisa na siyang magturo sa ’min.

Bumuntonghininga ako.

Buhat nang mawala si Soledad Cirrano o Solci, bumalik na ulit sa tahimik ang pamumuhay ko rito sa Cebu. Siya lang kasi ang palaging nangungulit at kumakausap sa ’kin simula nang lumipat kami rito. Kapitbahay ko siya at saka katabi ko rin dito sa silid-aralan namin. Kung paano siya naglaho na parang bula ay wala na ’kong ideya roon.

“Sa wakas, natagpuan ko na rin ang bearer.”

Kumunot ang noo ko at awtomatikong pumihit ang leeg ko nang may marinig akong bulong. Dumapo ang mga mata ko sa ’king kaklase na nasa likod ko saka nagsaboy ng kuwestiyon: “Ha? Unsa imong giingon?” (Ha? Ano’ng sabi mo?)

Olin in Kahadras: Advent of the BearerWhere stories live. Discover now