Chapter 11 - Bewitched

29 5 0
                                    

OLIN

Muli kaming pumanhik sa bundok para magpatuloy sa paglalakbay. At ngayon ay binabaybay na namin ang malawak na kapatagan, sa lupain ng Escalwa, sa tulong ng aming gabay na si Langas. Tagaktak ang pawis namin at pare-parehong nakangiwi dahil sa init na iginawad sa 'min ng haring-araw.

Kahit hindi ko alam kung pa'no gawin, napilitan akong sumang-ayon sa nais ni Langas, na ibalik ang dati niyang mukha kapalit ng pagtulong at paggabay niya sa 'min patungo sa kagubatan ng Sayre. 'Di rin naman kasi ako makatatanggi dahil kailangan na kailangan namin siya. Magpapatulong na lang ako kay Mounir pagkatapos ng lahat ng 'to.

Makalipas ang humigit-kumulang dalawang oras na paglalakbay, sumilong muna kami sa natagpuan naming puno ng mangga. Subalit sa kasamaang palad, wala itong bunga kaya ininda ko na lang ang nagsagupaan sa 'king sikmura. Mula rito'y tanaw namin ang puting gingharian ng Escalwa na tila kumikinang pa dahil sa sikat ng araw na tumama roon. Mayro'n pang isang kulay-presang tela sa tuktok ng triangulong bubong na sumasayaw sanhi ng marahas na pagkumpas ng hangin sa itaas.

"Sino'ng namumuno riyan, Langas?" pagbasag ko sa katahimikan sa pagitan namin. Kasalukuyan pa rin akong nakatitig sa kaharian habang nakasandal sa katawan ng puno.

"Hindi pa ako nakapapasok diyan," tugon niya. "Ngunit sa pagkakaalam ko, ang ginghariang iyan ay pugad ng mga maliliit na minero—mga duwende—at ang namamahala riyan ay isang diyosa."

"Tama! Isang ginintuang diyosa," bulalas ni Talay dahilan upang mapatingala ako sa kaniya. Nasa itaas siya ng puno at nakaupo sa isang sanga na kayang suportahan ang kaniyang bigat habang hawak-hawak ang mga bulaklak.

Nahagip din ng paningin ko si Cormac na nasa tabi ni Talay, nakayakap sa puno at nakasara ang parehong mata.

"I also heard that she has power over the metals and stones," dagdag naman ni Lish.

"Alam n'yo ba ang pangalan niya?" tanong ni Alog sa dalawa niyang kasama.

"Nakalimot ko," sagot ni Saya.

["Nakalimutan ko."]

Bumaling ako kay Langas na nakaupo sa damuhan habang pinaglalaruan ang kaniyang mga kuko sa paa na ngayo'y malinis na.

"Mababait naman ba ang mga duwende? Pati ang sinasamba nilang diyosa?" sunod-sunod na tanong ko sa isinumpang nilalang. Dahan-dahan akong umupo at muli kong isinandal ang likod ko sa katawan ng puno na medyo magaspang.

"Hindi ko matukoy kung mabuti ba sila o masama sapagkat wala pa akong nakahalubilong duwende sa tanang buhay ko," pag-amin niya. Dumako ang mga mata niya sa gingharian ng Escalwa at kaagad na naningkit ang mga ito. "Subalit ayon sa mga taga-Porras noon, likas daw sa kanila ang pagiging mailap sa mga tao sa kadahilanang madali raw mahumaling ang mga tao sa kanilang mga ginto."

Humalukipkip ako. "Kung gano'n, marami na silang nalikom na ginto sa tulong na rin ng kapangyarihang taglay ng diyosa. Ano'ng gagawin nila sa mga 'yon? Para ipamukha sa lahat na sila ang pinakamayaman dito sa Kahadras?"

Bumaling sa 'kin si Langas. "Maaaring tama ka, Olin. Ngunit maaari ding tamad lang silang magtanim sa kanilang malawak na lupain."

Pagkasabi niyon ni Langas ay nilibot ng mga mata ko ang paligid at tanging puno ng mangga na tinatambayan namin, mga bundok sa 'di kalayuan kung saan kami nanggaling, at saka damuhan lang ang matutunghayan.

"Sa tingin ko, sa bayan ng Tsey sila bumibili ng mga makakain gaya ng prutas at gulay. Siguro, bumibili lang sila pero hindi sila nakikipagkaibigan. Marahil ay naging maingat ang mga duwende upang hindi malinlang ng ibang tao," sapantaha niya.

Olin in Kahadras: Advent of the BearerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon