Chapter 26 - King Hestes

29 5 0
                                    

OLIN

"Giatay!" bulalas ni Cormac at parang may tsine-check siya sa kaniyang bulsa.

Muling nabuhay ang mga balahibo ko sa braso nang tapunan ko ulit ng tingin ang Ungong si Ru-An. Nanlilisik ang mapupula nitong mga mata at ang kaniyang laway ay hindi maputol-putol.

"Bumalik na kayo roon." Gamit ang kaniyang nguso, tinuro ni Cormac ang daan pabalik sa tahanan ng mga Tselese. "May hahanapin lang ako. 'Yong ano ko . . . Hahanapin ko lang 'yong regalo sa 'kin ni Rayna Nagwa. Bye!" Kumaway siya habang nakatalikod na saka kumaripas ng takbo palayo sa 'min ni Solci.

Hindi kami nagdalawang-isip ni Solci. Sinunod namin ang panuto ni Cormac at agad na tinahak ang kamotehan na dinamayan ng mga malalagong damo. 'Di namin inalintana ang kating idinulot nito at sakit ng aming mga binti katatakbo matakasan lang ang Ungo. Patuloy lang kami sa pagtakbo habang magkahawak ang aming kamay.

Habang tumatakbo ay napansin namin ang biglang pananahimik ng paligid. Wala nang kaluskos, tunog ng nabaling mga sanga, at malulutong na dahon kaya napahinto kami. Iginala namin ang aming mga mata sa paligid namin, umaasang mamamataan namin ang kinaroroonan ng Ungo. Napapalibutan kami ng mga naglalakihan at nagtataasang mga puno. Ramdam kong may dalawang matang nakatitig sa 'min pero 'di ko matukoy kung saan ito nakapuwesto!

"Mas okay pa 'yong hinahabol niya tayo kaysa ganito. 'Di natin alam ang kinalulugaran niya ngayong," saad ko at kasalukuyan pa ring inilibot ang aking paningin.

"True," sagot ni Solci. Ramdam ko ang panginginig niya dahil nga magkahawak kami ng kamay. "Or baka naman si Cormac ang pinupuntirya niya?" nanlalaki ang mga matang bulalas ni Solci sabay takip sa kaniyang bibig.

May panlaban naman si Cormac. Pero nawala niya 'yong mahiwagang kabibe ni Kaptan!

"Kailangan natin siyang balikan."

Akmang babalik kami sa kinaroroonan ni Cormac nang bigla na lang umihip ang napakalakas na hangin. Nagsayawan ang mga puno, lumagitik ang kawayan sa di-kalayuan, at parang may sangang nagrereklamo sa bigat ng nakasampa roon. Sunod na rumehistro sa 'ming pandinig ang atungal ng aso.

Binuksan ko ang libreng palad ko, umaasang may lalabas dito na itim na kapangyarihan ngunit nabigo na naman ako sa pagkakataong ito. Nahagip ng paningin ko ang pagsamo ni Solci ng kaniyang pana at palaso. Nanliit ako sa sarili ko. Ilang beses na 'kong niligtas ng mga kasama ko. Parati na lang akong pabigat. Ni hindi ko natalo 'yong Ungong naengkwentro namin sa labas ng kagubatang 'to.

Kumuha siya ng isang palaso mula sa kaniyang likuran at saka naghanda sa pag-atake. Kapansin-pansin ang panginginig niya habang binabanat ang tali ng kaniyang pana. Ang paglangitngit ng tali ay dumaragdag sa tensyon sa paligid.

Huminga ako nang malalim, lumapit kay Solci, at isinantabi ang takot. Hindi garantisado ang kaligtasan namin ni Solci sa oras na 'to subalit magkasama naming haharapin ang nakaabang na panganib. Magkatalikuran kami ni Solci dahil pakiramdam naming may susugod sa 'min ano mang oras.

Napahinga muli ako nang malalim. Napatay nga namin 'yong Mameleu. Sa tingin ko, kaya rin namin ang isang 'to. Kailangan lang naming maging handa sa pagsalakay ng Ungo.

Laking-gulat ko nang may biglang sumampa sa kanang balikat ko dahilan para gumulong kaming pareho sa kamotehan. At kasabay niyon ay ang muling paglangitngit ng tali sa pana ni Solci.

Dali-dali akong sumigaw ng "Solci, 'wag!" nang mapagtanto kong si Langas pala itong sumugod sa 'kin. 'Kala ko, 'yong Ungo na! 'Nimal!

Kaagad na lumapit si Solci sa kinaroroonan namin ng isinumpang nilalang. Tumayo naman kami ni Langas at pinagpagan ang aming mga sarili.

Olin in Kahadras: Advent of the BearerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon