Chapter 16 - Saving Cormac

24 5 0
                                    

OLIN

Ngayon ay napagtagpi-tagpi ko na ang lahat. Kaya pala kaya niyang magtawag ng nagliliwanag na pana at palaso kasi 'di pala siya ordinaryong tao. Kaya pala parati niya akong kinukulit at sinusundan noon sa eskuwelahan at bahay namin kasi siya pala ang tagapagbantay ko. No'ng narinig ni Solci ang boses ni Mounir ay parang doon na nag-umpisa ang gampanin niya.

"Whoaaa!" reaksyon ni Lish.

"Isa pala siyang Banwaanon!" manghang bulalas ni Alog.

"Kaila ka ni Haring Hestes?" tanong pa ni Saya kay Solci.

["Kilala mo ba si Haring Hestes?"]

Sunod-sunod na pagtaas-baba ng ulo ang paunang tugon ni Solci. "Yes, gurl. Ang totoo niyan, ako talaga ang anak ni Haring Hestes. Ako ang prinsesa ng Hesteru. Ako si Prinsesa Solis," nakangiting wika niya. "Pero puwede n'yo pa rin naman akong tawaging Solci. Got it?"

Gumagalaw-galaw ang tangkay ng mga bulaklak.

Umabante si Talay at gano'n din si Langas.

"Ako pala si Talay. Isang karangalan ang makasama sa isang misyon ang prinsesa ng Hesteru. Balita ko'y matalik na magkaibigan sina Haring Hestes at Rayna Helya. Nagtungo pa nga sila noon sa gingharian ng Melyar para handugan ang mahal na rayna ng 'di pangkaraniwang tinapay—matamis at matagal mapanis," sabi niya at bahagyang yumuko.

Mariin akong napalunok dahil sa winika ni Talay saka lumikot ang aking mga mata. Dapat pala binalikan ko 'yong tinapay ng mga Banwaanon doon sa kuweba. Matagal pala 'yong mapanis. Sayang.

"Ako rin, Prinsesa Solis," segunda ni Langas habang nakapaskil sa kaniyang mukha ang abot-taingang ngiti. "Ako nga pala si Lubani. Ngunit maaari mo akong tawaging Langas." Ipinagdikit nito ang kaniyang mga palad at yumuko rin sa harapan ni Solci o Prinsesa Solis.

"Nagagalak akong makilala kayo—lah, ang lalim naman ng nagagalak. Anyway, hindi ito ang tamang oras para mag-usap-usap. Kailangan muna nating i-rescue—iligtas si Cormac, alright?" deklara niya.

Tumango-tango lang sina Langas at Talay.

At dahil kaming dalawa lang ni Solci ang papasok sa gingharian ay naghanda na kami habang naghihintay ng hudyat nila Haring Kalak. Nakahanda na ang kaniyang nagliliwanag na pana at palaso. Samantalang ako naman ay nanghiram ng sundang kay Langas dahil 'di ko pa gamay ang paggamit sa kapangyarihang dala-dala ko. Ang sundang ni Langas ay hindi na kulay-ginto ngayon kasi ibinalik din ito sa dati ni Burigadang Pada.

Pagkalipas ng ilang sandali ay biglang umangat ang tarangkahan na gawa sa bakal at matutulis ang dulo nito na kung mabagsakan ang isa sa 'min ay maaari namin iyong ikamatay agad. Napalunok ako nang mariin habang nakatitig sa mga talim. Ito na yata ang hudyat ng pinuno ng mga kalag. Kailangan na naming pumasok sa loob nang dahan-dahan na may kasamang pag-iingat.

Bumuga si Solci ng hangin gamit ang kaniyang ilong. "Tara na, Olin," bulong nito at pumasok sa tarangkahan habang nakahanda na ang kaniyang palaso sa pag-atake.

Maingat naman akong sumunod sa kaniya. Ang puso ko'y walang humpay sa pagkabog na animo'y may karerang nagaganap dito sa loob. Alam kong matagal pa bago ito bumalik sa orihinal nitong ritmo lalo pa't nasa pugad kami ng diyosa ng kasakiman at ng mga duwende.

Bubuksan na sana namin ang malaking pinto subalit natigil kami nang tumagos dito si Haring Kalak kasama ang lima niyang kapanalig. Bakas sa hitsura nila na mayroon silang bitbit na mabuting balita.

"Nagtagumpay kami sa pagpapatulog sa mga duwendeng nasa ibaba," anunsyo ni Kalak. 'Tapos, may inabot siya sa 'king isang susi. "Si Cormac na lang ang gising doon pero may bakal na bilog na nakakabit sa kaniyang mga paa kaya kailangan ninyo ang susing iyan, kaibigan. Bilisan ninyong dalawa bago pa mapansin ng iba na walang malay ang mga maliliit na nilalang na nasa ilalim ng gingharian at bago pa nila mahuli ang lima sa amin na nagtutulungan upang maiangat ang matulis na tarangkahan."

Olin in Kahadras: Advent of the BearerWhere stories live. Discover now