Chapter 14 - Clash of the Deities

30 5 0
                                    

OLIN

Sa pananatili ko rito sa Kahadras, ngayon lang ako nakakakita ng isang diyos at isang diyosa. Pareho silang malaki kaysa sa mga normal na tao. Sa pagsulpot ni Burigadang Pada Sinaklang Bulawan, hindi ko alam kung masisiyahan ba 'ko o matatakot din gaya ng naramdaman ko kay Bulalakaw. Sigurado akong kapangyarihan ni Burigadang Pada ang nananalaytay roon sa hardin kung saan kami nahalina, naging hayok, at namanipula ng mga ginintuang bagay nang dalawang araw.

Hindi ko alam kung isa lang ba sa kanila ang masama o pareho silang kalaban namin.

Inamin namin sa kanilang rayna na hindi kami kawatan, gusto lang naming tulungan at pakawalan ang kakilala ko na si Solci. Nakahinga naman kami nang maayos nang maniwala sa 'min si Burigadang Pada at kaagad na binuksan ni Tahom, isa sa mga duwende, ang piitan na aming kinalalagyan. Pero kahit gano'n ay wala pa rin akong tiwala sa diyosa ng kasakiman.

Hindi ibinahagi ni Burigadang Pada sa mga maliliit na nilalang kung bakit niya nilisan ang gingharian ng Escalwa. Hindi na lang din nagbato pa ng katanungan ang mga duwende. Ang mahalaga siguro sa kanila ay nagbalik na ang kanilang rayna. Pero nang malaman ng diyosa na sinakop at inalipin sila ni Bulalakaw ay kita kong nagtangis ang bagang niya at nag-aalab sa galit ang mga mata. Ipinabatid pa ni Tahom sa kanilang rayna na ang ilan sa kanila'y pumanaw na dahil tinamnan ng sakit ni Bulalakaw.

"Umakyat na tayo. Papalayasin ko ang hangal na umangkin sa pugad natin," pirming wika ng diyosa ng kasakiman at kaagad na pumanhik sa hagdan. Tila wala nang makapipigil pa sa kaniya. Sumunod naman sa kaniya ang mga duwende na may hawak na palakol at sulo.

Kinuha ko rin ang isang sulo, bumuga ng hangin, at pinagpag ang natitirang pangamba sa 'king katawan. 'Tapos, isa-isa kong tinapunan ng tingin ang mga kasama ko.

Namumugto na ang mga mata ni Talay habang mahigpit ang pagkakahawak sa ginintuang bulaklak at sa kaniyang punyal.

Walang bahid na takot sa mukha ni Langas habang bitbit ang kaniyang gintong sundang.

Si Cormac naman ay may inayos sa kaniyang camera. Inihanda niya siguro ito para kuhanan na naman ang magaganap mamaya sa itaas.

Nang malipat ang tingin ko kay Solci ay 'di pa rin ako makapaniwala na may nagliliwanag na pana at palaso na siyang dala. Gusto ko sanang magsaboy ng kuwestiyon sa kaniya kung pa'no niya 'yon nagawa pero itinikom ko na lamang ang bibig ko at nag-umpisa na kaming maglakad pataas ng hagdan.

Kailangan niyang magpaliwanag sa 'min pagkatapos nito, kapag makaalis na kami rito sa Escalwa.

Pag-akyat namin sa bulwagan ay bumungad sa 'min ang napakalawak na espasyo, ibang-iba roon sa piitang inokupahan namin pansamantala. Subalit kahit 'di pa man nagsisimula ang laban ay ramdam ko na ang tensyon sa paligid at hangin.

Nahagip ng paningin namin sila Tahom na sumesenyas na tumungo raw kami sa kinalulugaran nila. Nagkatinginan muna kami ng mga kasama ko bago tumalima at dumagdag sa grupo ng mga duwende.

Kasalukuyan kami ngayong nagtatago sa isang mataba at maputlang haligi habang nakasilip kina Burigadang Pada at Bulalakaw. Ang malaking diyos parang ibon ay nakatayo malapit sa gintong trono na nasa ibabaw ng ilang baitang ng hagdan. Samantalang nasa ibaba naman ng naturang trono ang ginintuang diyosa at nakaharap sa kaniya.

"Nagbalik na pala ang dating pinuno ng mga Escalit," panimula ni Bulalakaw. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nito tinatanggal ang malaking tuka ng ibon na nakapatong sa kaniyang ulo. "Ngunit ikinalulungkot kong sabihin na wala ka nang puwang sa palasyong ito!" Dumagundong ang tinig niya rito sa gingharian ng Escalwa. Napagitla rin kami dahil do'n.

"Ano'ng ibig sabihin ng Escalit?" bulong ni Cormac sa mga duwende habang nakatapat ang kaniyang camera sa diyos at diyosa.

"Ang tawag sa 'ming naninirahan dito sa Escalwa," kagyat na tugon ni Tahom. Tumango-tango lang si Cormac sa sinabi niya at muling itinuon ang atensyon sa sinisilip naming lahat.

Olin in Kahadras: Advent of the BearerWhere stories live. Discover now