Chapter 2 - Welcome to Kahadras

202 10 35
                                    

Chapter 2 - Welcome to Kahadras

“Olin!” tawag sa ’kin ng isang babae. Abot-tainga ang ngiti niya at kulay-kape ang kaniyang buhok na parating naka-bun sa tuwing nakikita ko siya. Sa lahat, siya lang ang naglakas-loob na kumausap sa ’kin. Siya si Soledad Cirrano o Solci. Nakatayo siya sa kanilang hardin; mabuti na lang at hindi siya makalalapit sa ’kin dahil sa bakod.

Nasa hardin din ako at sumilong sa malaki at makulay na payong habang nagbabasa ng libro tungkol sa iba’t ibang mythical creatures ng kabisayaan.

“Unsa na imong gibasa?” (Ano ’yang binabasa mo?) nagsaboy siya ng kuwestiyon kahit alam niyang ’di ko naman siya papansinin. Gusto kong mapag-isa at magbasa nang tahimik.

Naglipat ako ng isang pahina at tinapunan siya ng tingin. ’Tapos, ibinalik ko agad ang aking atensyon sa aklat na binabasa ko . . .

“Ambot sa kanding nga naay bangs!” (Ewan ko sa kambing na may bangs!) Mukhang hindi pa rin niya nauunawaan ang mensaheng ipinarating ko sa kaniya.

. . . at bumungad sa ’kin ang larawan ng isang Agta. Ito’y inilarawan bilang isang nilalang na kulay-uling at may pambihirang laki na naninirahan sa mga puno, bangin, o sa mga bahay na inabandona.

Nahinto ako sa pagbabasa nang magsalita ulit siya: “Ay, basin ug wala ko nimo nasabtan sa? Sige, mag-Tagalog na lang sad ko. Tagalog pala ka.” (Ay, baka ’di mo ’ko naiintindihan, ’no? Sige, magta-Tagalog na lang ako. Tagalog ka pala.)

Mariin kong isinara ang dalawa kong mata at naglabas ng hangin gamit ang ilong ko; tuluyan nang napigtas ang aking pasensiya Pagdilat ko, isinara ko ang libro at pinahiga sa habilog na mesa. Ang ayaw ko talaga sa kapitbahay ay ’yong makulit at pakialamera! Puwede naman siyang tumayo sa hardin nila at manahimik! Sana, maglaho na lang siya!

“Ano ba? ’Di ka ba nakaiintindi? Hindi na nga ako sumagot sa ’yo kanina dahil ayaw ko ng kausap! Gusto kong mapag-isa at magbasa nang payapa!” Sinalakay na ng galit ang buo kong katawan at parang nagdilim din ang paningin ko. Naikuyom ko pa ang mga palad ko dahil sa poot.

“Uy, grabe ka naman. Gusto ko lang naman makipagkaibigan sa ’yo, eh.” Itinulak niya ang kaniyang ibabang labi paurong.

Matalim na tingin ang ipinukol ko sa kaniya. “Sana, maglaho ka na lang! Ayaw na kitang makita pa kahit kailan!” bulyaw ko. ’Tapos, kinuha ko ang aklat, binuksan sa pahina dalawampu, at ipinantay ang libro sa mukha ko.

Pero dahil sa lumalagong kuryusidad nang wala nang nagpukol ng tingin sa ’kin, dahan-dahan kong ibinaba ang libro at tiningnan ang puwesto ng makulit kong kapitbahay kanina. Wala na siya roon!

Imposibleng pumasok siya sa loob ng bahay nila kasi rinig ko kanina na ’di siya puwedeng pumasok doon hangga’t wala pang alas-singko at ’di rin siya maaaring lumabas ng gate bilang parusa sa nagawa niyang kasalanan.

Dumungaw ako sa bakod pero wala namang nagtatago roon. “Solci?”

Ug kadto ang unang higayon nga akong gitawag ang iyang ngalan. (At ’yon ang unang beses na tinawag ko ang kaniyang pangalan.)

*****

Nabalik ako sa ulirat; ’yong tipong tuluyan nang nahulog ang bayabas na matagal ko nang tinitingala sa tulay ng aking ilong nang maramdamang umaalog-alog ang sinasakyan namin.

Umakto lang akong parang walang pakialam tungkol sa pagkawala ni Solci, pero ang totoo, mayro’n talaga. Wala pa ring balita ’yong magulang niya kung saan talaga siya napadpad o napunta. Totoo ba ang sinabi ni Mounir na may dala akong itim na kapangyarihan na galing kay Sinrawee? Kung gano’n, ako ba’ng may gawa n’on kay Solci?

Kasalukuyan kaming nakasakay sa isang karwahe na pagmamay-ari ng kasama kong asul na salamangkero. Dumungaw ako sa gilid ko saka natanaw ang samot-saring bulaklak na nagsasayawan. May kulay-ube, berde, at asul na may mukha sa gitna. Namataan ko naman sa paligid nito ang makukulay na mga alibangbang na parang may mga mata sa kanilang pakpak. Mayroon ding malalaking kabute na nagmistulang bahay ng mga puting daga na sumisilong at nagpapahinga sa ilalim nito. Kaya sila nagtatago roon ay dahil sa pabago-bagong panahon. Maaraw kasi kanina ’tapos, biglang umulan. Babalik ulit ang araw sa ilang sandali saka aatakihin na naman ang paligid ng nagsama-samang tubig na nagmumula sa dakong itaas.

May ideya na ’ko kung sino ang kumokontrol ng panahon: walang iba kung ’di ang makapangyarihang matanda na katabi ko ngayon.

“Hindi ako ang may gawa niyan, Olin,” pagtanggi ni Mounir na siyang ikinagulat ko.

Nababasa niya ang nasa isip ko?

Makaraan ang ilang sandali, bigla na lang siyang sumigaw: “Welcome to Kahadras, Olin the Bearer! Patungo na tayo ngayon sa Melyar, na pinamumunuan ni Rayna Helya.”

“Ano ulit itong Kahadras?” kunot-noong tanong ko.

“Ang mundo ay binubuo ng Kahilwayan, Kamariitan, at Kasakitan. Pero mayro’n pang isa, itong Kahadras, ang katakot-takot na mundo. Karamihan sa mga naninirahan dito ay kakaiba. Inilagay rito ni Kaptan ang mga kakatwang nilalang na maririnig n’yo lang sa mga kuwento o alamat, at pati na rin ang mga tao na sumasamba sa mga diyos, diyosa, o diwata. Pero mayroon namang lagusan dahilan upang maglabas-pasok ang ilan sa amin sa mundo n’yo, obserbahan kayo, at natuto ng iba’t ibang bagay mula sa inyo kaya nagbago na talaga ang Kahadras. Pati ang tawag sa mga namumuno at ang gingharian ay nag-iba na rin. At saka ’wag ka nang magulat kung may makasalamuha kang taga-rito na marunong magsalita ng wikang Ingles. Do you understand?”

Tumango-tango ako. “Ikaw lang ba ang salamangkero dito sa Kahadras?”

Umiling siya. “Gaya ng sabi ko, ito ang mundo ng mga kakaiba. Dahil namumuhay kami kasama ang mga nilalang na ang karamihan sa kanila ay nananakit, iilan sa amin ay natuto ng mahika. Pero kadalasan ay itim na salamangka ang pinag-aralan ng mga taga-rito, na may layuning masama o makasarili. May tumatawag ng mga insekto para utusan at patayin ang kanilang mga kaaway, may nagtatanim ng sakit o karamdaman sa katawan ng ibang tao sa pamamagitan ng ritwal, at saka mayro’n ding tumatawag ng mga yawa para maghasik ng lagim at manakop ng lupain.”

Yawa? Palagi pa naman akong nagsasabi niyan. Mabuti na lang at walang lumapit sa ’kin ni isa. Yawa!

“At dito sa Kahadras,” pagpapatuloy ni Mounir, “tatlo lang kaming tanyag na salamangkero: ako, si Sinrawee, at ang nawawalang si Girion.”

“Girion?” Pasensiya na, pero parang pagtatanong lang talaga ang ambag ko rito sa istoryang ’to.

“Oo, si Girion, ang berdeng salamangkero. Simula no’ng pinaghahanap ka namin, bigla na lang siyang naglaho na parang bula. Sa tingin ko, may kinalaman ang alagad ni Sinrawee sa pagkawala niya. Pero ’wag mo siyang isipin, Olin. Kakampi naman niya ang mga puno at halaman. Sigurado akong makatatakas ’yon mula sa kamay ng mga masasama. Ang kailangan mong pagtuonan ng pansin ay ang misyon mo rito.”

Napatingin ako sa kaniya, ’tsaka ko siya binigyan ng maliit na ngiti. Pareho kaming natahimik pagkatapos n’on.

Sino’ng mag-aakala na ang isang simpleng mag-aaral na walang kaibigan at tanging pagbabasa lang ng iba’t ibang libro tungkol sa mitolohiya ang libangan ay mapupunta sa kakatwang mundong ito? At saka isa pa, may nangangailangan daw ng tulong ko? Sino? Ano naman ang magagawa ko?

“Pero ano’ng ibig mong sabihin kanina?” Ako na ang nangahas na sumira sa katahimikan sa pagitan namin. “Once I go in, there’s no coming out?” Kailangan kong makabalik sa ’min, gusto ko sanang idagdag. Pihadong nag-aalala na sa ’kin si Mama.

Tumikhim muna siya bago magsabi ng, “Ang totoo niyan, makikita mo pa naman ang mga magulang mo at makauuwi ka pa rin naman sa lugar n’yo, ngunit hindi ngayon.” Nag-iwas siya ng tingin. Umaalog pa rin ang karwahe dahil sa lubak-lubak naming dinaraanan. “Nakapasok ka na rito sa Kahadras kaya makalalabas ka lang kung magtatagumpay ka sa misyon mo,” paliwanag niya sa ’kin na siyang dahilan ng pagsibol ng panibagong kuwestiyon sa ulo ko.

“Ano ba’ng misyon ko rito, Mounir? At saka, paano kung ’di ako magtagumpay? Habang-buhay na talaga akong titira dito sa katakot-takot na mundo n’yo?” sunod-sunod kong pagtapon ng katanungan sa kaniya.

Sa wakas, ibinalik na niya ang tingin niya sa ’kin. Sa likuran ng kaniyang ulo, hindi nakatakas sa ’king paningin ang pagbabago ng kulay ng kalangitan. Umambon kasi ’tapos, biglang lumiwanag. “Sa Melyar na natin pag-usapan ang tungkol sa misyon mo, Olin. At ’wag kang mag-alala, may tiwala naman ako na kakayanin mo ’yon,” pampalubag-loob na wika ni Mounir.

Pilit kong ininat ang aking mga labi at sinuklian naman niya ako ng tipid na ngiti. Sabay kaming nag-iwas ng tingin at napahinga naman ako nang maluwag.

Patuloy pa rin sa pagtakbo ang kabayo at pag-alog ng aming sinasakyan. Nahagip ng paningin ko ang mga berdeng palaka na masayang nag-aawitan. Kalaunan, bigla itong manghuhuli ng mga gamugamo sa pamamagitan ng pag-inat ng kanilang dila. Hindi rin nagpahuli ang kulay-rosas na mga isda na lumilipad sa itaas ng lawa. ’Tapos, babagsak na naman sila sa tubig at lilikha iyon ng mumunting alon na siyang sumira sa katahimikan ng tubig. Para silang nagpapasikat.

Habang para akong batang aliw na aliw sa mga nakikita, bigla na lang kumalam ang sikmura ko kaya dagli akong napahawak dito. Dumaan sa paligid ng magkabila kong tainga ang mahinang tawa ni Mounir. At gamit ang kaniyang salamangka, lumikha siya ng hugis-itlog na tinapay na may kalakihan at isang baso ng bughaw na likido.

Nais ko sanang itanong, Ano ’to? “Daghang salamat, Mounir,” na lang ang sinabi ko nang mapasakamay ko na ang hinahanap ng tiyan ko.

Subalit napahawak ako nang mahigpit sa tinapay at baso nang lumipad ang sinasakyan naming karwahe. Parang naiwan ang kaluluwa ko sa ibaba. Gusto kong manuntok at magpakawala ng iba’t ibang mura sa Bisaya. Kalma, Olin. Kalma.

Dumapo ang mga mata ko sa nakangiting salamangkero, ’tsaka siya nagpaliwanag: “Para hindi matapon ang asul na tubig. Umaalog-alog kasi kanina.”

Pinalaya ko na lang ang inis ko sa pamamagitan ng pagbuga ng hangin. Tama ’yan, Olin. ’Wag kang magtanim ng galit sa taong nagligtas sa buhay mo.

Pinalampas ko na lang ’yong ginawa niya, ’tsaka ako kumagat sa hawak kong tinapay. Uminom din ako nang kaunti ’tapos muling binawasan ang tinapay. Hindi ko pa nauubos ang kinakain ko nang biglang bumaba sa lupa ang sinasakyan naming karwahe.

“Nandito na tayo sa gingharian ni Rayna Helya,” anunsyo ni Mounir sabay lundag sa damuhan.

Dahan-dahan kong inilayo sa bibig ko ang tinapay at inilibot ang aking paningin. Bumungad sa ’kin ang kulay-kapeng palasyo na napapaligiran ng matayog pader, moat, at balwarte. ’Tapos, ang mga bubong nito na kulay-dalandan ay pataas at matutulis. Dito naman sa labas, mayroong kulay-ube, berde, at asul na bulaklak na may mga mata, ilong, at bibig (pero ’yong iba, wala), at saka maraming kaakit-akit na mga alibangbang ang dumalaw sa kanila.

“Talon!” Lumukso ako sa lupa gaya ng utos ni Mounir at dahan-dahan akong naglakad. Iniwan ko ang kinakain ko kanina sa loob ng karwahe. Pagkatapos, bigla na lang ’yong naglaho. Kung ang tinapay ba o ang tanawin ang nakapagpabusog sa ’kin nang husto ay hindi ko na matukoy sa mga oras na ’to. Grabe, ang ganda rito!

Rumehistro sa dalawa kong tainga ang paglangitngit ng tarangkahan nang buksan ito ng mga bantay na nakasuot ng baluti.

“Sabihin mo kay Rayna Helya na narito na si Olin the Bearer,” maawtoridad na saad ni Mounir sa isang kawal nang makatawid siya sa maikling tulay na gawa sa makapal at malapad na kahoy. Kaagad namang tumalima ang kawal na ’yon sa atas niya at nagmamadaling tumakbo patungo sa loob.

Akmang tatapak na ako sa tulay nang dumaan sa paligid ng aking tainga ang sinasabi ng mga bulaklak. Dali-dali akong napatingin sa kanila; silang tatlo lang ang may mukha at may kakayahang magsalita sa lahat ng bulaklak na nakapaligid sa kanila.

“Si Olin g’yod na?” (Si Olin ba talaga ’yan?) kuwestiyon ng kulay-ubeng bulaklak.

“Kasasabi lang ni Ginoong Mounir, ’di ba?” tugon naman ng berdeng bulaklak. ’Tapos, gumalaw-galaw ang mga tangkay nila na animo’y nag-aaway ang mga ito.

Nang malipat ang atensyon ko sa asul na bulaklak ay kaagad na kumunot ang noo ko nang mapansing may tinititigan siya sa parte ng aking katawan—sa leeg ko! Nanginginig at nagugulumihanan, dahan-dahan kong itinaas ang isang libreng kamay para hawakan ang aking leeg. Ngunit namilog ang mga mata ko at mas bumilis ang tibok ng aking puso kaysa sa orihinal nitong ritmo nang wala na ’kong maramdamang marka rito. Yawa!

“I think, he’s the wrong Olin . . .”

*****

GLOSSARY

Alibangbang – a Visayan term for butterfly.

Gingharian – domain; kingdom.

Kahadras – derived from the Visayan word "kahadlok" which means fear (noun) and creepy (adjective); the scaryworld.

Kahilwayan – the skyworld.

Kamariitan – the earth.

Kaptan – the supreme god who dwells in the sky. He is the ancient Visayan counterpart of Bathala. He's a supreme deity and father of mankind (except for Negros and a few Southern Visayas isles who regarded Kan-Laon as the most powerful).

Kasakitan – the underworld.

Rayna – a female ruler; queen.

Yawa – Visayan demons with dark skin.

Olin in Kahadras: Advent of the BearerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon