Chapter 9 - Jack of All Trades

42 5 0
                                    

OLIN

Unti-unting naglaho ang itim na kapangyarihang bumalot sa 'min kanina saka bumalik na rin sa dati ang lahat, ang orihinal na kulay ng mga nakapaligid sa akin. Tuluyan na ring umimpis ang pagyanig ng lupa. Nilapitan ako nina Langas, Talay, at Cormac. Paulit-ulit ko namang naimahe 'yong nangyari kani-kanina lamang.

"Olin! Olin, ayos ka lang?" pambungad na tanong sa 'kin ni Talay. Namutawi sa kaniyang mukha ang pag-aalala.

Tumango lang ako bilang tugon. Hanggang ngayon ay 'di pa rin ako makapaniwala sa nagawa ko. Parang gusto kong balikan ang senaryong 'yon at panoorin ang sarili ko kung paano ko 'yon nagawa.

"Siya talaga ang totoong Olin! Ang hinirang na papaslang sa nakatatakot na halimaw at kukuha sa puso ng kagubatan ng Sayre, ang Boac!" manghang sabi ni Alog at nagbunyi sa pamamagitan ng paggalaw ng kaniyang tangkay. 'Di naman makapagsalita sina Saya at Lish, nakanganga lang.

"Whoa! Ang cool mo kanina, Olin," gatong pa ni Cormac sabay akbay sa 'kin. "May powers ka na. Astig!"

Napatingin ako kay Langas na seryosong nakatitig sa kalangitan. "Ikaw nga ang sinasabi nilang may hawak sa kapangyarihan ni Sinrawee. Alam mo ba, Olin, na gamit ang kapangyarihang iyan ay kaya mong wasakin ang buong Kahadras?" pagbato niya ng tanong sa akin. 'Tapos, pinihit niya ang kaniyang leeg at dumapo ang kaniyang mga mata sa 'kin.

Nabuhay ang mga balahibo ko sa braso dahil sa sinabi niya.

"Alam mo ba, Olin, na gamit ang kapangyarihang iyan ay kaya mong wasakin ang buong Kahadras?"

Parang sirang plaka na paulit-ulit kong naririnig sa 'king isipan ang huling sinambit ng isinumpang nilalang. Ako ba ang kontrabida sa istoryang 'to dahil dala ko ang kapangyarihan ni Sinrawee? Hindi! Hindi ako kalaban. Ayon sa panaginip ni Rayna Helya, ako ang papatay sa higante at kukuha sa bulaklak na makagagamot sa prinsipe ng Melyar. Ibig sabihin, magiging bayani ako sa katakut-takot na mundong ito.

Tama. Hindi ako kalaban. Ako ang bayani rito. Ako pa rin ang bida sa sarili kong kuwento—buhay. Ang kailangan ko lang gawin ay tapusin ang misyong ipinataw sa 'kin para makauwi na 'ko sa 'min.

Nagpakawala ako ng isang malalim na buntonghininga.

Kasalukuyan kaming tumatawid sa tulay na nagdurugtong daw sa lupain ng Porras at Escalwa. Sobrang haba nito at tila hindi mapagkakatiwalaan. Para kasing hindi nito kayang suportahan ang bigat namin at parang mawawasak ito ano mang oras dahil sa nipis ng kahoy.

Nangunguna si Langas na ginagamit ang parehong mga kamay at paa sa paglalakad. Ang sundang na nakasabit sa kaniyang baywang ay sumasayaw at kumakalansing. Sumunod naman sa kaniya si Talay na yakap-yakap sina Saya, Alog, at Lish. Nasa likuran naman ng dalaga si Cormac na parang wala lang at panay ang pagkuha ng litrato sa paligid. At ako naman ang nasa hulihan. Napahawak ako sa lubid o hawakan ng tulay, manaka-nakang napabuga ng hangin, at sinusubukan pa ring ibalanse ang katawan. Panay rin ang paglingon ko sa likod. Baka kasi may higanteng damang na aatake sa 'min.

"Parang natatakot akong tumingin sa ibaba," rinig kong sabi ni Alog.

"Piyong, uy, bugu!" bulalas ni Saya.

["Pumikit ka, bobo!"]

"Can you please shut up?" tila nababanas na wika ni Lish.

Umihip ang napakalakas na hangin at napasigaw sina Alog at Talay dahil do'n. Tila sumasayaw ang tulay habang naglalakad kami nang dahan-dahan. Sa ilalim nito ay may rumaragasang tubig na patungo sa dagat. Halos malula ako katitingin sa ibaba ng dinaraanan namin—sa malinaw na ilog.

Nagdiwang ang lahat nang makaapak na kami sa lupa. Kaagad naman akong napahawak sa mga tuhod ko at sunod-sunod na nagpakawala ng hangin. Inilibot pa rin ni Cormac ang kaniyang camera sa paligid. Para siyang bata na ngayon lang nakakakita ng ganito kagandang tanawin.

Olin in Kahadras: Advent of the BearerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon