Senda's P.O.V.
Ang kagandahan ng paninirahan sa isang liblib na baryo, tahimik. Ang mahirap lang ay kapag nagkakasakit ka at nagugutom. Napakalayo kasi ng pinakamalapit ospital at pamilihan sa aming lugar, kaya minsanan lang ako lumuluwas sa pinakamalapit na kabayanan na halos dalawang oras at dalawang sakay din mula sa amin. Bukod pa 'yun sa kalahating oras na paglalakad mula sa kubo ko hanggang sa kanto ng nayon; at 'yung haba ng paghihintay na may dumaan man lang na pampasaherong jeep, bus o trak patungo sa bayan. Suwerte na kung dalawang oras lang akong tutunganga ro'n; malas ko naman kung halos kalahating araw na, namumuti pa rin ang mata ko.
"Ay, 'yan ba 'yung babaeng nakatira ro'n sa may ilog?" bulong ng isa sa tatlong mga tsismosang nakasabay kong naghihintay sa lumang waiting shed sa kanto.
"Oo yata..." pabulong na sagot ng pangalawa sa tatlo. "Totoo pala ano?"
"Totoong ano?" tanong ng ikatlo.
"Totoo palang hindi tumatanda ang hitsura n'yan." Sagot ng ikalawa. "Alam n'yo bang bata pa ako ganyan na ang hitsura n'yan? Ano bang edad ko na ngayon? Magsi-singkuwenta anyos na ako at medyo nangungulubot na, pero siya mukha pa ring desi-otso."
Bahagya ko silang tiningnan. Nagkasalubong ang aming mga mata. Ngunit halos sabay-sabay rin naman silang umiwas ng tingin upang ituloy ang pagbubulungang naririnig ko pa rin naman.
"Di kaya may sa-maligno ang babaeng 'yan?" suhestiyon ng una.
"O baka Aswang!" Sabi naman ng ikatlo.
"Sabi ni Inay," sabi ng ikalawa. "Baka raw mangkukulam na Aswang 'yan. Eh 'di ba marunong din daw manggamot 'yan? Tapos nabalitaan n'yo bang halos lahat ng nagpapagamot d'yan, lalong nagkakasakit. Parang bigla raw nagsisibagsakan ang katawan at natutuyuan ng dugo."
Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.
"Hala, totoo ba 'yan?" muling tanong ng ikalawa.
"Oo noh!" Muling sagot ng ikalawa. "O di ba r'yan nga rin daw nagpagamot si Lagring bago ito nakunan? Naku, malay pa natin kung 'yan din ang humigop sa bata sa sinapupunan ni Lagring."
Sandali silang natahimik. Sinadya kong ipako ang aking mga mata sa kanila habang marahan nilang idinadakong muli ang kanilang mga paningin sa akin. Nagsimula na silang mataranta nang makita nila akong nakatingin din sa kanila at walang ano-ano'y nagpanakbuhan naman nang bigla ko silang pinandilatan ng mga mata.
"Bukas na lang ako mamalengke!" Sigaw ng isa.
"Kami rin!" Sabi naman ng dalawa pang nakasunod dito.
Napatawa na lang ako sa kalukahan ng mga babaeng 'yun. Halos madapa na kasi ang mga ito sa hindi magkamayaw na pagtakbo papalayo.
"Napapala ng mga tsismosa." Bulong ko sa sarili ko habang tinatanaw ko ang mga ito, "nawawalan ng silbi mundo dahil sa mga istoryahang walang basehan. Aswang-aswang. Hmp. May aswang bang magpapakahirap maghintay rito para lang makapamili ng sandimakmak na asin at bawang sa baya--?"
Biglang gumalaw ang mga palumpong sa aking bandang likuran. Agad akong napalingon. Nahuli ko pa ang paggalaw ng mga dahon at sanga na sa wari ko ba'y mayro'ng gumalaw rito, bagaman wala na ito sa aking paglingon. Bigla akong kinabahan. Ganitong-ganito rin kasi ang pakiramdam ko kapag naglalakad ako sa kagubatan. Parang laging may sumusunod sa akin, pero hindi ko naman mahuli-huli kung ano at sino.
"Naku...anong oras na ba?" aksidente akong napatingin sa kanang ibabaw ng aking pulsuhan. Nakasanayan ko na kasi ito dahil mayro'n akong lumang relo na lagi kong suot-suot dati. Ang kaso, 'yun na nga lang ang medyo moderno kong pag-aari. Naiwala ko pa. Simula noon, parati na lang akong nangangapa kung anong oras na; at tinatantya ko na lang ito sa lukasyon ng sikat ng araw.
"Alas diyes ng umaga." Biglang wika ng isang boses lalaki sa bandang likuran ko. Medyo nagulat man ako ay hindi ko naman ipinahalata ito. Nilingon ko na lamang ito at...sinulyapan...este...tinitigan...este...ang plano ko lang naman talaga ay sulyapan ito pero hindi ko namalayan na tinititigan ko na pala ito. "Heto, kung ayaw mong maniwala..." Ipinakita nito sa kin ang pinakmukha ng kanyang sinaunang orasan na nakakabit sa kanyang bulsa.
"H-ha, ah...eh..." hindi ko maiwasan ang hindi mapatingala sa kanyang maamong mukha at ang mapatulala sa kanyang asul na mga mata. Nakapustura itong pang-mayaman at halatang hindi taga-baryo. Hindi rin ito mukhang Pilipino dahil mas mukha itong Aleman. "S-salamat po." Umiwas na ako nang tingin, yumuko at niyakap ang aking sarili; bigla kasing lumamig.
Agad ko namang naramdaman na tumabi ito sa aking bandang kaliwa. "May hinihintay ka ba rito?"
Muli ko itong tiningala, "ah, sakayan papuntang bayan po. May dumaraan po kasi rito paminsan-minsan." Muli akong umiwas ng tingin.
Napatawa ito sa sinabi ko, "paminsan-minsan? Ibig sabihin, puwedeng walang dumaan?"
Tumango ko. "Ganun na nga po."
"At kapag walang dumaan, maghapon ka lang na tatayo r'yan at maghihintay?"
Naiilang ma'y napapasulyap pa rin ako sa kanya paminsan minsan, " ah, hindi naman po. Kapag po mataas na ang araw, ibig sabihin tanghaling tapat na kaya umuuwi na lang po ako at sumusubok na lang po ako ulit kinabukasan. Ganun po kasi talaga rito eh. Palibhasa po, liblib kaya kakaunti lang po ang nagdaraang sasakyan."
"Saan ka ba pupunta?"
"Po?" muli akong napatingala sa kanya at muling natulala. Muli lang akong umiwas ng tingin nang ngumisi ito sa akin. Mukhang napapansin na nito ang pagkataranta ko sa prisensya n'ya. "S-sa bayan po. Medyo malayo kaya hanggang tangghali lang po ako naghihintay. Delikado po kasi rito kapag inaabot ng dilim ang mga tao sa labas."
"Delikado? Paano mo naman nasabing delikado?"
"Ay naku, 'wag na po. Mukha po kasing taga-siyudad kayo kaya baka hindi lang po kayo maniwala."
"Ganun ba?" sandali itong natahimik. "Baka gusto mong sumabay na lang sa 'kin. May sasakyan ako at paparo'n din naman ako."
"Sasakyan?" luminga-linga ako pero wala naman akong nakikitang sasakyan. "Pero nasaan po?"
Sa halip na sumagot ay pumitik ito. Maya-maya pa'y may paparating na ngang sasakyan mula dulo ng natatanaw kong hangganan ng kalye sa hilaga. Isa itong kotseng itim na napakahaba at huminto ito sa aming harapan. Mukha itong moderno, may nagmamaneho at taga-bukas pa ng pinto na magkapareho pang naka-amerikanang itim.
"Sakay na." Alok sa akin ng matangkad na estranghero.
"N-naku." Sinilip-silip ko ang loob ng sasakyan. Kung anong itim kasi ng kulay nito sa labas ay puting-puti naman ito sa loob. "Maputik po itong bakya ko. Baka po marumihan ko itong sasakyan n'yo."
Muling napatawa ang estrangero, "'wag kang mag-alala. May tagapaglinis naman ako n'yan kahit na marumihan mo pa. Sakay na. Para makaalis na tayo."
Nag-aalinlangan ma'y napapahiya naman akong tumanggi. Inilahad na kasi nito ang kamay nito sa akin upang maaalalayan ako nito papasok sa kanyang napakagarang sasakyan.
Napapanganga ako habang iniikot ko ang aking paningin sa loob ng sasakyan. Hindi rin ako makapaniwalang bukod sa nagmamaneho at taga-bukas ng pinto--na kapwa nakaupo na sa harapan ng sasakyan, ay may isa pang taong taga-silbi sa loob. Isa itong babae na agad kaming inabutan ng tig-iisang basong kristal na may nakalagay na maiinom. Tininitingnan ko pang mabuti kung ano ang laman ng baso nang...
"Huwag kang mag-aalala." Uminom na ito sa baso n'ya, "hindi ganap na alak 'yan kundi katas lamang ng mga ubas. Hindi ka malalasing."
Nag-uumpisa nang umandar ang sasakyan nang binuksan ng lalaking taga-bukas ng pinto kanina ang salaming humaharang sa harapan at likuran ng sasakyan. Sinundan naman agad ito ng pagsasalita ng drayber, "panginoon, saan po tayo pupunta?"
'Panginoon?' sabi ko sa isipan ko. Bigla ko kasing naalala ang mga tao sa bubungan ko kagabi.
"Sa bayan. Ihahatid muna natin si..." tumingin ito sa akin, "ano bang pangalan mo, binibini?"
"Ah...Senda po."
Ngumingisi-ngisi ito habang marahang hinahaplos-haplos ang kanyang perpektong baba. "Ro...sen..da..." mahinang bulong nito. Palihim akong napakunot dahil hindi naman ang tunay na pangalan ko ang sinabi ko sa kanya kundi ang aking palayaw.
"Saan po sa bayan, panginoon?" muling tanong ng nagmamaneho.
"Saan daw ba sa bayan?" malumanay na pag-uulit ng estrangherong nag-anyaya sa akin.
"Sa palengke po." Sadyang nilakasan ko ang sagot ko para marinig ito ng drayber. Tumunago lang naman ito at nagpatuloy sa pagmamaneho.
"At ano naman ang gagawin ng isang magandang binibini sa palengke ngayong araw na ito?" mahinang tanong sa akin ng estrangherong daig pa ang isang isang tunay na prinsipe sa hitsura, tindig, kilos, pananalita at pananamit. Bahagyang nakagiti ito sa akin.
"M-mamaraka lang po." Hindi ako mapakali sa paraan ng pagtitig nito sa akin kaya pilit kong iniiwas ang aking paningin mula rito.
"May siguradong masasakyan ka ba pabalik sa inyong nayon, pagkagaling mo sa bayan?"
Hindi ako makasagot agad, "eh, magbabakasakali pong meron din."
Muling napatawa ang lalaki, "pa'no kung wala. Saan ka pupunta? May matutuluyan ka ba sa bayan?"
"Wala po pero hindi pa naman po nangyayari na wala man lang masasakyan kahit isa sa isang araw, lalo na po kapag biyernes. Marami rin po kasing namamaraka sa mga kanayunan kapag biyernes."
"Panginoon!" Biglang pagsingit ng lalaking taga-bukas ng pintong naka-upo na ngayon sa tabi ng drayber. "Ba't 'di na lang natin ihatid ulit pabalik si Miss biyutipul, baka kasi kailangan n'ya ng tagabuhat ng pinamili n'ya. Tutal, siya naman talaga ang sinadya n'yo rit--" bigla itong natahimik nang sinamaan ito ng tingin ng lalaking tinatawag nilang panginoon.
"Nagpiprisinta ka bang tagabuhat?" kantyaw ng drayber sa katabi nito.
"Para kay boss, siyempre..." pabulong na sagot ng nag-alok.
"Sip-sip na epal ka talagang Aswang ka..."pabulong na wika ng drayber; bagaman nauulinigan ko pa rin ito. "Ah eh, binibini." Pagbaling ng drayber sa akin. Nakatingin ito sa akin mula sa salamin sa bandang itaas ng unahan ng sasakyan. "Marami ka bang pamimilhin?"
"Ah...hindi naman po. Dalawang bayong lang naman po."
"Oh, dalawang bayong lang naman pala eh." Wika ng katabi ng drayber. "Kahit isang daliri ko lang kayang-kaya kong buhatin 'yun eh."
Napasulyap ako sa kanilang panginoon at napansing napapailing na lang ito sa usapan ng kanyang mga tauhan sa unahan.
"Talaga lang ha. Eh paano pala kung dalawang bayong na adobe? Kaya mo pa rin?" Sabi rito ng drayber bago ito muling bumaling sa akin, "eh dalawang bayong na ano ba ang pamimilhin mo, binibini. "
"Ah, eh...magaan lang naman po. Isang bayong na bawang at isang bayong na asin lang naman po."
Kapansin-pansing biglang napasinok ang babaeng taga-silbi at napapatawa naman ang lalaking tinuran nilang panginoon. Kasabay naman ito ng biglang paghagalpak ng tawa ng drayber. "Asin at Bawang?!" tinapik-tapik nito ang katabing bigla na lang natulala at tila nalugi. "Eh kayang-kaya mo naman pala talaga 'yun pare eh." Malakas na kantyaw nito sa katabi, bagaman bigla rin naman itong binulungan ng, "'yan ang napapala mo sa ka-epalan mo! Magdusa ka ngayong Aswang ka." Saka ito pasimpleng humagikhik.
[ITUTULOY]