Rosa Magica

By EMbabebyyy

11.2K 1.9K 381

Ano'ng gagawin mo kung sakaling bibigyan ka ng isang mahiwagang bulaklak? Isang mahiwagang bulaklak na kayang... More

ROSA MAGICA
Unang Kabanata
Ikalawang Kabanata
Ikaapat na Kabanata
Ikalimang Kabanata
Ikaanim na Kabanata
Ikapitong Kabanata
Ikawalong Kabanata
Ikasiyam na Kabanata
Ikasampung Kabanata
Ikalabing-isang Kabanata
Ikalabindalawang Kabanata
Ikalabing-tatlong Kabanata
Ikalabing-apat na Kabanata
Ikalabinlimang Kabanata
Ikalabing-anim na Kabanata
Ikalabimpitong Kabanata
Ikalabingwalong Kabanata
Huling Kabanata
ROSARIA
AUTHOR'S NOTE

Ikatlong Kabanata

553 109 7
By EMbabebyyy

Ikatlong Kabanata

Nagising ako ng bandang alas-otso ng gabi at nakita ko ang sarili na nakahiga sa sahig. Nakatulog pala ako. Epekto ba 'to ng paghiling sa mahiwagang bulaklak? Tumingin ako sa gilid ko, nandoon pa rin ang bulaklak pero hindi na ito nagliliwanag. Inilibot ko ang aking paningin, nagbabakasakaling makakakita ako ng napakaraming pera, pero wala akong nakita sa loob ng kuwarto ko. Walang nakakalat na barya. Wala ring simbolo na natupad na nga ang hiling ko.

Bakit gano'n? Sinunod ko naman ang proseso ng paghiling. Nakita ko ring naging abo ang berdeng talulot, nakita ko pa ang pagsama nito sa hangin. Kaya bakit gano'n? Bakit wala namang nangyari?

Padabog kong itinago ang bulaklak at ang lumang papel sa loob ng aking cabinet. Hindi naman yata totoo 'to. Pinaglololoko lang siguro 'ko ng magandang babae na nagbigay nito. Scammer siguro 'yon. Pero bakit hindi siya humingi ng bayad sa akin? At saka teka nga, bakit nga ba ako nagpapapaniwala sa mga ganito? Twenty-first century na, sa libro at mga palabas na lang nag-e-exist ang magic.

Lumabas ako ng kuwarto at nagtungo sa kusina. Nakita ko ro'n ang mga magulang ko na tuwang-tuwa. Nagtatatalon pa sila na parang mga bata. Anong meron?

"Nanay, Tatay, ano po'ng nangyayari? Bakit parang ang saya-saya n'yo?"

Agad namang lumapit sa akin si Nanay. "Anak! Makakapag-entrance exam ka na para sa college!"

Nagulat ako sa ibinalita niya. "P-po?"

"Dumating kanina 'yong boss namin at may dala siyang listahan ng mga pinakamasisipag na magtrabaho. Nagulat kaming lahat dahil hindi namin inakalang inoobserbahan pala nila kami. Isa ako sa mga nakalista kaya binigyan niya ako ng malaking bonus!" Ngiting-ngiti si Tatay habang nagkukuwento.

"At hindi lang 'yon, anak, na-promote rin ang tatay mo!"

Gulat na gulat ako kaya hindi ako nakapag-react agad, pero nang mag-sink in na sa akin ang mga ikinuwento nina Tatay at Nanay ay napayakap ako sa kanya. Hindi ko na rin napigilang hindi maiyak sa sobrang tuwa.

"Salamat po, Tatay! Maraming-maraming salamat po!"

"Salamat din sa Diyos, anak," rinig kong sabi ni Nanay at niyakap din nila akong dalawa.

Pagkatapos n'on ay sabay-sabay kaming kumain ng hapunan at masayang nagkuwentuhan ng kung ano-anong bagay. Sa totoo lang ay masaya ako hindi lang dahil makakabayad na ako ng tuition, kung hindi dahil nakita ko na uli ang totoong ngiti ng mga magulang ko—'yong ngiti na umaabot sa kanilang mga tainga.

Pagkatapos naming kumain ay tinulungan ko si Nanay sa pagliligpit ng mga pinagkainan at saka ako umakyat sa kuwarto. Nang makahiga ako sa kama ko ay bigla kong naalala ang tungkol kay Rosa. Kinuha ko siya sa cabinet ko, pati na ang lumang papel. Hindi kaya ito ang dahilan ng pagkakaroon ng tatay ko ng malaking bonus? Posible, dahil humiling ako kanina gamit ang berdeng talulot kung saan maaari akong humiling na magkaroon kami ng maraming-maraming pera.

Binasa kong muli ang nakasulat sa lumang papel at laking gulat ko nang makitang unti-unting nabubura ang pangungusap tungkol sa berdeng talulot. Ibig sabihin ba'y . . . ito talaga ang nagdala ng suwerte sa pamilya ko? At ibig sabihin ba'y . . . totoo nga na mababago ng bulaklak na ito ang buhay ko?

***

Kinabukasan, bago 'ko pumasok sa eskuwelahan ay binigyan ako ni Nanay ng pambayad ng tuition fee. Pumasok ako nang masayang-masaya. Gusto ko ring ikuwento kay Jairo na makakapag-entrance exam na ako sa university na gusto naming pasukan sa college. Sigurado 'kong matutuwa 'yon!

"Good morning, Syd!" bati ni Jairo.

"Good morning! May good news ako sa 'yo!" Naupo ako sa upuan ko saka humarap kay Jairo habang ngiting-ngiti. "Makakapag-entrance exam na ako!"

Nanlaki ang mga mata niya. "R-really? H-how? Saan at paano ka nakakuha ng pera?"

"Dumating 'yong boss ni Tatay at binigyan ng malaking bonus ang mga masisipag magtrabaho. Isa si Tatay sa mga napili kaya ayon, may ipambabayad na ako sa tuition fee at may magagamit na rin ako para sa entrance exam."

"Yeeees!! Magkakasama na tayo sa college!" sigaw niya at saka ako niyakap.

Naramdaman ko ang pag-iinit ng mga pisngi ko. Pareho kaming mahilig ni Jairo sa pagguhit kaya nagpaplano kaming kumuha ng Fine Arts sa college, at plano rin naming pumasok sa iisang university.

"Blessing in disguise ang boss ng tatay mo!"

Napangiti na lang ako. Ang boss nga ba ni Tatay ang blessing na dumating sa amin? O ang mahiwagang bulaklak na ibinigay sa akin ni Rosaria?

***

Nang mag-uwian ay inaya ko si Jairo sa coffee shop na matagal ko nang gustong puntahan, ang Cup o' Café. Malapit lang din 'to sa school namin. Kaya nga kapag nakikita ko ang mga kaklase ko na pumapasok nang may dalang kape o frappe o pagkain na binili nila rito e hindi ko mapigilang hindi mainggit.

"Woah! Mukhang dinagdagan nina Tito ang baon mo, a?" sabi niya sa akin nang ayain ko siya.

Nakarating na kami sa café. Matagal ko nang gustong pumunta sa Cup o' Café. Ang bango kasi ng kape rito. Nakakaakit din ang interior design ng shop, may mga libro din dito na puwedeng basahin habang nasa loob. Hindi ko lang 'to mapuntahan dati dahil ang balita ko'y mahal ang kape rito.

Nginitian ko lang si Jairo. "Ano ba 'yong pinakamasarap na kape rito pero kasya sa two hundred pesos?"

"Lahat naman masarap. Dedepende lang ang presyo sa size ng cup na bibilhin mo, pati na sa flavor."

Tumango-tango ako. "Sige, 'yong kasya sa two hundred pesos ang bilhin mo sa akin." Inabot ko sa kanya ang pera.

"Hati na lang tayo. Sagot ko na 'yong one hundred pesos mo," alok niya.

"Ha? Bakit naman?"

"Baka kasi maubos agad ang pera mo. Kape lang naman 'yon, magagamit mo pa 'yan sa mas mahalagang bagay."

Lumabi ako. "Minsan na nga lang akong makatikim ng pang-mayamang pagkain mula noong naghirap kami tapos pipigilan mo pa ako?"

Nakita ko namang nakatitig sa akin si Jairo—sa labi ko to be exact.

"Huy! Okay ka lang?" Iwinagayway ko pa sa harapan niya ang isang kamay ko.

Napapikit naman siya at napakamot pa sa batok saka tumingin sa ibang direksiyon.

"A, o-oo. Anyway, sige na nga. Minsan lang 'to, ha?" Ngumiti ako habang tumataas-taas pa ang mga kilay ko. "Naku, Sydney. Huwag mo 'kong ngitian nang ganyan, ngayon lang talaga 'to."

"Sabi mo, e!" Saka ako tumawa.

Ilang beses na kasi niyang sinabi sa akin 'yon pero hanggang ngayon ay hindi pa rin nasusunod. Madalas niya pa rin akong pagbigyan sa mga gusto ko.

Um-order na si Jairo, at sa pagbalik niya'y dala na niya ang mga kape namin. Sa wakas! Matitikman ko na ang isa sa mga pinakamahal na kape sa Pilipinas!

Nag-selfie ako kasama 'yong kape at nag-post sa Facebook. Kahit naman mumurahin lang ang cell phone ko e may Facebook naman ako. Madalas nga lang akong naka-free data.

Dati, naiinggit ako sa mga kaklase ko na nag-po-post ng selfie nila habang nandito sa Cup o' Café, ngayon ay ako naman ang mang-iinggit.

Nagpa-picture pa ako kay Jairo habang naka-pose ng kung ano-ano, at siyempre, nag-picture din kaming dalawa.

"By the way, Syd, wala bang balita ro'n sa mga raffle na sinalihan mo? Cash prize ang premyo sa mga 'yon, 'di ba?" tanong ni Jairo sa kalagitnaan ng kuwentuhan namin.

"Wala nga, e. Halos lahat nga yata ng raffle sa Pilipinas sinalihan ko na, pero walang balita ni isa. Kahit nga 'yong sa isang television show na may palaro sa mga team bahay pinatos ko na, kaso malas yata talaga ako sa mga gano'n."

Totoo 'yon. Marami na akong sinalihang raffle. Lahat na nga yata ng raffle na nakita ko e sinalihan ko na. Raffle sa tindahan, sa mga kape, sa mga sabon, sa TV, o sa grocery store, basta walang kapalit na bayad e sinasalihan ko. Minsan nananalo 'ko ng load, pero ni minsan ay hindi ako nanalo ng pera.

Saglit naman siyang natawa. "Don't worry, malay mo isang araw sabay-sabay ka namang manalo sa mga 'yon."

"Sana nga." Napabuntonghininga ako.

"Huwag ka ring mag-alala, ipagdarasal ko na manalo ka. Malakas yata ako kay Lord!"

Natawa naman ako sa sinabi niya. Sana kasing lakas mo 'ko kay Lord.

***

Isang oras ang itinagal namin ni Jairo sa coffee shop. Bago kami umuwi ay nagpa-picture pa ako sa kanya sa harapan ng Cup o' Café. Oo, gano'n ako kasabik sa shop na 'to.

Habang naglalakad kami pauwi ay may babaeng hindi sinasadyang nailaglag ang kanyang wallet. Pinulot ko 'yon at agad na hinabol ang babae para isauli ang wallet.

"Oh my! Thank you so much!" sabi sa akin ng babae at niyakap pa ako. "Nasa wallet na 'to ang buhay ko. Nandito ang lahat ng ID at lisensiya ko kaya maraming-maraming salamat!"

"Wala po 'yon," nakangiting sagot ko.

"Maraming-maraming salamat talaga!" Binuklat nito ang wallet, kumuha ng pera, at inabot sa akin ang dalawang libo. "Para sa 'yo. Isipin mo na lang na reward ko 'to sa 'yo dahil iniligtas mo ang buhay ko."

Ibinalik ko sa kanya ang pera. "Hindi ko po ito matatanggap. Hindi naman po ako humihingi ng kapalit. Masaya na akong nakatulong ako sa iba."

Aalis na sana ako nang hawakan ng babae ang braso ko. Napalingon uli ako sa kanya.

"Tanggapin mo na, hija. Kung iniisip mong simpleng wallet lang ang ibinalik mo, nagkakamali ka. Buhay ko ang wallet na 'to kaya nagpapasalamat talaga ako sa 'yo." Kinuha ng babae ang kamay ko saka inilagay ro'n ang pera. "Gamitin mo 'to sa pag-aaral mo o kaya ibigay mo na lang sa mga magulang mo, okay?"

Nahihiyang tinanggap ko naman 'yon. "Maraming salamat po. Sa susunod po, mag-iingat ka, baka masamang tao na ang makapulot niyan."

Tumango ang babae, nagpaalam sa amin ni Jairo, saka umalis. Itinago ko naman ang pera sa wallet ko. Ibibigay ko na lang 'to kay Nanay para maidagdag niya sa budget namin.

"Ang bait, ah!" nakangiting sabi sa akin ni Jairo.

"Baliw! Hindi naman. Alam ko lang na iyon ang dapat gawin."

Nabigla ako nang akbayan niya ako. "Naks! Kaya gustong-gusto kita, e!"

"Ha? G-gusto mo 'ko?" Mali ba ako ng dinig? O baka naman epekto 'to ng kapeng ininom namin? Gusto ako ni Jairo?

"Oo! Gustong-gusto kita bilang kaibigan. Napaka-good influence mo kasi," natatawang sagot niya. Napilitan din akong tumawa kahit na deep inside ay nalungkot ako.

Oo, Sydney, mali ka ng dinig. Asa pa more!

Napabuntonghininga tuloy ako, na napansin naman agad ni Jairo.

"Ang lalim naman n'on? Bakit? May iniisip ka ba?" sunod-sunod na tanong niya.

Umiling ako. "Wala. Huwag mo nang pansinin 'yon." Tumango na lang naman siya.

"Alam mo, Syd, thankful ako na nakilala kita," biglang banat ni Jairo pagkalipas ng ilang minuto.

"B-bakit naman?"

"Ang bait mo kasing tao. Saka kagaya ng sinabi ko, good influence ka sa akin. Isa na ako sa mga masusuwerteng lalaki sa mundo dahil nakakilala ako ng isang Sydney Spelman."

Hindi ko napigilang hindi mamula sa sinabi niya. Napayuko tuloy ako at natahimik. Mabuti na lang talaga at malapit lang ang bahay namin. Hindi ko na kasi mapigilan sa pagwawala ang puso ko. Nakakainis namang pag-ibig 'to, oh!

Nang maihatid ako ni Jairo sa bahay ay agad akong pumunta sa kuwarto ko. Pilit kong pinakakalma ang puso ko. Tigilan mo nga 'yang paglundag mo! Wala na si Jairo sa tabi ko, oh! Tumigil ka na, masasaktan ka lang sa kanya. Gusto nga lang niya ako bilang kaibigan, 'di ba? Tama na.

I sighed. Hindi na normal 'to. Kailangan kong dumistansiya nang kaunti kay Jairo. Pero paano ko naman gagawin 'yon kung sa classroom pa lang ay magkatabi na kami?

Napasabunot ako sa aking buhok. Bahala na nga!

Bahala na ano, Sydney? Bahala na kung mahulog ka nang tuluyan sa kanya? Bahala na kung masaktan ka dahil kaibigan lang ang tingin niya sa 'yo?

Busy ako sa pakikipagtalo sa sarili nang marinig ko ang pagtunog ng cell phone ko. Agad ko iyong kinuha sa bag ko. May isang unknown number na tumatawag. Sino naman kaya 'to?

"Hello?" bungad ko nang masagot ko na ang tawag.

"Hello? May I speak to Ms. Sydney Spelman?" sagot ng nasa kabilang linya.

"Sino po ito?" Hindi ko muna sinabing ako nga si Sydney dahil nag-iingat ako. Baka mamaya prank pala 'to.

"This is Mrs. Ruby Salcedo, I'm working here at Unilivah Company. I have a good news for Ms. Sydney Spelman. May I speak to her?"

Unilivah Company? OMG!

"Ako po ito. Ako po si Sydney Spelman. Pasensiya na po kung hindi ko agad sinabing ako 'to. Akala ko po kasi prank call. Nag-iingat lang po," sabi ko at alanganing tumawa.

"Don't worry, I understand. Anyway, I want to inform you that you're one of the winners of Palmilife raffle promo for the month of July!"

Muntik ko nang mabitiwan ang cell phone ko dahil sa narinig ko. Shet! Totoo bang nangyayari 'to? Isa sa mga sinalihan kong raffle ang Palmilife raffle promo, isa 'tong brand ng sabon kung saan kapag nakakompleto ka ng sampung sachets ay maaari kang makasali sa monthly raffle nila. Every month ay kukuha sila ng ten winners na mananalo ng 20,000 pesos. Ilang beses na akong sumasali rito pero ilang beses na rin akong natalo. Hindi lang din ako tumitigil dahil alam ko namang walang mawawala kung susubukan ko.

"Hello, Ms. Spelman? Are you still there?"

"A, o-opo! Nandito pa po ako! Thank you po, Mrs. Ruby! Thank you po!"

"You're welcome, Ms. Spelman. Please wait for our message. We will send you the address and the requirements you need to bring for you to claim your twenty thousand pesos prize."

"Sige po! Sige po! Thank you po talaga!" Pagkasabi ko n'on ay ibinaba na niya ang tawag.

Pagkababa ng tawag ay agad akong lumabas ng kuwarto, saktong paglabas ko ay dumating naman si Tatay mula sa trabaho. Tuwang-tuwa kong ibinalita sa kanilang dalawa ang magandang balita. Nanlaki ang mga mata nila at halos maiyak pa sa tuwa si Nanay.

"Diyos ko! Totoo ba 'yan, Sydney? Hindi mo ba kami niloloko?" hindi makapaniwalang tanong ni Nanay.

"Hindi po, 'Nay. Hindi ko rin naman magagawang magsinungaling sa inyo ni Tatay."

Niyakap ako ng mga magulang ko at ramdam ko ang saya nilang dalawa.

"Salamat po, Panginoon, may dumating na namang biyaya sa buhay namin," bulong ni Nanay habang lumuluha. Hindi ko na rin napigilang mapaiyak sa sobrang saya.

Nang hapon ding iyon ay natanggap ko ang text mula kay Mrs. Ruby. Sinabi niya kung ano-ano ang mga dapat kong dalhin para makuha ang premyo ko. Matutulog na sana ako nang maalala ko si Jairo. Excited na akong ibalita sa kanya 'to at hindi na ako makapaghihintay na ipagpabukas pa ang pagbabalita sa kanya, kaya naman agad ko siyang tinawagan matapos kong humiga sa kama.

"Sabi na, e! Malakas talaga ako kay Lord!" sabi ni Jairo mula sa kabilang linya matapos kong ikuwento sa kanya ang pagkakapanalo ko sa isang raffle.

Natawa naman ako. "Thank you! Dahan-dahan lang sa pagiging malakas, ha? Baka bigla kang kunin ni Lord."

Natawa rin siya at halata ko na tuwang-tuwa rin siya sa ibinalita ko.

"Thank you talaga, Jairo. Hulog ka ng langit! I love you!" Napatakip ako ng bibig nang ma-realize ko kung ano'ng sinabi ko. Stupid mouth!

Ipaliliwanag ko na sana kay Jairo na mahal ko siya bilang kaibigan pero hindi ako agad nakapagsalita nang may marinig ako na parang bumagsak mula sa kabilang linya.

"H-hello, Jairo? A-ano'ng nangyari d'yan? May narinig akong bumagsak, e."

"A, Syd . . . next time huwag mo nang sasabihin na hulog ako ng langit, a."

Nagtaka naman ako. "Bakit naman?"

"E, mukhang tutol ang langit sa sinabi mo, e. Nahulog kasi 'ko sa kama."

Napahagalpak ako ng tawa dahil sa sinabi niya. Dahil doon ay sinigawan niya ako na ililibre ko siya bukas dahil kasalanan ko raw kung bakit siya nahulog sa kama. Tinawanan ko lang naman siya. Nawala na rin sa isip ko na sinabihan ko siya ng I love you kanina. Hindi rin naman binanggit ni Jairo ang tungkol doon kaya nakahinga na ako nang maluwag.

Nagkuwentuhan pa kami sandali ni Jairo hanggang sa maisipan na naming matulog. Inilagay ko na sa gilid ng unan ko ang cell phone ko nang mapatingin ako sa aking cabinet. Lumapit ako ro'n, binuksan, at kinuha ang kakaibang bulaklak na ibinigay sa akin ni Rosaria.

Pinagmasdan ko ang bulaklak, isang talulot pa lang ang nababawas dito. Napaisip tuloy ako kung saan nga ba nanggagaling ang suwerte namin; sa taong nasa itaas nga ba o baka naman dito sa bulaklak na 'to?

Continue Reading

You'll Also Like

32.5M 1M 97
She can see the future, her name is Jill Morie. They are Peculiars, they exist. And this is their tale. ***** Jill Morie, the girl who can see the...
Babaylan By Ann Lee

Historical Fiction

1.3M 80K 48
Standalone novel || Mula sa pamilya ng historians at archaeologists, lumaki si Cyrene na may malawak na kaalaman sa kasaysayan. Ngunit sa hindi inaas...
21M 767K 74
◤ SEMIDEUS SAGA #01 ◢ Semideus - demigod, a half-immortal child of a God or Goddess. Abigail Young is a student recently expelled from her previo...