ESCAPE FROM HELL

By brose_fire

115K 6K 302

Tungkol ito sa demon na si Grimm na trip na trip magpakabait.... More

PROLOGUE
1. "The Exorcist meets the Demon"
2. "Just Friends"
3. "PART TIME"
4. "DELIVERY"
5. "YAKAP"
6. "RED ICE DEMON: Grimm"
7. "CLEMEN VS GRIMM"
8. ASSISTANT
9. "SEDUCTRESS"
10. "SEDUCTRESS II"
11. "FRIENDS and MEMORIES"
12. Gaunt Wintergreen
13. Prince Vassago
14. BLOOD
15. The Past
16. Si Kristine
17. Si Kristine II
18. The Tragic Bloodshed
19. The Tragic Bloodshed II
20. EXORCISM
21. EXORCISM II
22. Peryahan
23. The Exorcist Guild
24. The Ice Exorcist
25. Twin-Brothers
27. The Tournament
28. CONNECTION
29. Kakampi o Kaaway?!
30. Bagong Katropa
31. Si Grendel
32. The Rescue
33. The Rescue II
34. Good and Bad
35. Old Garden
36. It was... Me!
37. IMPOSTOR
38. The Curse Tree
39. Mikee's Secret
40. REUNION
NOTE

26. The Statue

2.5K 145 8
By brose_fire

           "The Statue"

Natigil sa pagtakbo si Rusty ng maalala niyang nabugbog si Grimm ni Gaunt. Oo nga at guilty siya sa mga nangyari pero lalo lang siyang makokonsensiya kapag pinabayaan niya si Grimm. Huminga siya ng malalim para kumuha ng lakas ng loob. Pagkatapos noon ay patakbo siyang bumuwelta para balikan si Grimm. Hindi siya makapagsalita ng makita niya itong nakasalampak sa sahig na umiiyak at sabu-sabunot ang mapula nitong buhok na sobrang gulo. Halata ang pagkalito sa mukha nito. Wala rin itong pakialam kahit na pinagtitinginan na ito ng lahat. Naglakad siya papalapit dito. Yumuko siya at walang imik itong niyakap.

"Patawad, Grimm..."

"B-Bakit naglihim ka sa akin...?"

Halata sa boses ni Grimm ang matinding sama ng loob. Tumingin siya sa mukha nito. Marahan niyang hinaplos ang pisngi nito at hinawi niya ang nakatabing nitong buhok sa mukha. Lalo siyang binalot ng guilt ng makita niyang umiiyak ito. Napakagat siya sa kanyang labi.

"Puwede bang mamaya na ako magpaliwanag? Ang mahalaga ay umalis na muna tayo dito. Puntahan natin si uncle Clemen para magamot ang mga sugat mo."

Akma niya itong tutulungan para tumayo pero...

"Kaya ko na ang sarili ko."

Labag man sa kanyang kalooban ay napilitan siyang bumitaw kay Grimm. Kahit na halatang nahihirapan ay pinilit nitong tumayo at naglakad papunta sa simbahan. Alanganin siyang sumunod dito. Pagdating nila doon ay nagulat ang kanyang uncle Clemen ng makita nito ang itsura ni Grimm. Habang ginagamot nito ang sugat ng binata ay nag-usisa ito.

"Anong nangyari?" casual nitong tanong.

Napalunok si Rusty at matamang tumingin kay Grimm. Umiwas ito ng tingin sa kanya. Naiintindihan niya kung bakit ganoon ang inakto nito.

"Nagka-engkuwentro sila ni Gaunt..." maikli niyang wika.

Nalaglag ni Clemen ang hawak niyang bulak ng marinig niya ang sinabi ng kanyang pamangkin.

"Ano?! Nasaan si Gaunt?!"

"Umalis na, naglaho na." si Grimm ang nagsalita.

Huminga ng marahas si Clemen.

"Anong ba talaga ang nangyari?"

Naiiyak na tumingin si Rusty kay Grimm at pagkatapos noon ay sa uncle niya. Nag-ipon muna siya ng matinding lakas ng loob bago magsalita.

"Patawad, kasalanan ko ang nangyari. Nakilala ko si Gaunt at naging kaibigan. Pero hindi ko alam na isa pala siyang demon at siya ang twin-brother ni Grimm. Nitong huli ko lang nalaman. Hindi ko sinabi ang tungkol sa kanya kasi akala ko maiiwasan noon ang gulo kagaya nito. Iniwasan ko na magkaharap sina Grimm at Gaunt pero heto pa rin ang nangyari. Patawad..."

Napailing si Clemen at napakamot sa kanyang batok. Naiintindihan niya ang rason ng kanyang pamangkin. Ang sitwasyon naman kasi 'It's Complicated'. Naipit pala ito sa gitna ng magkapatid. Totoo na gusto niyang kunin ang hustisya para sa kanyang mga kaibigan na pinatay ni Gaunt. Pero hindi ibig-sabihin noon na galit siyang talaga. Katarungan lang ang habol niya. Napatingin siya kay Grimm. Tuliro ito at malalim ang iniisip. Ni hindi nito iniinda ang panggagamot niya sa mga sugat nito sa katawan. Mukhang sa ibang paraan ito nasaktan at walang ibang gamot doon.

"Alam mo Rusty, mas mabuting makasakit ka na lang ng pisikal sa mga taong malapit sa'yo kaysa masaktan mo ang kanilang damdamin. Malalim na bagay iyon at ang tiwala, kapag nawala... Mahirap nang maibalik o baka hindi na. At ikaw naman, Grimm... May kasalanan nga sa'yo si Rusty pero hindi ibig sabihin noon na sinadya niya. Ginawa lang niya ang sa tingin niya ay tama. Naglihim siya kasi ginusto ka niyang maprotektahan. Sana, maintindihan mo ang bagay na iyon."

Parehong walang umimik sa magkabilang panig. Inayos na ni Clemen ang mga gamit. Natapos na niyang gamutin si Grimm.

"Lalabas na muna ako. Mag-usap kayong maigi diyan."

Lumabas na si Clemen. Samantala... Natatawang naiuntog ni Gaunt ang ulo niya sa pader ng lumang-bahay niya. Pagkatapos noon ay mariin niyang naikuyom ang kanyang mga kamao.

"Nakaganti ako..." mahina niyang wika.

Iyon nga lang ay hindi naging masaya ang kanyang pakiramdam. Parang nasaktan din naman siya sa ginawa niya sa kanyang kapatid. Alam niyang iyon ang nararamdaman niya kasi nalaman niyang hindi naman pala talagang kasalanan ni Grimm ang lahat. Naalala niya ang sinabi ng kanyang kapatid.

"May ipinainom sa aking gamot si ama kaya nasabi ko ang sekreto mo..."

Paulit-ulit na umuukilkil sa utak niya iyon. Matapos iyon ay galit niyang sinuntok ang pader na sinasandalan niya. Mahina ang suntok niya dahil yumanig lang ang paligid at hindi lubusang natibag ang pader.

"Buwiset ka talaga, Belphegor! Walang-hiya kang talaga!!!.... AAAAAAAH!!!!..."

Sumigaw siya dala ng matinding frustrations. Naalala niya si Rusty. Naging padalus-dalos siya sa huli niyang ikinilos. Mariin siyang pumikit.

"Alam kong si Grimm ang sinasabi mong gusto mo, Rusty... Bakit sa lahat ng pupuwede mong magustuhan, siya pa?!" frustrate pa niyang wika.

Huminga siya ng malalim at naging seryoso.

"Kagaya ng sinabi ko, nanakawin ko ang puso mo. Aagawin kita kay Grimm at walang makakapigil sa akin para maging akin ka... At bilang ganti kay Belphegor, hindi ko sasabihin ang tungkol sa aking kapatid. Bahala siyang maghintay sa wala." mariin niyang wika.

Samantala... Isang nakakabinging katahimikan ang namayani sa pagitan nina Grimm at Rusty. Pasimpleng inayos ni Grimm ang kanyang buhok at muling ipinusod. Nakaupo si Rusty sa tapat niya at matamang nakatunghay sa kanyang mukha. Bigla niyang naalala iyong ginawang paghalik ni Gaunt sa labi nito. Isang mainit at masakit na bagay ang naramdaman niya sa puso niya. Pasimpleng nagtiim ang kanyang mga bagang. Nasaktan siya sa eksenang iyon ng husto.

Naalala naman ni Rusty ang nangyari kanina. Hindi siya makagalaw kaya nagawa siyang halikan ni Gaunt ng walang-laban. Nawalan na kasi ng bisa ang kuwintas niya. Hindi maikakailang isa itong napakalakas na demon. Huminga siya ng malalim at napatingin kay Grimm. Nakatitig ito sa kanya at may kung anong iniisip. Ang kiss kaya?

"W-Wala lang iyon, huwag mong isipin. Nangyari lang kasi hindi na ako nakagalaw pa. Hindi ko alam kung bakit, basta nawalan na lang ng bisa ang kuwintas ko. Nabasag na ang kristal niya..." hindi nakatiis na wika ni Rusty.

Ramdam niya ang pag-iinit ng kanyang mga pisngi. Nahihiya siya kay Grimm. Walang-imik naman itong tumayo at naglakad palapit sa kanya. Nang makalapit ito sa kanya at idinantay nito ang kanan nitong kamay sa kanyang ulo at bahagyang ginulo ang kanyang buhok.

"Sana hindi na ulit mangyari ito. Sana hindi ka na maglilihim ulit sa akin. Malinaw ang naging banta ni Kuya Gaunt. Ginagawa talaga niya kung ano ang sinabi niya."

Matamang tumingin si Rusty sa mukha ni Grimm. Mas nag-init ang kanyang mga pisngi ng yumukod ito at titigang maigi ang kanyang mukha.

"Hindi tayo magpapatinag sa kanya kahit na ano ang mangyari, tama?"

Isang tango lang ang naisagot ni Rusty.

"Magiging matatag tayo at hindi magpapatalo sa kahit na sino..."

Inilahad ni Grimm ang kanang-kamay at tuliro siyang napatingin doon. Naiiyak niyang tinanggap ang pakikipagkamay nito sa kanya hanggang sa mapayakap siya dito.

"Sorry!" hinging paumanhin ulit niya.

Naramdaman niya ang pagganti ng yakap ni Grimm sa kanya.

"Ako ang dapat na magsorry kasi nadamay ka sa gulo naming dalawa ni Kuya. Hindi mo kailangang matakot kasi nandito lang ako. Kaya ko nang labanan ang kahit na sino para lang hindi mapahamak ang mga taong mahal ko... Isa ka na doon. Huwag ka nang umiyak nang dahil sa akin kasi hindi naman ako galit sa'yo. Sumama ang loob, Oo... Pero sa ngayon, wala na."

Natawa ng bahagya si Rusty sa kanyang mga narinig.

"Sira ka talaga, Grimm. Pero salamat. Bati na tayo, ha?"

"Oo naman."

Biglang bumukas ang pinto at...

"Ehem!" si Clemen.

Napakalas ang dalawa sa pagkakayakap sa isa't-isa at naiilang na napatingin sa bagong dating na si Clemen.

"Ang sabi ko, mag-uusap lang. Wala akong sinabi na may kasamang yakapan. Huwag mong kalimutan iyong nasabi ko sa'yo, Grimm..."

Tapos naalala ng binata ang tungkol sa tatay ni Rusty na si Constantine. Napalunok siya at napailing. Bigla kasi siyang kinabahan. Baka kasi sunugin siya nito sa napakainit nitong apoy.

"Ako na lang ang maghahatid sa inyo pareho. Kailangan ko kasing ipaliwanag sa mga magulang mo kung bakit ka nagkaganyan, Grimm. As usual, white lies na naman..."

Palihim na nagkatinginan sina Rusty at Grimm at saka sila nagtawanan kahit walang eksaktong dahilan. Siguro dahil madali nilang nalagpasan ang naging samaan nila ng loob.

Kinabukasan ay magde-deliver na naman ng mga order na tinapay sa mga suki nilang tindahan sina Grimm at ang kanyang mga Kuwarog Boys, kasama din nila ang bestfriend niyang si Mikee.

"Uy, Grimm... Totoo bang nabugbog ka kahapon dahil kay Rusty?" curious na tanong ni Salv.

Yamot na napatingin si Grimm sa kanyang kaibigan.

"Obvious naman siguro sa mga pasa ko sa mukha, di ba?"

Sinabi kasi ni Father Clemen na may nambastos kay Rusty at ipinagtanggol niya ito.

"Eh di naka-pogi points ka niyan?" kantyaw pa ng kanyang kaibigan.

Hindi siya umimik pero tumawa lang siya. Napansin niyang nagkukumpulan ang ibang mga kaibigan niya sa may harapan ng kanyang Lola Epang. Lumapit silang dalawa ni Salv sa umpukan ng mga ito.

"Lola, kung ganoon totoong may mga tiyanak?' napalunok na tanong ni Rey.

"Ano ba namang klaseng tanong iyan, iho. Natural, may mga tiyanak. Naka-engkuwentro na nga kayo ng manananggal, magdududa ka pa kung may tiyanak?"

Nagpapakuwento lang pala ng kung anong katatakutan ang mga kaibigan niya sa kanyang Lola.

"Totoo po bang ang mga tiyanak ay mga batang namatay na hindi nabasbasan?"

"Oo, karaniwan ay ganoon. Pero ang mga tunay na tiyanak ay mga nilalang ng kadiliman na gumagamit ng awa para sa kanilang pambibiktima. Sino ba namang tao ang may kakayahang manakit ng isang walang-malay na sanggol? Ang awa ang gagamitin nilang panlinlang at panlaban."

Nakinig na rin sina Grimm at Salv sa kuwento.

"Ang mga tiyanak ay may mga balat at iyon ang kanilang ginagamit para mapagaling ang kanilang anumang pinsala sa katawan. Takot ang mga tiyanak sa apoy at mga banal na bagay. Ayaw nila sa liwanag. Ang kadiliman ang kanilang sandata."

Dumating ang Tatay ni Grimm.

"Ang mabuti pa, lumakad na kayo kasi baka gabihin pa kayo at makasalubong nga kayo ng kung ano na namang maligno sa daan."

"Mang Andy naman!" reklamo ni Rey.

Hindi kasi siya maka-get over doon sa lumang pelikula ng tiyanak na napanood niya. May phobia siya doon.

"Takot si Rey!" biglang kantyaw ni Ricky.

"Tse!"

Pinagtawanan at tinukso na ito pero napailing lang ang binata. Ibinigay na ang kanilang mga sahod at nagkanya-kanya na silang sakay sa kanilang mga bisikleta.

"Ito ang pinaka-importante sa lahat. Umiwas kayo sa gulo. Huwag papatol sa mga kursunadahan kung ayaw niyong magaya ang pagmumukha niyo dito kay Grimm. Isa pa, baka matuluyan na ang isang ito kaya, iwas!"

Napasimangot si Grimm sa tinuran ng Tatay niya. Grabe naman, siya matutuluyan?! Malabong mangyari iyon kasi masamang damo siya. Hindi na lang siya umimik para hindi na siya masermunan. Nagsawa na kasi siya kahapon. Lumakad na sila para magdeliver. Wala namang naging problema sa kanilang lakad dahil mukhang iwas na ang mga siga sa kanila simula nang mapabalita iyong naging engkuwentro nila sa manananggal.

Mas binilisan nila ang pagde-deliver dahil unti-unting dumidilim ang langit. Nagbabadya ng malakas na ulan. Kasalukuyan na silang pauwi at hindi na sila nagkukuwentuhan kagaya ng dati dahil nagmamadali silang lahat. Mukha na nga silang nagkakarera dahil pabilisan sila ng takbo ng kanilang mga bisikleta. Ayaw nilang maabutan ng nagbabadyang ulan. Ilang sandali pa ay unti-unti nang pumatak ang ulan.

Napilitan silang huminto.

"Maghanap tayo ng masisilungan!" wika ni Grimm.

Lahat sila ay nagpalinga-linga sa paligid. Hanggang sa makita ni Ricky ang isang napakalumang mansion sa di kalayuan. Napabayaan na iyon at sira-sira na ang ilang bahagi. Napapaligiran ito ng maraming puno na may mayayabong na mga dahon at sanga. Sira ang gate.

"Teka, puwede tayong makisilong doon oh!" itinuro ni Ricky ang lumang-mansion.

Napatingin doon ang lahat.

"Sige, tara na!"

Dahil mas lumalakas na ang pag-ambon ay hindi na sila nagdalawang-isip na magpunta sa lumang mansion at makisilong sandali sa may bungad noon. Patitilahin lang naman nila ang ulan. Napatingin si Rey sa paligid. Kahit na luma na ay maganda pa rin ang lugar.

"Sayang no? Ang laki-laki pa naman nitong mansion at maganda pa kahit luma na, pinabayaan lang ng may-ari. Malawak pa ang lupaing nakapaligid dito." wika niya sa kanyang mga kaibigan.

"Baka may nangyari kaya sila umalis. Pero sayang din talaga." sang-ayon ni Salv.

Mas lumakas na ang pagbuhos ng ulan at may kasama nang malakas na hangin. Lahat tuloy sila, napilitang pumasok sa loob. Sira naman kasi iyong pinto at nakabukas lang. Madilim na paligid ang bumungad sa kanila pagpasok nila sa loob ng lumang-mansion. Nasa isang napakalaking bulwagan sila.

"Maghanap tayo ng masisindihang kahit na ano para may ilaw tayo dito sa loob." wika ni Mikee.

Pasimple siyang tumingin sa suot niyang bracelet. Wala namang sensyales na mayroong kakaiba sa lugar pero iba ang nararamdaman niya.

"Sige, maghanap tayo!" si Grimm.

Naghiwa-hiwalay sila at agad na naghanap sa paligid. Naroon pa rin ang mga gamit at magaganda pa sila kahit na lumang-luma na. May kasama nang malakas na kulog at kidlat ang ulan. Hindi nagtagal ay nagbalik na silang lahat na may kanya-kanyang dala na kandelabra.

"Grabe, pati ang mga kandila dito sa mga kandelabra, mayroon pa rin. Talagang wala nang pakialam ang may-ari sa lugar na ito noong umalis sila." comment ni Rodel.

Inilabas na ni Mikee ang dala niyang lighter at sinindihan isa-isa ang mga kandila sa mga hawak na nilang kandelabra. Nagkaroon na nang ilaw at napatanga silang lahat ng makita nila ang buong paligid. Ang gara at ang rangya pa ring tingnan ng lahat ng naroon.

"Tingnan niyo ang isang ito." wika ni Rey.

Naglakad siya papunta sa gitna ng bulwagan at nakita nila ang isang life-size statue ng isang babaing buntis. Gawa ang estatwa sa isang matigas na kahoy at kulay-pula iyon. Nakahiga ito sa isang tila kama at mukha itong manganganak.

"Nakakatakot, parang totoo." napalunok pa niyang wika.

Lumapit na rin ang kanyang mga kaibigan at napatingin sa estatwa ng babaing-buntis. Inilawan nila iyong lahat gamit ang mga kandilang nasa hawak nilang mga kandelabra.

"Nakakatakot nga..." sang-ayon ni Ricky.

KRRRRREZZZZZZG!!!!... Isang napakalakas na kidlat ang tumama sa punong malapit sa mansion. Napayuko silang lahat at pagkatapos noon ay mabilis silang pumunta sa may malaking bintana. Nakita nila ang puno na nahati sa gitna. Umuusok pa iyon.

"Grabe!" react ni Rodel.

Nanatili silang lahat sa may bintana at wala silang malay na isang nilalang na nagtatago malapit lang sa kanila ang nakamasid. Pasimple nitong binuksan ang lugar na pinagtataguan nito at kumikinang sa kadiliman ang mapupula nitong mga mata.

Amaze naman na napatingin si Grimm sa labas ng mapansin niyang may kasamang yelo ang bumabagsak na ulan.

"Tingnan niyo, may kasamang yelo ang ulan!" tila batang-paslit niyang wika.

"Oo nga oh! Di ba madalang mangyari ito?" nakangiting comment na rin ni Rodel.

Tumingin naman sa paligid si Ricky at curious siyang napatingin sa malaking spiral na hagdan ng mansion.

"Guys, ano kaya kung libutin natin itong mansion? Alam niyo na, pampalipas oras lang?" suhestiyon niya.

"Sige, walang problema. Basta wala tayong gagalawing kahit na ano." sang-ayon ni Grimm.

Sumang-ayon na rin ang iba at magkakasunod silang pumanhik sa mataas at magarang lumang-spiral na hagdan. Gawa iyon sa makapal na marmol na may nakalatag na lumang red-carpet. Nang makapanhik silang lahat sa itaas ay tuluyan namang bumukas ang tiyan ng statwa at iniluwa noon ang isang maliit at nakakatakot na nilalang. Maitim ito at may malalaking pangil. Gumapang ito pababa mula sa estatwa.

Abala naman sa pagsipat sa buong paligid ang grupo nina Grimm. Tuwang-tuwa nilang pinapasok ang mga lumang silid at lahat ng iyon ay maayos na maayos pa naman kahit na kumupas na at naging madumi dahil sa paglipas ng panahon. Nasa isang malawak na hallway na sila ng mansion at papunta na sila sa attic. Pero bigla silang natigilan ng makarinig sila ng kakaibang lagabog at ingay.

"A-Ano iyon?!" si Salv.

Walang umimik pero bigla silang nakarinig ng isang malakas na iyak ng sanggol. Natigilan silang lahat at halos sabay-sabay na napatingin sa mga suot nilang bracelet. Umiilaw iyon ng matingkad na asul. May maligno sa paligid.

"T-Tiyanak!" takot na wika ni Rey.

"Ang mabuti pa, bumalik na lang tayong lahat sa ibaba at huwag tayong maghiwa-hiwalay!" si Mikee.

Mabilis silang tumakbo pabalik sa may hagdan ngunit may kung anong tumalon kay Ricky. Natumba ito at nagapagulong-gulong sa may hagdan. Nagulat si Ricky ng matumba siya pero mas nagulat siya ng makita niya ang isang nakakatakot na maliit na nilalang ang dumamba sa kanya. Nakaumang ang malalaki nitong ngipin sa kanyang leeg. Iyon nga lang ay hindi siya nito magawang kagatin dahil hila-hila niya ang magaspang nitong buhok at hawak niya ang maliit nitong leeg.

"Grrrrr!!!!..." nakakatakot ang ungol nito.

Pero ngayon pa ba siya nakakatakot eh marami na silang karanasan sa mga kung anu-anong nilalang?! Gumawa siya ng maliit na pentagram mula sa kanan niyang kamay kung saan nakasuot ang kanyang bracelet at mula doon ay lumitaw ang isang makinang na kutsilyo. Napaso ang tiyanak sa pentagram kaya nagawa niya iyong itulak at ito na ang lumagpak sa sahig. Mabilis niyang iniumang ang kutsilyong hawak niya dito para saksakin ito pero nagulat siya at natigilan ng makita niya ang anyo ng isang inosente at cute na baby. Dumating ang na ang kanyang mga kaibigan at sinamantala ng maligno ang pagkagulat niya, mabilis itong tumakas at naglaho sa kadiliman. Kasabay noon ay ang tunog ng isang iyak ng sanggol sa kung saang parte ng mansion.

"Ayos ka lang?!" nag-aalalang tanong ni Grimm sa kanyang kaibigan.

"Oo, pero natakasan ako... Pasensiya na, nabigla ako noong maging isang cute at inosenteng baby iyong tiyanak. Totoo nga iyong mga sinabi ni Lola Epang sa atin." hinging paumanhin ni Ricky.

Pero pagkatapos noon ay mariin na tumingin sa lahat si Grimm. Nakita niya ang ginawa ni Ricky kanina. Nagpalabas ito ng pentagram at patalim na ngayon ay hawak ng kanyang kaibigan. Hindi pala talaga siya binibiro ni Werdong Pari kahapon.

"Nagpapaturo kayo kay Werdong Pari? Kailan pa? Bakit hindi ko alam?!" may himig ng pagtatampo niyang wika.

Medyo guilty na napatingin sa kanya ang kanyang mga kaibigan.

"Kami ang nagakusang lumapit kay Father Clemen. Ginawa namin ito para matulungan ka kung sakaling kailanganin mo kami. Ayaw naming maging pabigat sa'yo. Isa pa, mabuti na rin ang ganito para magawa naming ipagtanggol ang aming mga sarili sa ibang mga nilalang kung kinakailangan. Huwag kang mag-alala, hindi kami ipapalista ni Father Clemen sa sinasabi niyang Guild ng mga Exorcist. Tinuturuan lang niya kami para maipagtanggol ang aming mga sarili, iyon lang." paliwanag ni Rey.

Huminga ng malalim si Grimm. Medyo nagtatampo siya sa kanyang mga kaibigan pero naisip-isip din niyang tama ang mga ito at si Werdong Pari.

"Naiintindihan ko. Ang mabuti pa, dumito na muna tayo sa may bulwagan. Huwag tayong maghihiwalay. Tiyak na babalik ang tiyanak na iyon at kusa siyang lalabas sa kanyang pinagtataguan para sugurin tayo. Mukhang gutom na gutom na siya at matagal nang hindi kumakain."

Sumang-ayon ang lahat kay Grimm. Nag-circle sila sa gitna ng bulwagan at nasa gitna nila ang mga ilaw. Napatingin naman si Rey sa estatwa. Napakunot-noo siya at napatayo. Nakita kasi niyang nakabukas ang tiyan noon. Naglakad siya palapit sa estatwa.

"Bakit?" tanong ni Rodel kay Rey.

Pero natigilan din siya ng makita niyang bukas ang tiyan ng estatwang buntis. Umakyat doon si Rey at tinulungan naman siya ni Rodel para bigyan ng ilaw. Napalunok siya at lakas-loob na ipinasok ang kanyang kanang-kamay sa loob ng estatwa.

"A-Aaaaah!" napasigaw niyang wika.

May malagkit at mainit kasi siyang naramdamang bagay na kung ano sa loob.

"Ayos ka lang?!" nag-aalalang wika ni Grimm.

Tumingin siya sa kanyang mga kaibigan.

"Ayos lang ako. Medyo nabigla lang ako kasi may kung ano akong nahawakan."

Itinaas niya ang kanan niyang kamay para ipakita na walang masamang nangyari doon. Nakahinga ng maluwag ang lahat.

"Loko ka, tinakot mo kaming lahat doon ah?" comment ni Mikee.

"Pasensiya!" sagot na lang ni Rey.

Out of curiosity ay muli niyang ipinasok ang kanyang kamay sa loob at nang makapa na naman niya ang kung anong mainit na parang malagkit ay agad niya iyong hinablot. Medyo nahirapan pa nga siya kasi nakadikit ito doon sa kahoy pero nakuha pa rin niya. Bumaba na siya at nalantad sa kanilang lahat kung ano ang kanyang nakuha. Kulay-brown iyon at malagkit na parang sapot ng gagamba. Mistula iyong lumang-lumang lampin.

"Ano kaya ito sa palagay niyo?"

Ignorante pang iniladlad ni Rey ang nakuha niyang bagay sa loob ng tiyan ng estatwa. Ilang beses na kumurap si Grimm. Hindi siya sigurado dahil hindi pa naman siya nakaka-engkuwentro ng tiyanak pero naalala niya ang mga kuwento ng Lola Epang niya.

"B-Balat iyan ng tiyanak! Iyan ang ginagamit niya para mapagaling ang mga sugat niya at kung anong pinsala niya sa katawan! Iyon ang sabi ni Lola."

Pagkarinig ni Rey sa sinabi ni Grimm ay mabilis niyang binitawan ang hawak niya pero agad iyong sinalo ni Mikee.

"Yayks!" nagpagpag pa siya ng kamay.

Napatingin ulit siya sa estatwa at ganoon din ang mga kaibigan niya.

"Sa palagay ko, diyan sa estatwa nakatira iyong tiyanak. At malamang, siya ang dahilan kung bakit umalis ang mga taong nakatira dito..." napalunok na wika ni Salv.

Nirolyo ni Mikee ang balat ng tiyanak.

"Magandang pagkakataon ito para makalapit sa atin ang tiyanak at mapatay natin siya. Kapag hindi natin siya nagawang tapusin, tiyak na tuluyan na siyang lalabas dito sa lungga niya at maghahanap ng makakain. Magiging banta at panganib siya sa lahat kaya kailangan nating gumawa ng paraan." wika niya.

Napahinga ng malalim si Grimm.

"Tama ka. Takot ang mga tiyanak sa apoy kaya huwag niyong bibitawan ang mga hawak niyong kandelabra at huwag niyo ring hahayaang mamatay ang sindi ng mga kandila." wika pa niya sa kanyang mga kaibigan.

"OO!" sang-ayon ng lahat.

Nag-circle ulit sila. Isang ideya naman ang naisip ni Mikee.

"Hoy tiyanak! Lumabas ka na sa pinagtataguan mo kung ayaw mong sunugin ko ang balat mo! Alam kong nakikita mo kami... Nakikita mo itong balat mo, ha? Tingnan mo ang gagawin ko!"

Pasimpleng idinapo ni Mikee ang balat ng tiyanak sa ninggas ng apoy ng kandila. Biglang umalingawngaw ang isang malakas na iyak sa bata sa buong-paligid at kasunod noon ang isang mabangis at nakakatakot na ungol.

"M-Mikee, ginalit mo..." napalunok na wika ni Rey.

"Kaya nga." balewala naman nitong sagot.

Ilang sandali pa ay nakarinig sila ng kung anong mga kaluskos sa mga sulok. Naging alerto sila at napatingin sa buong paligid.

"Nandiyan na siya... Nandiyan na siya..." mahinang wika naman ni Rodel.

Mula sa kung saan ay...

"MUWARRRR!!!!!..."

May kung anong sumunggab kay Mikee pero mabilis na iniumang ng binata ang hawak nitong kandelabra na may apoy. Napaatras at napalayo ang tiyanak. Nakita na nilang lahat ang nakakatakot at nakakakilabot nitong anyo.

"T-Totoo ngang may impakto na tiyanak..." namumutlang wika ni Rey.

Gumapang ito sa kanilang paligid at pinagmasdan nilang maigi ang bawat kilos nito. Mukha itong sanggol na halimaw. Matapang naman na humarap si Mikee sa maligno.

"Heto ang kailangan mo, di ba? Kunin mo, oh!"

Iniumang ni Mikee ang hawak niyang balat ng tiyanak. Agad iyong tumalon pero muli niyang iniumang ang apoy ng kandila. Muling napalayo ang tiyanak.

"GRRRR!!!!..."

Huminto ito sa pagkilos hanggang sa unti-unting nagbago ang anyo nito. Naging isa itong cute na baby.

"Huwag kayong magpalinlang!" mariing wika naman ni Grimm sa kanyang mga kaibigan.

Sumang-ayon ang lahat. Itinapat nilang lahat ang mga kandelabrang hawak nila doon sa baby at muling pumangit ang anyo nito.

"Mwaaaaaaaarh!!!!..."

Muli itong naghanda sa pagsugod kay Mikee dahil hawak nito ang balat. Naghanda naman ang huli pero nang iumang nito ang apoy ng kandila ay mabilis na kumapit ang tiyanak sa balikat ni Rey na katabi ni Mikee. Nabitawan ni Rey ang hawak niyang kandelabra dahil pinipigilan niya ang tiyanak na makagat nito ang kanyang leeg. Malakas ito dahil naitutulak siya nito kahit na maliit. Tuluyan na silang napunta ng tiyanak sa may kusina. Natumba pa siya malapit sa mesa pero nanatiling nakahawak ang kanyang kaliwang-kamay sa batok ng maligno. Napasunod agad sina Grimm at ang iba pa.

"Bitawan mo siya kung ayaw mong masunog ang balat mo!" banta ni Mikee.

Napatingin ang tiyanak sa kanya at walang-alilangan niyang idinantay ang balat nito sa apoy ng kandilang hawak niya. Nasunog ang dulo ng balat.

"Grrrrr!!!!!..."

Kumalas ito sa pagkakakapit kay Rey pero hindi binitiwan ng huli ang batok nito. Agad na lumapit sina Rodel at Ricky kay Rey. Hiwakan din nila ang tiyanak para pigilan ang paggalaw nito. Agad namang naghanap ng mapagkukulungan sa tiyanak si Salv hanggang sa mahagip ng kanyang mga mata ang isang malaki at lumang kaldero. Agad niyang kinuha iyon at binuksan ang takip.

"Ilagay niyo siya dito!"

Tulong-tulong na inilagay doon ng kanyang mga kaibigan ang tiyanak sa loob ng kaldero. Pumapalag ang tiyanak sa loob ng malaking kaldero kaya tulong-tulong sina Salv, Ricky, Rodel at Rey sa paghawak ng mariin sa takip. Malakas kasi ang maligno. Nakita naman ni Grimm ang isang lumang lutuan na gawa sa bato. Isang ideya ang naisip niya. Mabilis siyang nagbakbak ng mga lumang kahoy na nasa paligid at agad na inayos ang mga iyon bilang panggatong.

"Ilagay niyo na dito sa lutuan ang kaldero at Mikee, gamitin mo ang balat ng tiyanak para paninggasin ang mga kahoy!"

"Okay!"

Tulong-tulong na ipinatong nina Rodel, Ricky, Rey at Salv ang kaldero sa lumang lutuan at nanatili ang kanilang mga kamay sa takip para hindi makawala ang tiyanak. Dahil sa luma na ang mga kahoy ay madali naman iyong napaninggas ni Mikee gamit ang balat ng tiyanak. Tuluyan na niya iyong sinunog kasama ng mga kahoy at ginawang panggatong. Malakas na gumagalaw ang takip ng kaldero. Nanlalaban pa rin ang tiyanak at naririnig nilang lahat ang nakakakilabot nitong sigaw. Mas nagdagdag ng kahoy na panggatong sina Mikee at Grimm. Mas lumakas ang apoy. Ilang sandali pa ay wala nang anumang pagkilos sa loob ng malaking kaldero. Wala nang gumagalaw at wala nang sumisigaw ng nakakakilabot.

Nakahinga ng maluwag ang lahat at nanghihinang napaupo sa lumang sahig. Nanatili ang kaldero sa lutuan at malakas pa rin ang apoy doon.

"Grabe, hindi ko na alam kung nananaginip ako o ano. Alam niyo namang may phobia ako sa tiyanak pero hindi ko akalaing may makaka-engkuwentro tayo ngayon. Ang sama magbiro ng tadhana kasi nagpakuwento pa ako kanina kay Lola Epang. Ginawa ko lang naman iyon para malabanan ang phobia ko... Pero heto, nangyari ng literal..." humihingal na wika ni Rey.

Sinapo niya ang kanyang dibdib. Ang lakas ng tibok ng puso niya.

"Tama ka. Nakakatakot nga talaga ang mga tiyanak kahit na maliit lang sila. Ang bangis..." humihingal ding wika ni Salv.

Natawa naman ng mahina sina Ricky at Rodel pero hindi na nag-comment. Napangiti naman si Grimm sa kanyang mga kaibigan. Wala naman siyang masyadong ginawa. Tumila na ang ulan.

"Ang mabuti pa, umalis na tayo." wika niya.

"Sige."

Tumayo na silang lahat sa pagkakaupo. Pero napalunok si Salv at curious na napatingin sa malaking kaldero.

"Teka lang, curious lang ako."

Kumuha siya ng isang lumang basahan na nakasabit sa tabi. Lumapit siya sa kalderong nakasalang pa rin sa apoy. Pasimple niyang binuksan iyon at umalingasaw ang isang mabahong amoy ng kung anong sunog. Napangiwi siya ng makita niya ang itsura ng tiyanak sa loob ng kaldero. Mabilis niyang ibinalik ang takip at napatingin sa kanyang kaibigan.

"Anong itsura?" si Grimm.

"Naging uling!"

Dahil hindi nakuntento si Grimm sa sinabi ng kanyang kaibigan ay sinilip na rin niya ang loob ng kaldero. Maging siya ay napangiwi. Sunog na sunog ang tiyanak. Naging uling nga. Bago sila tuluyang lumabas sa loob ng mansion ay sinunog din nila ang estatwang naging tirahan ng tiyanak. Paglabas nila ay bumungad sa kanilang lahat ang napakakapal na putik na nilikha ng malakas na ulan.

"Paano na? Hindi kakayanin ng mga bike natin?" nag-aalalang wika ni Rodel.

Napakamot sa kanyang batok si Grimm.

"Ako na ang bahala. Gagawa ako ng tulay na madadaanan natin."

Naglakad siya pasulong at tinantya niya ang layo at lapad ng tulay na gagawin niya. Ilang beses siyang huminga.

"Creation..." mahina niyang wika.

Pagkatapos noon ay ikinuyom niya ng sabay ang kanyang mga kamao at bumuwelo siya. Pagkabuwelo ay sabay niyang binuksan ang kanyang mga palad at lumabas mula doon ang napakalamig na yelo. Napahanga ang mga kaibigan ni Grimm ng mabilis na mabuo ang isang napakagandang tulay na gawa sa makapal at solidong yelo. Matapos naman iyong gawin ni Grimm ay bigla siyang natumba pero nasalo siya ni Mikee.

"Ayos ka lang?"

"O-Oo... Pero nahihilo ako. Mahina pa ang katawan ko dahil sa bugbog eh..."

Humahanga namang napatingin ang mga Kuwarog Boys ni Grimm sa kanya.

"Astig ka pare!" di nakapagpigil na wika ni Ricky.

Bigla tuloy niyang natapik ng malakas sa likod si Grimm.

"Urgh! Buwiset ka! Ang sakit noon!"

Natigilan si Ricky at guilty na napatingin kay Grimm.

"S-Sorry!"

Nagtawanan ang lahat. Napailing na lang si Grimm sa kanyang mga kaibigan. Napatingin ang lahat sa yelong-tulay na ginawa ni Grimm. Kinuha na nila ang kanilang mga bisikleta. Inaalalayan naman ni Mikee si Grimm. Maglalakad na lang muna sila at sina Rey at Salv na ang bahala sa kanilang mga bike. Napangiti naman si Grimm sa kabila ng panghihina na kanyang nararamdaman. Kampante na siyang hindi basta mapapahamak ang kanyang mga kaibigan. Salamat talaga kay Werdong Pari. Hindi na siya magagalit sa ginawa nitong pagtuturo sa mga kaibigan niya dahil may maganda naman itong rason.

Continue Reading

You'll Also Like

3.6K 1K 36
What if you wake up one day and find out that you are in a different year? What will you do if you have no choice but to travel back in time every ne...
61.8M 1.7M 40
She is Ariela Davis, an ordinary girl with an ordinary life. Pero dahil sa isang insidente kinailangan niyang lumipat sa bagong school sa gitna ng ka...
332K 9.1K 46
Naglakas loob si Z-raye na magtungo sa isang malayong kaharian upang makuha ang tanging lunas sa karamdaman ng kanyang kapatid. Kasama ang matalik ni...