Lucio's P.O.V.
"Mga traydor kayo! Anong ipinangsuhol sa inyo ni Marietta, ha?" Bitbit ako sa ere ng labindalawang demonyong dati kong mga kakampi. Dinala ako ng mga ito sa isang kuwebang may maliit na lagusan patungo sa bangin ng kumukulong asupre.
"Ikaw ang traydor, Lucio." Halos sabay-sabay na wika ng mga ito. Umaalingaw-ngaw it sa hangin sa makapanindig na balahibong paraan—sa pamantayan ng mga tao. "Akala mo ba'y hindi namin alam na nakikipag-usap ka rin sa mga anghel ng kaaway ng aming Panginoong Helel (1)? Sinasabi namin sa 'yo Lucio...hindi mo kami maloloko. Tingnan natin kung maililigtas ka ng mga anghel na kinakausap mo."
Ilang saglit pa'y natanaw ko na sina Senda, Jordanna, at Helga. Nakagapos ang mga ito sa mga posteng nakapalibot sa bangin ng kumukulong asupre. "Bitawan n'yo ako!" Nagkakawag ako, ngunit hindi ko mahagilap ang mga ito dahil bitbit nila akong lahat sa pakpak ko.
"Lucio!" Pagtawag sa akin ni Senda habang ibinababa na ako ng mga demonyo sa ikapaat na poste. Tsk. Lucio? Pangalan ko naman talaga iyon, pero hindi ko alam kung bakit umiinit ang ulo kapag nagmumula ito sa bibig ni Senda.
"Senda?!" Pinagtutulugan na rin akong itali ng mga demonyo.
"Lucio..." Umiiyak na si Senda. Tila nasasaktan na ito dahil sa matinding init kaya patuloy akong nanlaban. Hinagip at sinakal ko ang mga demonyong bumibihag sa akin at saka ko isa-isang itinapon sa bangin ng kumukulong asupre ang mga ito.
Natanaw kong nakawala na sa pagkakagapos si Jordanna at agad nitong pinuntahan si Senda, "unahin mo na muna si Helga, Jordanna. Mukhang masama na talaga ang lagay n'ya. Mas matagal na s'ya rito kaysa sa 'tin." Sumunod naman ang nakababata.
"Lucio...si Helga." Ani Senda sa akin, "tulungan mo kaming mailabas s'ya rito."
Agad ko namang binuhat ang walang malay na si Helga, bagaman mas pinauna ko na sa paglabas ang dalawang babae upang makaalis na kami sa mainit at mabahong lugar na iyon.
***
"Hindi tayo maaaring lumabas dito." Sabi ko sa dalawa sa una nilang napiling lagusan. "Maraming nakabantay na mga demonyo sa lupa at sa himpapawid." Bagaman huminto muna kami roon upang makapagpahinga.
"Kailan pa nag-umpisang maging sunod-sunuran ang mga demonyo kay Marietta?" naluluhang tanong sa akin ni Senda, "hindi ko rin maatim na kinaya n'yang gawin ito sa aking pamangkin." Hinaplos n'ya ang noo ni Helga. Kalong nito ang ulo ng kanyang pamangkin. "Nasaan na kaya si Jasper?"
"Magkausap sila kanina." Sabi ko, nakasilip ako sa labas. "Pinipilit ni Mariettang lumagda ito sa isang kasunduan, kapalit ng kalayaan n'yo at lahat ng mga kakampi n'yang mga engkanto."
"Ano namang klaseng kasunduan?" tanong ni Jordanna
"Hinihingi nito ang magiging panganay na anak ni Jasper, maging ang kanyang mga pakpak."
"Ano naman ang kailangan n'ya sa magiging panganay na anak ni Jasper?" tanong naman ni Senda, "may espesyal na kapangyarihan din ba ito, tulad n'yong dalawa?"
"Wala, kung ito'y anak n'ya sa isa lamang ordinaryong babae."Sagot ko rito habang sumilip-silip ako sa labas, "bagama't ito naman ang kanyang magiging kalamangan kung magkataon, ayon sa nakatalang kasabihan sa isa sa mga kasulatan ng aming angkan. 'Ang buhay ng panganay naming anak, ang s'yang karugtong ng aming buhay.' Kaya oras na makuha n'ya ang unang anak ng kanyang panganay na apo, maaari na rin n'yang patayin, ipapatay o hayaang mamatay si Jasper. Kapag nakuha n'ya ang panganay na anak ni Jasper, ito na ang magtutuloy ng pakinabang n'ya rito. At dahil s'ya ang magpapalaki rito, mas madali na n'ya itong mapasusunod sa lahat ng mga gusto n'ya."
"Pero ano naman ang ibig mong sabihin sa ordinaryong babae?" si Senda ulit.
"Kahit sinong babaeng tao. Kahit sinong babaeng hindi si...Jordanna o kahit sinong katulad ni Jordannang may dugong anghel."
"Pero paano kung..." si Senda pa rin
"Kung anak n'ya ito kay Jordanna o sa isang katulad nito?" Pagdugtong ko sa naputol niyang tanong.
"Oo."
"Kapag panganay na babaeng nagmula sa angkan ni Penemue (2), na tulad mo, Jordanna. Wala itong pambihirang kapangyarihan ng mga anghel, ngunit ito naman ang magmamana ng walang kapantay na katalinuhan ng mga Nephilim, mula sa lahi ni Penemue. Kapag panganay na lalake, ito'y magtataglay lamang ng ordinaryong kapangyarihan ng mga Nephilim, ngunit..."
"Ngunit, ano?" si Jordanna.
"May kakayahan itong umani ng kapangyarihang higit pa sa pinagsamang kapangyarihan namin ni Jasper, kung ito mismo ang kikitil sa buhay ng kanyang ama, sa pamamagitan ng 'Banal na Sibat ng Kapalaran'(3). Kung magkagayon...isipin n'yo na lang ang lakas ng kapangyarihang mapapasakamay ni Marietta, kung ang batang ito'y magiging sunod-sunuran sa kanya? Wala nang makahahadlang sa anumang naisin n'ya. Wala na ring makatatapat sa kapangyarihang maaari niyang abusuhin at paglaruan para masunod ang lahat ng kanyang kagustuhan.
Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.
***
"Jasper!" Halos madapa si Jordanna sa pagtakbo nang matanaw nito ang dating asawa matapos naming makawala sa kuweba ng kumukulong asupre. Ngunit maging kami ni Senda ay nagtaka at nagkatinginan nang nilagpasan lamang nito si Jordanna upang kunin sa bisig ko ang kanyang inang si Helga.
"Anong nangyari kay Mommy?" Tanong nito sa amin.
"Nahimatay s'ya sa sobrang init at hirap sa loob ng kuweba." Sagot dito ni Senda. "Bukod kasi sa sobrang init, matindi ang amoy ng asupre at umaalingasaw na amoy ng nasusunog na pinaghalo-halong mga bagay ro'n."
Tumingala ako. "Maliwanag na."
"Anong nangyari?" bungad ni Helga. Nagkamalay ito matapos itong malapatan ng palad ng Bagito, "Jasper?" Sinapo nito ang mukha ng anak, "Jasper, anak? Ang Daddy mo? May balita ka ba sa Daddy mo?"
"Ligtas na si Daddy, Mommy." Sagot ng Bagito. "Huwag ka nang mag-alala. Si Helena ang nag-aalaga sa kanya ngayon."
"Salamat po, DIYOS ko."
Biglang yumanig ang kapaligiran. Napalingon kami sa kaliwang dako dahil sa biglaang paglubog ng isang buong bundok sa banda ro'n. Sunod kaming napalingon sa kanan nang matanaw naming tila natitipak na ang lupa at lumulubog na ito sa ilalim ng dagat.
"Kailangan na nating makaalis dito." Sabi ko sa lahat. "Sadyang lumulubog ang islang ito at lumilitaw lamang sa pamamagitan ng orasyon. Ito ang dahilan kung bakit, tulad ng Isla ng San Juan (4), hindi ito kasama sa mapa ng Pilipinas. Ikaw na ang magbuhat kay Jordanna, ako na ang bahala kay Senda at Helga."
"W-wag na." Sagot ni Jasper sa akin "Ako na lang ang bahala sa Mommy ko, ikaw na ang bahala kay lola Senda at kay...J-Jordanna."
"Jasper...Jasper, may problema ba tayo?" mangiyak-ngiyak na tanong ni Jordanna sa dating asawa. Muli akong napasulyap kay Senda. Napapailing naman ito sa inaasal ni Jasper.
Muli na namang yumanig ang paligid. Halos tumilapon na kami sa lakas noon.
"Jasper!" muling pagtawag ni Jordanna, matapos ang pagyanig. "May problema ba tayo?" Mangiyak-ngiyak na ito.
Sa halip sa sagutin ito ay sa akin ito tumingin, "tayo na!"
***
"Huwag ka nang makialam." Bulong ko kay Senda habang naghahanda kaming dalawa ng makakain sa kanyang apartment. Pinakamapit kasi iyon sa pinanggalingan namin kaya doon na muna kami nagtungo upang makakain at makapagpahinga ang lahat. "Malamang nalaman na niya mula sa impakta mismo kung ano talaga ang dahilan kung bakit sila ang ipinagkasundong ipakasal. Dinadaga naman siguro," medyo natatawa ako, "nababaklaan ako sa totoo lang. Ang daling takutin. Tsk."
Siniko ako ni Senda, "ikaw talaga."
"O bakit? Tama naman ako 'di ba? Tinakot siya ng lelang niya, natakot naman siya. Paano namang hindi ko tatawaging pipitsugin ang Bagitong 'yan? Andaling sindakin."
"Eh bata pa kasi, ano ka ba naman?" natatawa rin si Senda.
"Kung sa akin mangyayari 'yan—"
"O ano?" nakabungisngis ito sa akin, "anong gagawin mo kung ikaw?"
"Walang mapagpipigil sa akin, patay kung patay...para sa 'yo." Sabay kindat ko rito. "Kahit wala nang ginawa ang isang tao riyan kundi ang paghintayin ako at paasahin sa wala." Sinimangutan ko ito.
"Sorry na. Nagkasunod-sunod lang ang problema ko sa Mashuria."
"Pero nakuha mo na ang aklat, 'di ba? Pa'no na 'yung pangako mo? Hindi pa rin ba puwede?"
"Hahanapin pa natin ang mga korona. At dito sa lupa iyon ibinaon ni Edwino, kaya kailangan nating magalagi rito."
"O 'di dito ulit tayo magbahay-bahayan, tulad dati sa San Gabriel."
"Bahay-bahayan. Ano, parang live-in? Ayoko nga—" may ibinulong ito na hindi ko gaanong maintindihan.
"Eh 'di magpakasal tayo rito tulad nang naunang plano." Dahil pakiramdam ko'y iyong ang ipinaghihimutok nito.
"Sa simbahan?"
"Tsk. Senda naman alam mo namang hindi puwed—"
"Bakit hindi? Magdidiklap ka ba kapag pumasok ka sa loob ng simbahan ng PANGINOON ko? Hindi naman ah. Mga demonyo nga nakakapasok doon, ikaw pa kaya."
Napabuntong-hininga ako, "sa huwes na lang tayo, o di kaya sa ibang templo, Sinagoga, o Mosque. "Wag lang sa simbahang Kris—"
"Ewan ko sa 'yo!" Medyo padabog na ang paghihimay nito ng sitaw. "Wala kang ipinagkaiba sa mga mangmang na tao rito sa lupa. Kung sino 'yung totoong DIYOS na naghihintay sa inyo, 'yun ang ayaw niyong lapitan at doon kayo nagsusumiksik sa mga diyos-diyosang wala namang sariling buhay! Hmp. Kaya nga siguro nagkakandabuwisit-buwisit ang buhay natin. Lagi tayong nagkakahiwalay, eh kasi hindi SIYA ang nagbibigkis sa atin."
"Tiya?" Biglang pumasok si Helga sa kusina at napansin kong natatawa ito nang makita nitong nagtatalop ako ng kalabasa. "Kailangan niyo po ba ng tulong?"
"N-naku, huwag na Helga." Sagot naman nito sa pamangkin niya, "kaya na namin ito ni Lui—Lucio. Magpahinga ka na lang."
Lalong lumaki ang pagbungisngis nito, "nag-aaway ba kayo?" pumagitna ito sa amin. "Parang may naririnig rin akong kasal sa pinag-uusapan niyo, magpapakasal na ba kayo?"
Nagkatinginan kami ni Senda pero inismiran din ako nito, "oo magpapakasal ako sa simbahan balang araw," sagot nito sa pamangkin niya, "pero hindi sa kanya. Hmp."
Kunot-noong napalingon ako kay Senda.
Tila nagulat din naman si Helga sa tinuran ng kanyang tiyahin. "Bakit tiya, tinanggap mo ba ulit ang panliligaw ni Noah?"
Biglang uminit ang ulo ko kaya agad kong sinaksak ng walang kasing-talim na tingin si Senda. Lalo na nang sumagot ito nang, "tututol ka ba kung sakali mang iyon ang maging tiyo mo?" muli itong umismid sa akin.
Mukhang nakahalata na si Helga sa pagpapalitan namin ng masasamang sulyap sa isa't isa. "Ang cute niyong magselosan." Nagulat ako ng tinapik ako nito sa balikat, "ibigay mo na kasi ang gusto, kahit ako pa ang maging wedding planner niyo."
"Hay nakoh, pamangkin, huwag mo nang pilitin ang ayaw." Padabog nitong inilagay sa kalan ang kaserola. "At saka, hindi talaga siguro kami itinadhana kaya lagi kaming nagkakahiwalay. Panahon na para mag-move on na kaming dalaw—"
"Siguro nga." Sa sobrang inis ko. "Kung hindi talaga ukol, hindi bubukol. Pagod na rin akong umasa at magmukhang tanga sa kahihintay sa pakau-kaunting limos ng panahon. Parang wala na rin kasi akong ginawa kundi umunawa at magpasensya sa sitwasyon niya. Siguro gano'n din siya sa akin dahil hindi ko maibigay ang gusto niya. Panahon na nga siguro para tanggapin namin na hindi kami para sa isa't isa."
"Seryoso ka?" tanong sa akin ni Helga. Hindi na ako tumitingin kay Senda kaya hindi ko na alam ang nagiging reaksyon nito. "After all these years...against all odds, sumusuko ka na sa situwasyon niyo ni Tiya?"
Tumango ako, "ako oo. Masasabi kong oo, suko na ako." Sabay taas ng dalawang kamay, "kinukulit na rin kasi ako ng anak ko na humanap na raw ako ng makakatuwang na hindi kami iniiwan sa ere. Lumaki kasing walang ina kaya pinupuwersa na akong maghanap ng magiging madrasta niya." Sinadya kong bitawan ang mga salitang iyon, upang maiparamdam ko sa kanya kung gaano na kalaki ang hinanakit na tinitiis ko sa kanya. Masakit man sa loob ko, pero panahon na rin nga siguro na maging tapat na ako sa aking tunay na nararamdaman sa sitwasyon naming dalawa.
Napipikon na ako sitwasyon namin. Sawang-sawa na rin ako sa kahihintay sa kanya. Siguro nga'y totoong kahit na gaano mo kamahal ang isang tao, hindi ito mapapasa'yo kung hindi ito para sa 'yo. Ang relasyon namin ni Senda ay isa na siguro sa pinakauna sa listahan ng mga masalimuot na pagmamahalang wala naman talagang patutunguhan; pagasasamang hindi inaayunan ng mga bitwin, kaya sa tuwing magsasama kami ay tiyak na maghihiwalay rin.
Mahal na mahal ko pa rin si Senda, at siguro nga'y wala na akong mamahalin na hihigit pa sa pagmamahal ko sa kanya. Pero hanggang dito na lamang yata talaga ang pagmamahal na kaya kong iaalay sa kanya, at kapwa lamang kaming mahihirapan kung ipagpipilitang ipaglaban ang mga hindi nakatadhana para sa amin.
[ITUTULOY]
Footnotes
(1) Hêlēl - a Hebrew word which means the Shining One. Isaiah 14 completely mentions this word Hêlêl ben Šāḥar which means, Shining One, son of the Dawn. Which was translated by the Vulgate and preserved in the early English translation as Lucifer. This is the more accurate name of the Devil; the Red Dragon and Ancient Serpent [Revelation 12] who rebelled against GOD along with one-third of the angelic army.
(2) Penemue - name of a real (fallen) angel who taught mankind the art of writing with ink and paper, and taught the childrn of men the bitter and the sweet and the secrets of wisdom (1 Enoch 69:8). One of the 200 Watcher who cohabited with human women in Genesis 6. In this fictional KATROPA Series refers to the ancestor of Jordanna's Father, Atty. Jonathan Romero—the Main Character of the Novel, The Broken Man.
(3) Banal na Sibat ng Kapalaran: Kilala rin bilang ang Banal na Sibat ni Longhino. Isang paniniwala mula sa ebanhelyo ni Juan, na s'yang ginamit ng sundalong Romano na si Longhino (Longinus) na pangsibat o panaksak sa tagiliran ni HESUS (JESUS) habang ito ay nakapako sa Krus. (also known in the English translation as, the Holy Spear, the Spear of Destiny and the Lance of Longinus).
(4) Isla ng San Juan (Island of St. John) also known as the Atlantis of the Philippines. The vanished island, believed to be in the northeastern tip of Mindanao. Nakilala ito sa mga lumang mapa na mas malaki sa lalawigan Bohol, maaaring kasinlaki ng Panay.