[Editor's Note: This chapter is synchronized with the last parts of the novel Walang Kawala, about Lucio's obssession to constantly see Senda's Look-alike—Michelle "Mitch" Javier.]
Lucio's P.O.V.
Makalipas ang apat na taon. Sa araw ng ikapitong taong kamatayan ni Senda.
Walang litrato. Bakit nga ba wala akong litrato mo, Senda? —habang nakalupaging nakaupo ako sa tabi ng musuleo ng kanyang mga labi. Gustong-gusto na kitang makitang muli kahit man lamang sa aking alala-ala, ngunit habang tumatagal ay tila lumalabo na rin sa aking isipan ang iyong mukhang walang sawa ko noong tinititigan kahit sa malayo. Bakit ba kaybilis mo akong iniwan? Ang sabi mo'y mahal mo ako ngunit ayaw mo namang sumama sa akin noon huli tayong magkita? Mahal na mahal kita, kahit na hindi kita maintindihan. Sana'y dalawin mo man lamang ako kahit sa panaginip.
"Ama." Nakasimangot na paghumira ni Katrina sa tahimik na pagmumukmok ko sa Musuleong pinaglagakan ko ng mga naabong labi ni Senda. Tumutungga ako ng pinakamatatapang na alak sa balat ng Edenus. "Ano namang pumasok sa tuktok mo para sundan-sundan 'yung babaeng kamukha ni Ina kahit sa ibang bansa? Anong pangalan no'n, Michelle? At inangkin mo pa talaga ang anak niya na hindi naman sa 'yo?"
Hindi ko ito sinagot, sa halip ay mas inatupag ko na lang ang pang-walong bote ng iniinom ko. Wala siyang alam sa pinagdadaanan ko, kaya wala na lamang akong sasabihin para hindi na madagdagan pa ang problema ko.
Sinipa ni Katrina ang mga bote sa tabi ko, "Ama naman! Talaga bang ako na lamang ang pababayaan mong mamahala rito?"
"Dapat naman talaga'y ikaw na ang namamahala ng lahat upang masanay ka na.."
"Ah, para mas may panahon kang magbulakbol at maghasik ng lagim at kung ano-anong katarantaduhan sa lupa. Aba! Daig ko pa ang nagpapalaki ng amang nagtatalubata ah! Ama naman! Kailangan ko ng tulong mo rito at puwede ba? Tantanan mo na ang mga taong wala namang kalaban-laban sa 'yo!"
"Bakit?" Halos hindi ko na mabigkas ang aking mga pananalita dahil sa labis na kalasingan, "pinatay rin naman ng mga hangal na taong 'yan ang walang kalaban-laban mong ina, 'di ba? Dapat lang sa kanila 'yon! Ang mautas nang walang kalaban-laban!"
"Si Ina na naman aba? Sakit sa ulo na siya noong buhay pa, pati ba naman sa kamatayan puro kabuwisitan pa rin ang dala niya sa atin? Kailangan ba talaga sa kanya umikot lagi ang buhay natin? Matalagal na siyang patay! Kailan mo ba tuluyang matatanggap na wala na siya at hindi na magbabalik pa. Nakapaghiganti ka na sa mga pumaslang sa kanya, ano pa ba ang gusto mo? Hanggang kailang ka ba magkakaganya—"
"Hanggang gusto ko!" Bulyaw ko sa mukha nito bago ako tuluyang mapaiyak, "magkakaganito ako hanggang sa gusto ko, narining mo ba?! At wala kang pakialam sa ginagawa ko tulad nang hindi ko na rin pakikialam sa pakikpagmabutihan mo kay Matias! Tingnan natin kung mas matatag ka sa 'kin kapag namatay na rin ang nobyo mong mortal! Hindi mo ba nakikita? Siya lang ang tumatanda sa inyong dalawa. Paano ka kapag wala na siya, ha? Ikaw, ang hirap sa 'yo, ako lang lagi ang nakikita mo. Ba't 'di mo rin tingnan at atupagin 'yang sarili mo?"
Ito na ang natigilan ngayo na wari'y nais na ring ngumalngal.
"Ang hirap sa 'yo," pagpapatuloy ko bagaman halos pumikit na ako sa labis na kalasingan, "mas inuuna mo ang angilan ako kaysa intindihin kung bakit hindi ako sang-ayon sa inyong dalawa. Ayoko lang na masaktan ka na tulad ko bagaman magkaiba ang ating sitwasyon. Mas masakit 'yung sa 'kin!" Hinataw ko ang dibdib ko at muling tumangis, "sobrang sakit dahil umasa akong na masasamahan ako ng iyong ina sa mahabang panahon kung hindi siya pinatay. Eh ikaw, siguro naman alam mo 'yang pinapasok mo. Siguro naman alam mo na maikli lamang ang buhay ng isang ordinaryong tao kahit na walang pumatay sa kanya kundi ang katandaan at pagkakasakit. Alam mong mamatay rin siya kaya wala kang kailangang asahang masasamahan ka niya hanggang dulo!"
Ngayon ay dalawa na kaming nakasalampak sa sahig. Pinagsaluhan namin ang pag-inom sa huling bote ng matapang na alak. Maya-maya pa'y lasing na rin ito...
Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.
"Bakit nga ba ang saklap ng buhay natin, Ama?" May halong paghikbi. "Paano na nga ba kami ni Matias?
"Kailangan mo ng suhestiyon ko para mas makasama mo si Matias ng matagal?"
"Bakit, may katinuan pa bang natitira diyan sa utak mo? Pero sige, Ama, pagbibigyan kita. Anong suhestiyon ba 'yan?"
"Dalawa lang. Una..." sisiray-siray akong nagpumilit tumayo upang sumandal sa nitso ni Senda, "ipakagat mo sa bampira. 'Yun nga lang, hindi na kayo maaaring maglampungan sa ilalim ng araw lalo do'n sa paboritong niyong dalampasigan! Ikalawa, palunukin mo ng sisiw ng Aswang. 'Yun nga lang dahil Aswang na s'ya, babaho na ang hininga niya!" Humalakhak ako, "hindi mo na kakayaning makipagtukaan mapuwera kung Aswang ka na rin." Pinalala ko ang paghalakhak ko nang mapansin kong nag-iisip ito nang malalim. At dahil sa paulit-ulit na pagtiklop ng mga tuhod ko'y muli na naman ako napasalampak sa sahig; sa dati kong puwesto.
"Wala ka talagang kuwentang kausap, Ama." Humagikhik ito, "isa kang ungas, Lucio Villaluz! Anak mo 'ko, 'di ba dapat mas iniisip mo ang kapakanan ko, 'tas ayos lang sa 'yo na ang mapangasawa ko'y bampira kundi aswang? Taragis na buhay oh-oh! Maiba tayo...ungas!" Muli itong humalakhak, "a-ano bang plano mo ro'n sa kamukha ni Ina? Bakit pinagbabantaan mo kung wala ka namang balak asawahin? Atsaka, bakit gusto mong ikaw ang kilalaning ama ng anak niya. Tanga ka ba? Kung sa 'yo kaya mangyari 'yon? Paano kung angkinin din ako ng ibang Ama bukod sa 'yo, gusto mo ba 'yon, ha?! Gusto mo ba 'yon?!"
"Bakit meron bang umaangkin sa 'yo?" nakangisi kong nilingon ito. "Sabihin mo lang para ibibigay na lang kita." Humalakhak ako, "pero baka pag nalaman niyang malakas kang kumain eh baka magbago rin ang isip."
Natawa ito, "Buwisit ka talaga Ama. Ba't 'yung mga ibang amang hari, alagang-alaga ang mga Prinsesa nila na tila babasaging kristal. Pero ikaw? Kung tratuhin mo 'ko eh basta na lang."
"Naiinggit ka sa mga 'yon na nagpapalaki ng mga lampa? Gusto mo bang maging lampa rin tulad ng mga anak na babae ni Lambino na mga pambayad utang lamang? Ganyan kita pinalaki dahil ang nais ko ay maging matapang at matatag ka. Hindi 'yang nakurot ka lang ng kaunti ay magngangawa ka na! Pero nakita mo, tama naman ang pagpapalaki ko sa 'yo 'di ba? Mas mabangis ka pa ngayon sa 'kin, kaya lahat ng mga nilalang dito, takot sa 'yo! 'Di ba?"
"Tsk. Oo na, oo na! Pero sagutin mo na lang muna kaya ang tanong ko bago magkalimutan. Anong plano mo kay Michelle at do'n sa anak niya?"
"Wala."
"Anong wala?
"Wala akong plano."
Humagikhik ito, "Ungas ka talaga Lucio Villaluz, ano 'yon napagkatuwaan mo lang na pamuhayin sa matinding takot sa 'yo? Tapos wala lang? Eh bakit gusto mong mapangasawa ng anak niya 'yung panganay na anak ni Helga, ha?"
Tumawa ako nang malakas, "wala din lang. Ayos ba? Ang sarap paglaruan ng mga gagong tao 'di ba?" Tuluyan na akong humalakhak, "nakakatawa kapag natataranta sila sa pag-iisip ng paraan upang takasan ka. Tumakbo pa sa Pransya sa sobrang takot. Tapos alam mo pa kung gaano kalala ang sapak ng ulo ng lukaret? Halos ibigay na niya ang buong buhay niya sa isang walang kuwentang lalake. Tapos, kaunting panunukso lang nahulog agad sa akin." Muli kong nilakasan ang paghakhak ko.
"Napakawalanghiya mo talaga, Ama. Isa kang alamat! Eh ano palang napala mo ro'n?"
"Kahit papa'no, naalala ko ang mukha ng Ina mo sa kanya. Ayokong makalimutan ang mukha ng iyong ina, 'yun lang 'yun. Pero hindi siya ang iyong ina. Napakalayo ng agwat, ha? Para sabihin ko sa 'yo, ang ina mo ang pinakamaganda, pinakamalambing, pinakamabait, pinakamarangal, pinakamapagmahal, at pinakamatapang na babaeng nakilala ko. Wala siyang katulad. Sa akin lamang niya ibinigay ang sarili niya at buong pagmamahal niya kahit ganito 'ko," animo'y batang nagsimula na naman akong mapaiyak, "iniligtas ka niya sa kapahamakan nang ikinulong ko siya sa aming Sangktuwaryo noong ipinagbubuntis ka pa lamang niya at siya ang nagbigay ng napakaganda mong pangalan, kaya ikaw, wala kang karapatang alipustain ang ina mo, naiintindihan mo ba? Naiintindihan ko kung bakit malayo ang loob mo sa kan'ya, pero huwag na huwag mo siyang babastusin kundi'y ako ang makakalaban mo! Kung hindi dahil sa kanya, wala ka rito para makipaglasingan sa ama mong ungas!"
"Alam mo ungas—este, Ama. Wala ako ni isang alaala sa Ina ko, ha? Kaya pagpapasensyahan mo na kung wala akong mahalukay na damdamin para sa kanya. Pero kung ako sa 'yo, itigil mo na 'yang katarantaduhan mo sa babaeng kamukha ni Ina, pati doon sa anak, at sa ama nito."
"Huwag mo nag akong pakialaman sa mga pantanggal inip ko?" sumenyas ako sa isa sa mga tagasilbing nakatayo sa di kalayuan. Lumapit naman ito agad, "ikuha mo pa nga kami ng alak. Pati unan at kumot para sa akin."
"Unan at kumot?" Nagtatakang tanong sa akin ni Katrina.
"Dito na ako matutulog, bakit?"
Sumenyas na rin ito sa tagasilbi, "ikuha mo na rin ako."
***
"Panginoon..." iminulat ko ang mga mata ko kaya agad na tumambad ang pabaligtad na mukha ni Patruska.
Nagulat ako kaya napabalikwas ako. Nasa musoleo pa rin kami at tulog na tulog pa rin si Katrina sa may paanan ko. Tiningnan ko ang paligid, naimis na rin pala ng mga kasamang kababaihan ni Patruska ng mga bote ng alak na nagkalat sa paligid.
"Dito na pala kayo nakatulog mag-ama." Anito, "nais niyo bang dito na rin namin kayo hatdan ng umagahan?"
Tumango ako, "sige. Pero unahin mo na muna ang kape, puwede?"
Sumenyas ito sa mga nakikinig na kababaihan sa amin na agad din namang umalis upang sumunod sa utos.
"Anong pakay mo?" nang mapansin kong tila sadyang nagpaiwan si Patruska.
"Narito kayong mag-ama buong gabi kaya marahil ay hindi mo pa nababalitaan."
"Ang alin?"
"Hindi ko alam kung paniniwalaan ko ito o hindi pero mas mabuti na rin na alam mo ang pinakabagong balitang kumakalat sa iba't-ibang kaharian ng mga Engkanto."
Masakit ang ulo ko kay medyo mabilis akong nairita, "ano nga?!"
"Marami raw ang nakasaksi na parang..."
"Ano sabi eh!" Binuyawan ko na ito kaya napabalikwas din si Katrina. Pupungas-pungas na bumangon ito nang paupo upang lulugo-lugong makinig sa amin.
"May mga nakakita raw kay Reyna Senda na nagpapaaraw sa mahiwagang hardin ng Mashuria kamakailan lang."
Pakiramdam ko'y humulas ang lahat ng sakit, antok, at inis na nararamdaman ko sa ulo ko. Nagkatinginan kami na Katrina at maging ito'y tila tuluyan nang nagising sa kanyang mga narinig.
"A-ano?" ang tanging namutawi sa bibig ko.
[ITUTULOY]