Senda's P.O.V.
"Sino po si Reyna Oksana?" tanong ko kay Nana Auring nang makauwi na kami sa bahay. Nakaupo kami sa sala. "Saang kaharian po siya Reyna?"
"Ah!" Natatawa ito, "hindi naman siya Reyna talaga kundi isang Doktora na bumibisita rito sa amin dati upang manggamot at mamigay ng libreng herbal at mga bitamina. Tinawag lamang namin siyang Reyna Oksana dahil kamukhang-kamukha niya si Oxana Federova."
"Oxana Federova? Sino po 'yun? Artista rin po ba?"
"Ano ka ba naman Rosing. Sikat na sikat na Reyna ng kagandahan 'yun pero hindi mo kilala? Miss Universe 'yun dati, kaso mo na-dethrone yata o nag-resign, ewan! Basta, 'yun ang kamukha niya kaya 'yun ang naging bansag ng mga taga-rito sa kanya, na ginaya na rin ng ibang baryo dahil wala silang originality."
"Ah...pero kung Doktora po siya bakit po niya kayo tinutulungan laban kay Lucio?"
Muli na naman itong napatawa, "pasensya ka na Rosing. Ang totoo niyan, hindi naman talaga siya Doktora. Doktora lang ang tawag namin sa kanya dahil sa sobrang ganda niya na parang ikaw rin, mala-diyosa ang ganda niya, parang hindi bagay na tawaging Albularya, kaya kung hindi Reyna Oksana ay Doktora ang tawag namin sa kanya. Pero mas gusto niyang tinatawag siyang Reyna Oksana dahil napapangiti siya kapag 'yun ang tawag namin sa kanya. Alam mo, teka, palagay ko ay may naitago akong group picture namin tatlong taon na ang nakalilipas. Sandali lang."
Agad nitong tinungo ang isa sa dalawang silid at sa pagbalik nito ay may hawak-hawak na itong isang litrato.
"O heto," tumabi ito sa akin upang ipakita ang isang group picture. "Ke liliit nga lang ng mga mukha namin dito dahil pinagkasya ang napakaraming tao dinayo siya rito sa baryo noong huli itong bumisita." Itinuro nito ang matangkad na babaeng nasa gitna na naging dahilan ng agaran kong pagkagimbal dahil hindi ako maaaring magkamali; si Ate Marietta ang nasa litratong iyon. "Miss na nga namin siya dahil may katagalan na noong huli siyang nagparito. Tulad ng sinabi ni Matias, biglang-bigla raw na hindi na lamang nagpapakita at 'yung utusan niyang si Alfonso na lamang ang lagi naming nakakausap kapag may nais kaming iparating sa kanya. Sumasagot naman siya at nagpapadala pa rin ng mga herbal at mga bitamina rito sa amin, pero masyado na raw siyang maraming ginagawa upang madalaw kami nang personal."
Parang alam ko na kung bakit hindi na nagpapakita si Ate Marietta sa mga ito. Nagbago kasi ang anyo nito simula ng maipanganak niya ang aking pamangkin, at wala itong kakayahang baguhin ang kanyang anyong anghel na may napakalaking ginintuang pakpak at maputlang balat upang magmukhang ordinaryong tao muli dahil ito raw ay sumpang galing sa langit na hindi kayang baliin at basagin ng ano mang uri ng karunungang hindi nagmumula sa DIYOS.
Hindi ko alam ang detalye kung bakit siya nagkaganoon bukod sa sinabi ni Luis na nagkagano'n din daw ang kanyang Lola—ang ina ng kanyang ina. Nangyayari raw iyon sa mga babaeng bumabasag sa diretsong linya ng mga panganay na lalaki sa kanilang angkan, kapag ang panganay nito ay isa muling babae na kung tawagin ay Tudlaan na tulad naman ng ina ni Luis. Ang Tudlaan daw ay marka ng bagong simula o ang bagong henerasyon na tuluyang magbubura ng apelyidong ginagamit ng dating henerasyon dahil sa makalawang pagbasag nito.
Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.
"Sa muling panggugulo ni Lucio rito," pagpapatuloy ni Nana Auring. Nakatingin ito kay Tata Pepe, "kailangang maiulat natin ito agad kay Reyna Oksana upang makapagpadala siya rito ng mga ispiritung tagabantay."
Napakunot-noo ako, "Ispiritung taga-bantay?"
"Mga Engkanto." Sagot ni Nana Auring, "at mga Santelmong nagpapaikot-ikot sa palibot. Hindi lamang kasi ito ordinaryong Albularya, may kapangyarihan din itong tumawid sa kabilang mundo tulad ng demonyong si Lucio. Kaya siya lamang talaga ang alam naming makapagliligtas sa amin laban sa hari ng kadiliman! S'ya lamang ang pag-asa natin laban sa mga Aswang, Maligno, Itim na Engkanto, at iba pang mga halimaw ni Lucio! Ewan ko ba, kung bakit may likas na masasamang nilalang tulad ni Satanas at ng Lucio na 'yan. Ang problema, hindi naman sila namamatay. Ang puwede lang siguro ay ang sunugin sila sa impiyerno...."
Nagsasalita pa si Nana Auring nang unti-unti akong nakaramdam ng paninikip sa aking dibdib. Dahil bagaman masama pa rin ang loob ko kay Luis ay hindi ko pa rin maatim na ganito na kasama ang tingin ng mga hindi nakakakilala sa tunay niyang katauhan. Ngayon ko na lang din unti-unting nararamdaman ang tindi ng kapit at paniniwala ng mga tao kay ate Marietta. Mga taong walang kamalay-malay sa panlilinlang sa kanila ng isang nilalang na nagpapanggap na mabuti, upang mapaikot nito ang mga inosenteng tao laban sa isa pang inosenteng nilalang.
***
Dalawang araw makalipas ang naganap na pagsugod ng mga Aswang sa isla ay nagtipon-tipon ang mga tao sa harapan ng kubol sa may dalampasigan; abot tanaw lamang ito mula sa bintana ng kubo nina Tata Pepe kaya kahit hindi ako kabilang sa mga tao, ay natatanaw at naririnig ko pa rin ang mga ito. Pinamumunuan ito ni Matias at ilan pang kalalakihang kasamahan nito. Nagkakagulo ang mga tao sa napakarami na palang magkakahiwalay na insidente ng pagsugod ng mga Aswang sa isla. Karamihan sa mga ito ay si Lucio ang itinuturong salarin kahit na wala naman silang matibay na ebidensya.
Bigla tuloy akong nakaramdam ng pagkahabag sa aking kabiyak. Sigurado akong wala siyang kinalaman sa alinman sa mga ito, ngunit paano ko ba lalabanan ang napakaraming taong ito? Paano ko kaya sasabihin sa kanila na mali ang pinagbibintangan nila. Paano ko ba mapatutunayan na ang halos dini-diyos na nilang Reyna Oksanang nagpapanggap na mabuti sa kanila, ay siya ring naghahasik ng lagim sa kanila upang si Lucio ang mapagbintangan, at upang siya ang umangat na bida at kanilang tagapagligtas.
Paano ko ba lalabanan ang kasinungalingang ito na hindi ko naipapahamak ang aking sarili at ang dinadala ko. Ano bang puwede kong gawin? Ano?!
"Naniniwala ba kayo sa sinasabi ng mga tao?" sabi ni Intoy sa aming tatlo. Lahat kasi kami ay nakatanghod lamang sa bintana. "Na si Lucio ang may pakana ng lahat ng ito?"
Napatingin kami sa binatilyo.
"Anong ibig mong sabihin?" tanong ni Nana Auring.
"Kung mag-iisip tayong mabuti...'yung talagang mag-iisip na walang pagkiling sa sinasabi ng iba," sagot nito, "parang may mali eh."
"Paanong may mali?" si Nana Auring pa rin.
"Bakit po kapag nagpupunta si Lucio rito, ang ulat na lagi raw nitong sinasabi ay, 'Tandaan niyong lahat ang mukha at pangalan ko. Ako si Lucio! Ang hari ng kadiliman! Papatayin ko ang kahit sinong kumalaban sa akin. Gagahasain ko ang inyong mga babae. Kakamkamin ko ang inyong mga ari-arian. Dudukutin ko ang inyong mga birhen—' at kung ano-ano pa."
"O, eh ano ba ang ibig mong sabihin?" tanong ni Nana Auring. "Anong sinasabi mong parang may mali?"
"Di po ba kung ang isang taong may sariling pag-iisip ang makakarinig noon, ang unang maiisip nito eh, 'napakatanga naman ng kriminal na ito. Saan ka nakatala ng magnanakaw na magpapakilala muna at magpapaalam sa mga pagnanakawan bago siya magnakaw?'"
Mukhang napaisip ang dalawang matanda habang ako naman ay palihim na natutuwa kay Intoy. Mabuti pa siya, kahit bata pa ay may sarili nang pag-iisip at paninindigan. Meron pa kayang ibang mga tulad niya sa islang ito?
"Kunsabagay." Sabi ni Nana Auring, "oo nga ano? Bakit nga kaya gano'n? Pero baka naman nais lamang niyang sumikat."
Napailing si Intoy, "Lola, kung si Satanas nga eh nagpapasikat para magmukha siyang mabuti sa mata ng mga tao (1), eh bakit naman sasadyaing sirain ni Lucio ang kanyang sariling imahe?"
Hindi man nagsasalita si Tata Pepe ay tumatango naman ito at nag-iisip nang malalim tungkol sa tinuran ng kanyang apo. Sa tuwa ko naman ay nginitian ko ang binatilyo at hinaplos ang buhok nito.
"Bigla ko lang naalala noong una kong nakita si Lucio." Biglang wika ni Tata Pepe, "binata pa ako noon. At ang karanasan kong iyon ang nag-iisang pinanghahawakan kong ebidensya na dating mabuti si Lucio at 'yun ay kung totoo nga na ganito na siya kasama ngayon. Nangingisda ako kasama ng aking Ama. Tuwang-tuwa kami dahil napakarami naming huli nang bigla na lamang kaming inatake nang isang katerbang manananggal. Tumilapon ang aming bangka kasama na ang aming pinaghirapang hulihin upang maibenta para sa pagpapagamot sa aking Ina. Gamuntik na rin kaming malunod kung hindi niya kami iniligtas at pinasakay sa kanyang barko. At nang nalaman niyang nawala lahat ang huli namin, tinanong niya kami kung magkano ang halaga ng nawala naming huli at babayaran na lamang niya kami. Ngunit sa halip na sabihin ng aking Ama ang presyo ay napahagulhol ito at sinabing 'hindi ko po alam kung magkano kaya kahit magkano na lamang po para sa gamot ng aking maybahay.' Pero alam niyo ba ang ginawa ni Lucio? Binigyan niya kami ng malaking halaga, hindi lamang para sa gamot, kundi para na rin sa pagpapa-ospital sa aking ina. Halagang alam namin na hindi namin kiktain kahit na isang linggo pa kaming mangisda araw-araw."
Lumuwag-luwag na ang pakiramdam ko sa narinig ko, dahil 'yun ang kilala kong totoong Lucio. Ang maawain, matulungin, at mapagbigay na nilalang; at masaya akong marinig na gano'n na pala talaga siya bago pa man ako naipanganak sa mundo.
"Bakit parang hindi mo yata naikwento sa akin 'yan?" si Nana Auring sa kanyang Asawa.
"Eh paano ko naman ikukuwento sa 'yo kung alam ko na mapapahamak lamang tayo dahil sa kadaldalan mo? Alam mo namang kapag hindi ka nakikampi sa mga tao rito, pag-iisipan ka agad ng masama at paghihinalaan pa ng kung ano-ano. Pero ngayong alam mo na, eh huwag mo namang ikuwento agad sa mga taga rito kung ayaw mong matulad tayo sa mga Barrientos."
"Sino po ang mga Barrientos Lolo?" si Intoy sa kanyang Lolo.
"Isang pamilya 'yun na dating nakatira rito," paglalahad ni Tata Pepe, "wala namang sinabi ang padre de pamilya ng mga ito kundi 'hindi masama si Lucio,' sa harapan ni Reyna Oksana. 'Yun lang ang sinabi niya at wala nang iba pero sapat na 'yun para sunugin ang kanilang bahay upang tuluyan na silang mapaalis dito. Kaya ikaw—"muling pagbaling nito kay Nana Auring, "huwag na huwag mong maikukuwento kahit kanino ang istoryang sinabi ko kung ayaw mong mapalayas tayo rito sa sarili nating lupa at pamamahay."
[ITUTULOY]
Footnote
(1) 2 Corinthians 11:14