Senda's P.O.V.
"Mawalang galang na po, Panginoon, Boss, Amo..." wika ni David kay Luis, habang ang huli ay naka-upo na sa sahig ng attic. Sabu-sabunot nito ang sariling buhok upang pakalmahin ang sarili sa matinding galit. Hindi pa rin umaalis ang hindi mabilang na mga Aswang na Tik-Tik, sa labas. "Sa palagay ko po ay hindi na maganda ang idinudulot ang inyong pagsasawalang-bahala sa pagdungis ni Marietta sa inyong kredibiladad at pangalan. Batid po namin na wala po kayong pakialam sa inyong imahe kaya mas pinpili niyo ang manahimik, pero sa kasamaang palad ay nakikita ito ng iyong mga kalaban at ginagamit nila ang pagkakataong ito upang patuloy kayong siraan sa inyong mga ka-alyado sa labas ng kaharian, na walang pinangangambahang ganti mula sa inyo. Mukhang sinasadya ni Marietta ito bilang kanyang pamamaraan upang mapalaki niya ang kanyang hukbo laban sa 'yo. 'Wag po sana kayong magagalit pero 'yan ang naririnig kong madalas na usap-usapan sa Edenus. Nababahala na ang marami sa kanila dahil sa tuwing napapadalaw daw sila sa mga kamag-anak nilang naninirahan sa lupa, mas madalas na galit na galit daw ang mga ito sa 'yo dahil daw sa diumano'y panggugulo mo sa kanilang mga teritoryo at ang pagpaslang sa mga ayaw sumunod sa 'yo."
Hindi nagsasalita si Luis ngunit sa wari ko'y nakikinig naman ito.
"Pero paanong nangyari na si Luis mismo ang nakikita nilang gumagawa ng mga karumaldumal na bagay na ito?" Tanong ko kay David at Marikit.
"Marami pong uri ng Maligno ang may gano'ng kakayahan," sagot sa akin ni Marikit. "Mayro'n nga rin pong uri ng Aswang na kayang gumaya ng anyo ng ibang nilalang. Mukhang iyan po ang dahilan kung bakit nagpupursigi si Marietta na makuha ang suporta ng mga Maligno at Aswang na may kakayahang manggaya ng anyo. Nais niyang siraan ang Panginoong Lucio sa mga nilalang na hindi nakatira sa Edenus, upang sa kanya kumampi ang mga ito."
Sumasakit na rin ang ulo ko sa mga narinig ko, "wala bang paraan para kontrahin ang kakayahang ito."
"Meron naman po, kung may pangontra sa taga-bulag ang mga nililinlang nila maaari po itong salungatin, pero hindi po lahat ay mayro'ng kakayahang umatikha ng pangontra. Makokontra ito nang paisa-isa at kanya-kanya, pero hindi sa pangkalahatan kaya napakahirap hadlangan ito dahil mas nakararami po sa mga nilalang—tulad sa mga tao, ang mabilis mapaniwala."
"Ano kayang puwede nating gawin?" Sabi ko. "Kung makakalapit lang sana ako kay Ate Marietta para malaman ko kung ano ang mga pinaplano niya. Luis," pagbaling ko kay Luis na mukhang nahuhulasan na ng panginginig sa galit, "ano kaya kung puntahan ko si Ate Marietta. M-magkukunwari akong n-nagkagalit tayo. N-na hindi ko matanggap na ikaw si Lucio. K-kunwari kakampi ako sa kanya para malaman ko kahit papa'no ang kanyang mga susunod na hakbang—"
"Utang na loob Senda," pagputol ni Luis sa aking pagsasalita, "wala akong balak na idamay ka sa lahat ng kaguluhang ito. Labas ka sa problemang ito at mas matutulungan mo ako kung hindi ka makikialam. Pabayaan mo na ang mga bagay na ito sa akin. Ako ang gagawa ng paraan para masolusyunan ang problemang ito. At tama ka naman sa sinabi mo David, kailangan ko na talagang pagtuunan ng pansin ang mga nangyayari sa mga teritoryo ng mga nilalang na naninirahan sa labas ng Edenus dahil matagal-tagal ko na rin nga silang napapabayaan dahil sa kagustuhan ko na makapamuhay sila ng tahimik at walang pangamba na pakikisawsawan ko sila. Ang problema, heto, may nakikialam din naman pala sa kanila na nagpapanggap na ako."
Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.
"Ano po ang pinaplano niyong gawin?" tanong ni David dito.
"Mukhang kailangan ko nang muling mag-ikot at bumisita nang personal sa iba't ibang teritoryo ng aking mga alyado sa labas ng Edenus. Sa ngayon, kakausapin ko lang muna itong mga nilalang sa labas." Kalmadong sagot ni Luis, "para malaman ko kung anong eksaktong nangyari sa kanila. Senda," pagbaling nito sa akin, "tulungan mo akong magbudbod ng asin at pinulbos na bawang sa palibot nitong bahay bago ako lumabas. Gusto kong masiguro na hindi nila kayo papasukin dito sa paglabas ko. David...Marikit," pagbaling nito sa magkasintahan, kaunting tiis lang. Alam kong medyo sasama ang pakiramdam niyo at manghihina dahil sa mga ibubudbod namin ni Senda. Iwasan niyo na lamang ang mga gilid at sulok ng bahay para hindi ninyo malanghap ito hangang sa magbukang-liwayway. Wawalisin na lamang namin ang mga 'yan bago tuluyang sumikat ang araw bukas."
***
Natatakot man akong silipin at pakinggan ang nagyayari sa labas, pero hindi ko napigilan ang sarili ko. Nangiginig ang mga tuhod ko kaya mas minabuti ko nang magdala ng silya upang maupuan ko sa tabi ng bintana sa may salas.
Sa harapan ng bahay lumabas si Luis. Wala itong bitbit kundi isang pares ng buntot-pagi na nakasuksok sa likod na bewang ng kanyang pantalon na naikubli naman ng kanyang itim na sando. Tila may tambol sa loob ng aking dibdib nang matanaw kong pinalilibutan na siya ng mga nakakatakot na nilalang, dahil bagaman alam ko na hindi nila mapapatay si Luis ay batid ko rin namang maaari pa rin nilang saktan ito sa puntong mas mahihirapan itong magpagaling. Ayokong makitang nasasaktan at nasusugatan si Luis. Ayokong makitang muli 'yung pinsalang ginawa sa kanya ng aking ama. Ayokong makitang nagdurusa siya at paulit-ulit na nasasaktan at nasusugatan sa mga kasalanang hindi naman niya ginawa.
Pakiramdam ko'y nakakalimutan ko ang paghinga nang magsimula na ang kanilang pagtatalastasan. Narinig kong pinabulaanan ni Luis na siya ang nanggulo at nang-agrabyado sa kanilang pook. Ngunit kahit anong pagtanggi at paliwanag ni Luis ay tila hindi bumababa ang emosyon ng mga nabiktima ng trahedya. Napakasakit din naman kung tutuusin ang nangyari sa kanila dahil puros daw mga inosente ang pinatay daw diumano ni Luis. Napakarami raw sanggol at batang aswang ang pinugutan sa harapan mismo ng kanilang mga ina, mga kalalakihang pinahirapan at unti-unting pinatay sa harapan mismo ng kanilang mga esposa, mga babaeng pinagahasa sa mga Maligno at Aswang—na mga kawal at mandirigma raw diumano ni Luis, at ang pag-utos daw diumano ni Lucio sa kanila na mambiktima ng mga taga-lupa dahil hindi na raw diumano niya ipinagbabawal ang pagkatay at pagkain ng tao. Inutusan din daw diumano ni Lucio ang kanilang mga kalalakihan upang mandukot ng mga babaeng tao, upang dalhin sa lugar na kung tawagin ay Rukerium upang magsilbing palahian ng mga Aswang."
Tuluyan na akong napaluha sa matinding takot nang halos sabay-sabay nilang kinuyog si Luis. Kahit na ang karamihan sa kanila'y tumatalsik at sugatan dahil sa natural na husay ni Luis sa pakikidigma, ay mayroon siyang natatamong mga kalmot at kagat sa iba't ibang parte ng kanyang mukha at katawan. Wala akong magawa kundi ang mag-antanda, umiyak at magdasal sa DIYOS AMA.
"PANGINOONG YAHWEH, tulungan niyo po sana ang aking kabiyak. Batid ko pong siya ay nagkasala at nanatiling malayo ang kalooban niya sa INYO sa mga kadahilanang hindi arok ng aking pang-unawa. Ngunit KAYO po, PANGINOON ang tagapagtanggol ng mga naaapi at may pinakamalawak na pang-unawa at awa na higit kaninuman. Kaawaan niyo po sana si Luis dahil wala po siyang kinalaman sa mga ibinibintang sa kaniya. Pakinggan NIYO po sana ang aking panalangin sa pamamagitan ng ESPIRITU SANTO, at sa ngalan ng INYONG ANAK na si HESUKRISTO na aming tagapagligtas, siyanawa...." paulit-ulit kong sambit dahil wala na akong maisip na iba pang sasabihin sa labis na takot at pangamba. Hindi na maawat ang pagtulo ng mga luha ko dahil nakikita ko na naman na nasasaktan si Luis.
Sa ika-labindalawang ulit kong pagbigkas ng panalangin ay natanaw kong bumagsak na si Luis sa lupa sa labis na hirap at pagod sa hindi mabilang na kalabang hindi humihinto sa pagsugod sa kanya nang halos sabay-sabay. Halos maligo na rin ito sa sariling dugo dahil sa dami ng kalmot, hiwa at kagat na kanyang tinamo. Muling babangon sana ito nang may biglang may napakaliwanag na tila bulalakaw ang pumatak mismo sa ulo ni nito. Dahil doo'y bumagsak itong walang malay sa lupa. Napasinghap ako sa gulat lalo na nang biglang kumalat ang liwanag mula sa kinalalagyan ni Luis. Nasunog hanggang sa maabo ang bawat Aswang na matamaan ng liwanag. Kasamang naabo yaong mga napatay na ni Luis na nakahandusay sa lupa. Agad namang nagsitakbuhan at nagsiliparan papalayo ang mga Tik-Tik na hindi pa nadadampian ng liwanag.
Napanganga ako nang ang liwanag na iyon ay naghugis na isang malaking tao na may malaking pakpak. Yumuko muna ang maliwanag na nilalang na iyon upang tingnan ang nakahandusay na si Luis. Lumingon din muna ito sa aking kinaroroonan bago ito tuluyang naglaho.
****
"Palagay ko'y isang anghel," sabi ko kay Luis habang nililinis namin ni Marikit ang kanyang mga sugat; nakahiga ito sa sopa sa salas, "ang ipinadala ng PANGINOON upang iligtas ka."
"Tsss." Nakangising reaksyon ni Luis, "baka naman namalikmata ka lang. Wala akong nakitang liwanag."
"Wala ka nga sigurong nakita dahil nawalan ka ng malay." Sabi ko. "Pero kitang-kita ko Luis. Isa itong higanteng maliwanag na may malaking pakpak. Sinunog niya ang lahat ng mga Aswang sa paligid—buhay man o 'yung mga nakahandusay sa lupa. Lumingon pa nga ito sa akin eh. Kaya kita mo nga, marami kang napatay na Aswang pero linis na linis ang hardin. Ni walang bangkay kahit isa."
"Huwag na nating pagtalunan ito Senda dahil bilang mahal kita, iginagalang ko ang mga nais mong paniwalaan. Kahit na ang paniniwala mo riyan sa DIYOS mo. Ngunit huwag mo naman sanang ipilit ito sa akin dahil pag-aawayan lang natin 'yan." Napapangibit ito sa paglanggas namin sa malalalim na kalmot na kanyang tinamo.
Ngumuso ako sa pagkadismaya, "hmp. Bahala ka na nga. Basta alam ko ang nakita ko at hindi ako namamalik-mata. Nagdadasal ako sa KANYA nang dumating ang anghel na 'yun kaya sigurado ako na SIYA ang nagpadala sa anghel na 'yun para tulungan ka."
[ITUTULOY]