The Legion [ ongoing ]

By oyaoyaoyassilem

2.5K 193 34

[ TALE #2 ] Sasapit na naman ang halalan sa Haered, muli na namang nagsilabasan ang mga taong nais makamtan a... More

Tales in Evernight
Simula
Kabanata 1
Kabanata 2
Kabanata 3
Kabanata 4
Kabanata 5
Kabanata 6
Kabanata 7
Kabanata 8
Kabanata 9
Kabanata 10
Kabanata 11
Kabanata 12
Kabanata 13
Kabanata 14
Kabanata 15
Kabanata 16
Kabanata 17
Kabanata 18
Kabanata 19

Kabanata 20

93 8 1
By oyaoyaoyassilem

"Kung sakali man po na mag-iba ang isip ninyo tungkol sa paghiwalay ng Hilaga sa Haered, narito po ang aking mga plano upang muling ibuklod ang Hilaga sa Sentro." Pinupulong ngayon ni Laura ang mga may-ari ng kamalig kasama na rin ang namamahala sa nayon na ito.

Mula sa malayo ay pinagmamasdan ko ang kanilang ginagawa. Hindi ko narinig ang mga inilahad niya sa mga taga-Ardleby kahapon kaya naman ay pumuwesto ako malapit sa mga kinakausap ngayon ni Laura.

Binuksan niya ang kustal na nasa tabi niya at inilabas ang isang tumpok ng papel. Ibinahagi niya ang mga ito sa mga nakapalibot sa kaniya.

"Hindi naman po lingid sa ating mga kaalaman na ang Hilagang Haered ay mayabong pagdating sa agrikultura. Gayon pa man, patuloy pa rin sa pag-angkat ng produkto galing sa Evernight ang pamahalaan. Una, dahil sa hindi magandang ugnayan ng Dunhall sa mga taga-Hilaga. Pangalawa, isa ito sa paraan ng mga nakatataas upang itago ang katiwalian," panimula niya.

"Ang Hilaga ay may iba't ibang nayon kung saan iba-iba rin ang pinagtutuonan ng kanilang pansin. Kaya dapat lamang na taasan ang ibibigay sa Hilaga na kanilang laang-gugulin."

"Tama," pagsang-ayon ni Tagapamahalang Falck. "Kung hindi naman pala nila kami bibigyan ng parte sa kaban ng bayan kahit na patuloy pa rin sila sa pagsingil ng buwis sa amin, dapat ay payagan na nila kaming humiwalay sa kanila."

Napangisi ako. Maski nga kaming mga taga-Sentro mismo ay hindi maramdaman ang buwis na ibinabayad namin sa kanila. Puwersahan nila kaming pinagbabayad ngunit hindi naman namin makita kung para saan ba talaga ito dahil mula noon hanggang ngayon ay walang nagbago sa Haered. Lumala lamang ang kasamaan.

"Sayang ang maaaring iambag ng Hilaga pagdating sa seguridad ng pagkain at hanapbuhay kung hindi ito magiging isa sa mga prayoridad ng pamahalaan."

"Ngunit, binibini, matanong ko lamang. Kung ikaw ang mananalo, papayagan mo ba ang Hilaga na humiwalay sa Haered?" Isa sa mga mamamayan ang nagtanong niyon.

"Kung makapaglalahad naman ang mga pinuno ng Hilaga ng sapat na dahilan at maayos na plano kung paano sisimulan ang pagpapatakbo rito, bakit hindi? Ngunit sa kabilang banda, hindi lamang ako ang magdedesisyon sa parte na iyon. May iba pang magiging miyembro ng Konseho at siyempre, kailangang malaman natin ang opinyon ng iba pang mga mamamayan dito," sagot ni Laura na ilang beses na nagpatango sa akin.

"Kung sakali man na humiwalay nga ang Hilaga sa Haered, ano na ang gagawin mo upang maitaguyod ang seguridad sa pagkain? Hindi naman maaaring umasa ka lamang sa ibang isla." May isa pa ulit na nagtanong.

"Mayroong mga sakahan sa Sentro na maaaring palaguin, imbes na gamitin ang espasyo para sa mga gusaling makasisira lamang ng kalikasan. Ang Haered din ay napalilibutan ng katubigan kaya hindi magiging problema ang mga pagkaing-dagat. Bukod pa roon, maaaring magtaguyod ng ugnayan sa humiwalay na Hilaga, pati na rin sa Evernight."

Maraming napasingap sa huli niyang sinabi. Maski ako ay napakunot din ng aking noo.

Balak niya ring itaguyod ang ugnayan ng Haered at Evernight?

"Hindi ko naman po hahayaang mahawakan ng Evernight ang Haered. Hiwalay na estado tayo sa kanila at kailangan natin na malinaw na maiparating ito. Ngunit wala pang papel o kahit na anong kasunduan na nagsasabing hiwalay na ang Haered sa Evernight kaya naman ay dapat nang asikasuhin ito."

"Paanong wala pang papel? Eh kaya nga hindi maaaring mangialam ang mga taga-Evernight dito, hindi ba? Kaya nga rin nagiging takbuhan ng mga kriminal itong isla," pahayag ng isa sa mga nakikinig.

"Kakaunti lamang ang may alam ng katotohanan na iyon. Nangingialam ang Evernight sa mga nangyayari rito sa isla ngunit palihim lamang at malayo sa mga mata ng nakatataas dito. Pinag-aralan namin ito roon sa paaralan na pinanggalingan ko," paliwanag niya. "Hinahayaan ng mga namumuno sa Evernight na magtago ang mga kriminal dito sapagkat ito na rin ang nagsisilbing kulungan nila. Kumbaga, ang turing nila sa lugar na ito ay isang malaking bilangguan... at impyerno."

"Bakit wala silang ginagawa kapag may mga pinapadalang taga-Evernight dito sa isla?" Napatayo ako sa aking kinauupuan at nagtanong. "Kung nagsisilbing kulungan ang Haered para sa mga kriminal, bakit nila hinahayaan na mapadpad ang mga inosente rito?"

"Sapagkat may gawin man sila, kapag nalaman ng mga mamamayan ng Haered ito ay siguradong sila mismo ang magpapaalis sa mga nais tumulong. Kaya nga palihim lamang sila kung kumilos. Ang mga nanlalabang mga mamamayan din ang dahilan kung bakit hindi nila makayanang kontrolin ang Haered."

Sinalubong ko ang kaniyang tingin at ilang segundo kaming nagkatitigan. Nang inialis ko na ang aking tingin mula sa kaniya ay tumikhim siya.

"Mayroon pa bang ibang mga katanungan?" Iniba na niya ang kaniyang paksa. Samantalang ako naman ay umalis na roon.

Pumunta ako sa kamalig na malapit sa pasukan ng nayon. Ipinatong ko ang aking siko sa bakod at pinagmasdan ang mga hayop.

"Totoo ang sinabi ni Laura na tumutulong ang mga nakatataas sa Evernight dito sa Haered." Hindi ko tinapunan ng tingin si Aurel na tumabi sa akin. "Hindi lamang nila maaaring ipahalata ito dahil magkakaroon ng gulo sa pagitan ng Haered at Evernight."

"Paano ka naman nakasisiguro riyan? Porket ba naging maayos lang ang buhay mo sa Evernight ay pupurihin mo na sila? Mapalad ka dahil ang pamilyang umampon sa iyo ay may kaya," komento ko.

May kinuha siya sa kaniyang bulsa.

Isang panyo.

Sa unang titingin ay aakalain mong simpleng panyo lamang ito. Ngunit kung titingnan nang maigi ay may burda ito na hindi ganoong halata. Habang tumatagal ay malinaw ko itong nakikita at nabuo ang isang kumpas.

Ipinagtagpo ko ang aking noo dahil hindi ko mawari kung ano ang nais niyang iparating.

"Traveler's Guild." Mas lalo akong naguluhan sa sinabi niya. "Mga manlalakbay na pinapadala ng Hari upang mamasid at kumilos sa lugar na hindi nila kayang matulungan agad."

"Kung mayroon naman palang ganoon, bakit hindi ko man lang naramdaman ang presensiya nila nang mga panahon na hinahanap ko ang tulong ng mga ito?"

"Dahil mga manlalakbay pa rin ang iba sa amin. Nabubuhay pa rin ang mga ito sa salapi kaya madali silang nasisilaw nito. At saka hindi ba ang mismong Punong Tagapamahala ng lugar ninyo noon ang siyang tiwali?"

Nanlaki ang aking mga mata. Paano niya nalaman iyon? Maski nga si Manang Zora ay hindi alam kung ano ang lahat ng nangyari sa akin bago ako mapadpad sa Haered, eh. Kahit sa mga kasamahan ko sa Lehiyon, wala rin akong pinagsabihan tungkol dito.

Saan niya nakuha ang impormasyon na ito? Sa sinasabi niya kayang Traveler's Guild? Gaano kalawak ang saklaw ng samahan na iyon at tila alam yata ang buong buhay ko.

"May listahan ang Evernight ng mga taga-Haered, at alam din nila ang mga dinadala rito upang pagkakitaan. Alam din nila ang mga yumao rito, Kalista Archard."

Hindi agad ako nakakilos dahil sa kaniyang sinambit.

Ilang taon na mula nang huli kong marinig ang aking buong pangalan. Inalis ko sa aking pagkakakilanlan ang apelyido namin dahil sa tuwing napapakinggan ko ito ay bumabalik sa aking alaala ang saya ng aming pamilya bago kami datnan ng trahedya.

Akala ko ay hindi ko na maririnig pa ito. Hindi ko inaasahan na sa kinarami-raming mga nilalang na nakasalamuha ko ay sa estranghero na kailan ko lang nakilala pa muling magmumula ito.

Agad ko siyang sinunggaban sa kaniyang kuwelyo at idiniin sa bakod.

"Paano mo nalaman ang apelyido ko? Ano ang alam mo tungkol sa akin?" Ibinulong ko ito sa kaniyang tainga ngunit matalim ang pagkakasabi ko nito. Masama rin ang titig na ibinigay ko sa kaniya.

Sinubukan niyang manlaban ngunit hinigpitan ko lamang ang aking pagkakahawak sa kaniya.

"Sinabi ko naman sa iyo. May listahan sila ng mga nilalang na taga-Evernight na dinadala ng mga sindikato rito upang pagkakitaan. Ano ang alam ko tungkol sa iyo? Marami..." Mula sa diretsong pagtanaw sa kalangitan ay ibinaba niya ang kaniyang tingin papunta sa akin. "Sapat na upang malaman ko na ikaw ang pumatay kay Ramas, sa mga magulang ni Morgan, at kamakailan lamang ay kay Teller."

"Hindi ako ang pumatay sa kanila, ang Lehiyon ang gumawa niyon," sambit ko. Inalis ko ang pagkakahawak sa kaniya at tinalikuran na siya bago pa man may makakita sa amin.

"Maliban na lamang kung kasapi ka rin nito, hindi ba? Ilang ulit mo mang itanggi, alam ko na ang totoo. Hindi ko na kailangan pa ng tulong ng iba upang mahagilap ang impormasyon na kasama ka nila," aniya. "Dahil mula nang unang magtama ang ating mga tingin noong gabi na iyon ay hindi na mawala sa isip ko ang luntian mong mga mata--pati na rin ang awa, lungkot, at poot na nakadungaw habang pinagmamasdan mo ang mga walang kalaban-labang naghihirap sa paligid mo."

Kinailangan kong humigit ng isang malalim na hininga sa kaniyang sinambit. Napailing na lamang ako at akma na sana siyang iiwan doon nang muli na naman itong nagsalita.

"Huwag mong sasabihin kay Laura ang tungkol sa pagiging kasapi ko ng Traveler's Guild pati na rin ang misyon na mayroon ako rito. Kapalit nito ay hindi ko rin sasabihin kay Manang Zora ang lihim mo," bigkas niya.

Itinaas ko ang aking kamao na nakataas ang hintuturo samantalang nakayukom naman ang mga natitira bilang sagot sa kaniya.

Pumasok ako sa kubo na tinutuluyan namin dito sa Fairhill kung saan nakatambay ang magkapatid na duwende. Mahimbing na natutulog iyong mas bata, samantalang iyong nakatatanda naman ay taimtim na nananalangin sa bintana.

Humiga ako sa bakanteng kama na nasa kabilang banda ng magkapatid at napapikit. Muli kong naisip ang aking pamilya at ang mga nalaman ko ngayon.

Kung naagapan lang sana ng mga namamahala ng Evernight ang katiwalian ni Ramas, baka sakaling kasama ko pa ang pamilya ko ngayon.

Kung totoo man na tinutulungan nila ang mga dinadala rito sa Haered ay bakit hindi ko naramdaman ang presensiya ng mga ito noong labis kong kailangan ang kanilang tulong?

Mas lalo lamang lumaki ang galit ko sa mga namumuno ng Evernight. Pasalamat sila dahil wala akong laban sa mga magice na mayroon sila. Dahil kung kaya kong tapatan iyon ay matagal ko na silang tuluyang hinimlay.

Ilang taon na ang lumipas at nangungulila pa rin ako sa aking pamilya. Ilang taon na ang lumipas ngunit nais ko pa rin silang makasama. Ilang taon na ang lumipas ngunit wala pa ring nagbago--malinaw pa rin sa aking isipan ang mga alaala namin na tila kahapon lamang nangyari.

"Ayos ka lamang ba? Tila may binulong ang hangin at nagsabi sa akin na mabigat ang loob mo."

Dahan-dahan kong iminulat ang nagtutubig kong mga mata. Sumalubong sa akin ang maamong imahe ni Ethelia na banayad na nakangiti sa akin.

"Oo, ayos lamang ako. May naalala lamang," sagot ko sa kaniya.

"Isang mapait na nakaraan? Isang alaala na mahirap balikan?" Tumango ako sa kaniya. "At ang tanging ginawa mo lamang dito ay takbuhan at iwasan? Ibinaon sa limot kaya naman nang may muling nag-ungkat ay nag-umapaw ang mga emosyon na mayroon ka rito?"

Hindi ako nakaimik sapagkat natumpok niya ang nangyayari sa akin. Ibinaon ko sa limot ang mga nangyari noon, hindi ko na muli pang inisip ito dahil nais kong ituon ang aking atensiyon sa kasalukuyan.

"Siguro ay dapat mo nang harapin ito. Baka hindi mo pa talaga tuluyang tinatanggap ang nangyari. Kailangan mong aminin sa sarili mo na nangyari na iyon, binibini. Upang makausad ka, kailangang iwanan mo muna ang bagahe ng nakaraan."

Napatitig lamang ako sa kaniya habang iniintindi ang kaniyang mga sinambit.

Iwanan ang bagahe ng nakaraan? Tanggapin na tapos na ang nangyari? Harapin ang alaala na dumadalaw sa akin?

Mukhang tama siya. Hindi ko na dapat iwasan at piliting kalimutan ang nangyari sa akin. Nangyari na iyon at parte na lamang ng buhay ko, malaking parte ng buhay ko. Kailangan kong gamitin ang mga alaala na ito upang ipagpatuloy ang ginagawa ko ngayon.

Kailangan ko nang bitiwan ang sakit nito upang hindi na ako muling magambala pa, at ang tanging paraan lamang ay ang pagyakap ko sa alaalang ito.

Continue Reading

You'll Also Like

5M 178K 18
Erityian Tribes Novellas, Book #1 || As the war ended, another problem has arisen.
3.9M 133K 27
Isang misyon, isang hindi inaasahang pagtatagpo at isang pagkamamali na magiging dahilan ng pagbabago ng plano. Paano maitutuwid ang isang pagkakama...
577K 15.7K 61
Do you know how to love a Devil? If you wanna know, I'll show you you how to do. Do Not Look At His Eyes, If You Do... ...
14.7M 325K 48
Her name is Monique Lee Gomez Samonte, a rich girl who was sent back by her parents to the Philippines because of her bad attitude. She's a war freak...