Lucio's P.O.V.
Hindi ko na mapigilan ang init ng ulo ko habang lumalapit ako sa pinakahuling pintuan. Minumura ka na si Patruska at ang lahat ng mga miyembro ng aking hukbo na pumaparoon habang halinhinan kong sinisipa ang bawat pader tuwing makakailang hakbang ako.
Sa pinakahuling pintuan ay muli kong inilapat ang tenga ko at tila tumigil ang aking paghinga nang mabosesan ko si Senda na nagsasalita nang tila may kausap at pagkatapos ay umuungol rin ito na tila mayroon itong katalik.
"Anak ng–" nanginginig na itikom ko ang makabila kong kamay. Tumunghay na ako at humarap nang diretso sa pintuan. Hindi ko na kayang pigilan ang galit ko kaya walang pasabing sinipa ko ang pinto na agad namang nabuwal sa unang sipa ko pa lamang.
Sumalubong sa akin ang sindak na sindak na mukha ng hindi mabilang na mga babae. Ang lahat ng mga ito ay nakatingin sa akin.
"S-sarangay..." pabulong na wika ng babaeng nasa pinakaunahan.
Mabilis kong iniikot ang mga mata ko, ngunit hindi ko naman makita ni anino ni Senda sa loob.
"Sinong babae 'yung umuungol dito kanina!" Bahagya kong iniba ang boses ko.
Sandali munang natahimik ang mga babae na tila nagpapakiramdaman bago may isang babae na naglakas-loob na tutukan ako ng sibat sa leeg, "anong ginagawa mo rito, ha?" Sabi nito sa akin. "At anong pakialam mo kung sino man ang umuungol dito? Sino ka ba? Ba't ngayon ka lang namin nakita rito? Alam mo bang bawal humingi ng serbisyo rito kung walang pahintulot ni Kapitang Bebeng?!"
"Kapitang Bebeng?" sa isipan ko. Ang tinutukoy nila ay ang punong kinatawan ng mga Tikbalang. "Siya pala ang may pakana ng lahat ng kabastusan sa kutang ito. Sinasabi ko na nga ba at hindi ko mapapagkatiwalaan ang Tikbalang na iyon."
"Hindi naman araw ng serbisyo para sa mga Sarangay ngayong araw na 'to ah!" Sabi naman ng isa pa sa mga babae.
"Aha, at may nakatokang araw pa pala ang mga walanghiya!"
"At dahil hindi mo alam ang patakaran, siguradong hindi aprubado ni Kapitang Bebeng ang pagpunta mo rito kaya lumayas ka rito!" Sigaw ng isang babaeng nagmumula sa bandang likuran. "Layas!" Nagsimula nang umabante ang mga babae kaya napapaatras na rin ako. "Layas!" Sabay-sabay na sila sa pagsigaw habang isa-isa na ring dumadampot ng sibat ang bawat isa sa mga ito.
Masyado silang marami at armado kaya wala na akong nagawa kundi kumaripas ng takbo. Hinabol nila ako habang nagsisihiyawan tulad ng mga mandirigmang umaabante sa digmaan. Hirap na hirap akong tumakbo ng nakamaskara kung kaya nang makalayo-layo na ako sa bandang gitna ng laberinto ay hinubad ko na ang aking maskara at itinapon ito sa malayo. Inayos ko muna ang aking sarili bago ako tumayo nang paharap sa mga humahabol sa akin. Sinadya ko silang hintayin upang salubungin ng matatalim na tingin.
Tulad ng aking inaasahan, nagulat silang lahat nang makita nila akong nakatayo roon. Hindi pa man sila nakakalapit sa akin ay huminto na ang mga ito at saka ipinagtatapon ang kanilang mga sibat.
"Ang Panginoong Lucio." Bulong-bulungan ng mga ito. Bakas sa mukha ng mga ito ang pangamba at pag-aalala.
"Anong kaguluhan ito?!" Napaiktad ang mga ito sa pagbulyaw ko.
"M-may hinahabol po kaming S-sarangay." Sagot ng isa sa mga ito, "Nambulabog po kasi sa amin."
"Nambubulabog nga ba?!" Umiiktad sila sa bawat diin ng aking pananalita, "o kayo ang mga may ginagawang kababalaghan dito?! Nasaan si Patruska?!"
"Wala po siya rito. N-naroon po siya sa batalan. Inaayos po ang pagliliguan ng–"
"Sino ang nagbigay ng pahintulot sa inyo na gawing kuta ng kabastusan ang bahaging ito ng aking palasyo?!"
Hindi makapagsalita ang mga ito,
"Magsasalita ba kayo o ipadadala ko kayong lahat sa balon!"
"N-naku, Panginoon, 'wag po." Mangiyak-ngiyak ang mga ito. "Hindi naman po namin ginusto ito, napilitan lamang po kami." Paglalakas-loob ng isa sa mga babae, "ang sabi po kasi ni Kapitang Bebeng sa amin, kapag hindi raw po kami pumayag na magbigay ng aliw at magpagamit sa mga mandirigmang pinipili niyo, palalayasin niyo raw po kami rito sa isla at ipapatapon sa balong walang hanggan."
"Pinipili ko?!" dahil hindi ko alam na ako pa pala raw ang namimili ng mga kalalakihang nais magparaos doon.
"O-opo." Umiiyak na sagot ng isa. "Kayo raw po ang nag-utos noon kay Kapitang Bebeng."
"Anak ng put–" muli na naman akong naginig sa galit dahil mukhang may mapupugutan na naman akong ng ulo.
*****
Senda's P.O.V
"A-anong nangyari rito." Tanong ni Patruska sa mga kababaihang isa-isa nang bumabalik sa silid. Kagagaling lamang kasi nito sa batalan upang ihanda ang aking pagliliguan.
"Hay naku, pinunong Patruska." Sabi ng isa sa mga ito,"una, may isang Sarangay na basta na lamang winasak itong pintuan habang nagsasanay kami rito ng mahal na prinsesa."
"Akala mo kung sino kung magtanong!" Pagsabat naman ng isa, "kesyo sino raw 'yung umuungol dito sa loob. Aba, eh pakialam ba niya kung sino man ang umuungol dito sa loob! Mabuti na lamang at natakluban namin ang mahal na prinsesa."
Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.
"Sino sa mga Sarangay?" tanong ni Patruska sa mga ito.
"'Yun pa nga po ang isa sa mga problema," sagot ng isa, "hindi namin ito kilala. Ngayon lamang namin ito nakita."
"Mukhang hindi rin ito awtorisado ni Kapitang Bebeng, dahil wari'y hindi nito alam na hindi naman nangtutungo rito ang mga Sarangay tuwing Martes at Huwebes, kaya hayun, hinabol namin ng sibat!"
Tumango si Patruska, "eh 'di mabuti." Tumabi ito sa akin upang pahiran ang likuran ko ng kung ano-anong ipinapahid nito sa balat ko upang gumanda at kuminis ito.
"Eh...pinuno, hindi rin po mabuti," nakakatinginan ang mga babae. "Meron po tayong mas mabigat na problema."
"Ano?"
"Habang hinahabol po namin 'yung Sarangay, nakasalubong po namin ang..." muling nagtinginan ang mga ito.
"Ang?!"
"Ang Panginoong Lucio."
Ngumiti si Patruska, "oh, eh wala namang problema kung pumunta rito ang Panginoon, 'di ba? Mabuti nga at sa kauna-unahang pagkakataon ay dinadalaw niya tayo rito."
"'Yun na nga po ang problema, pinunong Patruska."
"Anong ibig mong sabihin? Anong problema."
"M-mukha pong niloko tayo ni Kapitang Bebeng. Mukhang hindi naman po alam ng Panginoong Lucio ang mga ipinagagawa sa atin ni Kapitang Bebeng dito."
"H-Ha?" huminto ito sa pagpagpapahid sa likod ko.
"Hindi po totoong inituos ng Panginoong Lucio ang pagpapagamit sa amin. G-galit na galit po siya kaya ipaguutos raw po niya na bubuwagin na niya ang ating samahan at ipatitibag na rin niya itong ating tirahan." Mangiyak-ngiyak na ito.
"Pinunong Patruska." Sabay-sabay na wika ng mga babae bago sila tuluyang humagulhol, "paano na po tayo? Saan po tayo dadalhin?"
"Ayaw po naming mapunta sa balong walang hanggan..."
Hindi na mapakapagsalita si Patruska. Nabalot na rin ito ng matinding panlulumo.
"T-teka nga sandali." Pagsingit ko, "bakit kayo ang parurusahan eh kayo nga ang biktima rito?"
Isa-isang nagsitunghay ang mga ito sa akin.
"Kung nagoyo lang kayo ng Bebeng na 'yun? Bebeng ba?" Tumango naman ang ilan sa mga babae, "ba't 'di 'yung Bebeng na lang ang parusahan niya, bakit pati kayo? Kayo ang tinakot hindi ba? Kayo rin ang ginamit? Eh dapat nga, dahil tatanga-tanga siyang hari, eh bigyan pa niya kayo isa-isa ng danyos sa perwisyong ginawa sa inyo ng mga manyakis niyang alipores!"
Gulat na gulat na napatingin sa akin si Patruska, "w-wala kaming magagawa Senda kung hindi ganyan ang nasa isip niya." Nanliligid na rin ang luha nito. "Dayo lamang kami sa kahariang ito kaya wala kaming karapatan magreklamo at humingi ng kahit ano."
"Ahh, hindi." Bumaba na ako sa kinauupuan kong kama at tumayo sa harapan nilang lahat, "ako ang kakausap sa hari niyong 'yan kung natatakot kayo. Hindi uubra sa akin ang katangahan niya kung kayo pa ang paparusahan niya eh samanatalang wala naman kayong inisip dito kundi ang paglingkuran siya?"
"Huwag, Senda." Ani Inay Maria, "mapanganib magalit si Panginoong Lucio. Baka buhay mo ang maging kapalit kapag ginawa mo 'yan."
"Eh 'di patayin pa niya ako kung gusto niya!" Mariin kong wika, "hindi ako natatakot sa mga tanga 'no! Kung hindi niya kayang aminin ang mga pagkakamali niya sa inyo, itaga niyo sa bato, isasampal ko muna sa pagmumukha niya ang mga kawalanghiyaan niya at ng mga tauhan niya, bago ako bumagsak sa lupa."
[ITUTULOY]