CHAPTER 22

352 32 1
                                    

MIRABELLA

"Ang popogi naman ng anak at apo ko. Manang-mana sa tatay."

Tinitingnan ni Itay ang mga litrato mula sa chess match ni Krome. Nanalo ito ngunit nakasabit kay Donat ang medalya. Ngayon lang ako nagkaroon ng oras na dumalaw kay Itay dahil sa dami ng inaasikaso ko.

Hindi ko pinaalam kay Itay kung sino ang ama ni Donat dahil alam ko ang magiging reaksyon niya. Noong sinabi ko sa kanya na buntis ako ay wala itong nasabi dahil sa hagulgol niya. Dinala pa ito sa clinic dahil hindi siya makahinga kaya pinili ko na huwag nalang sabihin sa kanya.

"Mukhang tumaba po ata kayo. Iniinom niyo na iyong mga vitamins na binigay ko?"

"Oo, anak. Paminsan-minsan ay hinahatian ko rin ang mga kakosa ko. Para alam mo na, protektado ang itay mo," sagot niya ngunit nasa mga litrato pa rin ang kanyang atensyon.

"Ayos lang, itay. Heto nga at dinalhan ulit kita ng nga grocery mo."

"Salamat, anak. Hindi naman ba ito nakagipit sa iyo? Kasi alam mo, kumikita naman ako kahit papano rito dahil sa paglilinis ng mga kubeta. Walang kaso iyon sa akin."

"Okay lang, itay. Si Kuya Marvin ba, kumusta na? Dinalaw na ba siya ng pamilya niya?"

Nilagay nito sa bulsa ang litrato nang marinig ang tanong ko. Si Kuya Marvin ay kakosa ni Itay na katulad niya ay napagbintangan din. Halos magkaedad sila ni Itay at dahil mas matagal na sa kulungan si Kuya Marvin ay ito ang pumoprotekta kay Itay.

"Nako, anak. Iyon pala ang ibabalita ko sa iyo. Iyong asawa niya ay sumama na sa nakilala niya sa pesbuk."

"Talaga? Eh, hindi ba, mga bata pa ang mga anak niya?"

"Oo. Sampung taong gulang ang pinakamatanda."

"Sino na ang nag-aalaga sa kanila ngayon?"

"Kinupkop ata ng kapatid niya. Tiyuhin ng mga bata. Pero ang balita ko, abusado raw iyon at masama ang ugali. Nag-aalala siya kasi aalilain lang daw niyon ang mga anak niya."

"Kawawa naman. Ano ang plano niya?"

"Hindi ko alam. Pero kapag nalaman ko, babalitaan kita."

"Ang chismoso naman ng itay ko."

Inabot nito ang kamay ko at pinisil iyon. Nakangiti ito ngunit may bahid ng lungkot ang mga mata. "Nagpapakabuti ako rito, anak. Para naman mabigyan ako ng parole at makasama ko kayo."

"Darating din tayo diyan, itay. Ang mahalaga ngayon ay huwag kayong magkasakit." Hinalungkat ko ang paper bag upang isa-isa iyong ipakita kay Itay. "Naglagay ako ng abaniko, bimpo, at tatlong sando. Apat na abaniko iyon sakaling gusto mo na mag-negosyo."

"Haha! Oo nga. Salamat, mira, anak."

"Kung pwede lang sana kitang dalhan ng electric fan, itay."

"Ayos lang ito. Hindi naman ako pumunta sa kulungan para magbakasyon." Nakangiti nitong sabi at kinamot ang likod ng ulo. Alam kong ngumingiti lang ito sa kabila ng dinaranas sa kulungan. "Hala, sige, matatapos na ang oras ng bisita. Baka abutan ka pa ng ulan, mabuti na ikaw ay makauwi na."

"I love you, 'tay."

"Mahal din kita, anak. Palagi kang mag-iingat at huwag mong papabayaan si Donat at Krome."

Alas-dos na ako nakauwi at naabutan ko si Krome na nakikipaglaro kay Donat. Hinihipan nito ang binili na bubble stick samantalang si Donat naman ay hinahabol ang mga bubbles. Masarap sa pandinig ang tawa ng dalawa.

"Ang behave naman ng mga alaga ko."

Tumingin sa akin si Krome. "Ate, kumusta na si Itay?"

"Tumataba si Itay. Heto nga at may sulat siya ulit sa iyo. Tuwang-tuwa siya sa mga litrato mo."

ULTERIOR MOTIVE (ONGOING)Where stories live. Discover now