18. Escondite

127 10 5
                                    

"Lairus, dumaan ako kanina sa coffee shop. Matagal na palang sarado iyon. Bakit hindi mo sinabi sa amin? Saan ka nagtatrabaho ngayon?" nakapamewang na bungad ni lola pagkarating ko sa bahay. Nasa may pinto siya at mukhang inaabangan talaga ang pag-uwi ko.

"Pasensiya na po kung hindi ko nasabi. Huwag po kayong mag-alala. May bago na po akong trabaho, at mas malaki pa ang sweldo." Tumawa ako at kinuha ang kanyang kamay para magmano.

"Dapat ay sinabi mo sa amin. Kung hindi pa ako napadaan doon ay hindi ko pa malalaman." Ngumiti lang ako at hinawakan ang braso niya papasok sa loob. "Saan ka nagtatrabaho ngayon?"

"Sa isang kompanya po," sagot ko habang tinatanggal ang suot na sapatos.

"Kaya pala laging pormal ang suot mo. Ano ang posisyon mo roon?"

"Secretary po." Sumandal ako sa sofa at inilagay ang dalawang kamay sa likod ng ulo ko.

"Aba, mabuti. Hindi ka ba pinapahirapan doon?" sunod niyang tanong. 'Yung itsura niya ngayon, handang manapak kapag sinabi kong pinapahirapan ako.

"Hindi naman po, lola. Sa katunayan nga po ay wala akong masyadong ginagawa."

"Pasensiya ka na, apo." Umupo si lola sa tabi ko. "Dahil sa pagpapagamot ko, naubos ang ipon ng mga magulang niyo na para sana sa pag-aaral at kinabukasan niyo," aniya sa malungkot na tono.

Umayos ako ng upo at ipinalibot ang isang braso sa balikat niya. "Ano ka ba, La? Huwag niyo na pong isipin 'yon. Ang mahalaga, nakakakain tayo ng tatlong beses sa isang araw. May bonus pang merienda at midnight snack minsan." Nagtawanan kami sa sinabi ko.

"Manang-mana ka talaga sa ama mo! Mapagbiro at masipag na bata." Pinisil niya ang pisngi ko.

Tinanggal ko ang pagkakaakbay sa kanya at hindi makapaniwalang tinuro ang sarili. "Ako, bata? Lola naman, malaki na ako. Kayang-kaya ko na nga gumawa ng bata," pagbibiro ko.

"Ano ba 'yang lumalabas sa bibig mo?" Tinampal ni lola ang braso ko. "'Saka ka na gumawa ng bata kapag may ipon ka na."

"Alam ko naman po 'yon. At saka, paano po ako magkakaroon ng anak? Wala pa nga po akong nobya," sabi ko dahilan para matawa siya.

"Oo nga, apo. Bakit nga ba wala ka pang nobya hanggang ngayon? Nasa tamang edad ka na. Hindi naman kita pinagbabawalan."

"Hindi pa rin po dumarating 'yung babaeng magpapabilis sa tibok ng puso ko." Madrama kong hinawakan ang dibdib ko.

"Puro ka talaga kalokohan." Natatawa ulit akong hinampas sa braso bago siya tumayo. "Magbihis ka na at magluluto na ako ng ulam natin para sa hapunan. Isabay mo na ang dalawa mong kapatid sa pagbaba."

"Sige po." Tumayo ako at umakyat sa taas.

Maingay ang kwarto nila Lairelle kaya sumilip muna ako. Pareho silang kumakanta at sumasayaw ni Laira sa hindi ko maintindihang lengguwahe. Korean ata 'yon. Gamit ni Lairelle ang cellphone niyang tumutunog bilang mic at suklay naman ang kay Laira.

Tumikhim ako ng malakas kaya naagaw ko ang atensyon nila. Nakangiting lumapit sa 'kin si Laira at yumakap. Yumuko ako para pantayan siya.

"Ang galing naman ng baby namin," sambit ko pagkatapos ng yakap.

"Thank you, kuya!" masaya niyang sambit.

"Mas magaling ka pa kay Ate Lairelle mo." Binalingan namin ang kapatid na umiirap. "Sige ka, baka humangin." Humagikhik si Laira sa tabi ko at tinakpan ang bibig nang mapansin ni Lairelle.

"Baby, akala ko ba kampi tayo?" parang bata niyang tanong kay Laira.

"Kampi po tayo. Pati po si kuya," nakangiting sabi ni Laira.

She Who Must Not Be NamedWhere stories live. Discover now