"Ingat ka . . . Macy," ani Amber habang diretsong nakatingin kay Macy na nagtatanggal ng apron. Hindi niya inalis ang tingin sa ka-trabaho hanggang sa tuluyan itong makalabas ng coffee shop.

Walang customer ngayon. Mahina talaga ang coffee shop tuwing gabi ng weekends dahil walang estudyante at government officials.

Kinuha ko ang hindi pa gamit na apron sa gilid at isinuot ito bago pumasok sa loob ng counter upang doon maghintay ng customers. Habang si Amber naman ay wala sa sariling lumapit sa lagayan ng mga apron. Hindi ko alam kung ano bang gumugulo sa isipan niya.

Maya-maya pa ay tumunog ang chimes na nasa pintuan at mapapatayo na sana ako dahil inakala kong customer ito ngunit si Macy pala.

"Naiwan ko pala 'yung ukelele ko, hehe . . ." aniya at mabilis na naglakad patungo sa isang sulok malapit sa counter. Naroon ang lagayan ng ukelele, kulay itim. I wonder kung bakit may dala siyang ukelele? Kumakanta ba siya rito para sa mga customers for additional income?

Nang madampot ay agad na isinukbit sa balikat at halos hindi na tumingin sa amin. Tumama pa nga ang noo n'ya sa chimes dahilan para magbuhol ito pero hindi man lang n'ya inayos.

Hmm, baka may gig s'ya pagkatapos sa coffee shop kaya nagmamadali.

Napatingin ako kay Amber nang hubarin niya ang apron na kasusuot lang. Nakatingin siya sa pintuang nilabasan ni Macy.

"Airen, ikaw muna rito ha?" aniya sa nagmamadaling tono. Hindi inaalis ang tingin sa pintuang salamin.

"Ha? Bakit? May problema ba—?" hindi ko na natapos ang aking tanong nang patakbo siya lumabas ng pintuan. Sumabit pa ang kulot niyang buhok sa chimes ngunit agad niya itong naalis. Kitang-kita sa glass wall na tumakbo siya patungo sa gawing pinuntahan ni Macy. Madilim pero sapat na ang mga ilaw ng sasakyan para makita ko ang natataranta niyang ekspresyon habang sinusundan ang ka-trabaho.

What the hell is wrong with her?

Ipinagkibit-balikat ko na lamang iyon lalo na nang sunod-sunod na ang pumasok na customer. Wala akong katulong dahil hindi pa bumabalik si Amber kaya doble-doble ang trabaho ko ngayon at kailangan mas mabilis ang kilos.

"Espresso Americano . . ."

Nag-angat ako ng tingin sa customer. Narito ako sa counter at pinili kong magtawag na lang ng pangalan at huwag munang mag-serve per table dahil hindi talaga kakayanin ng oras ko.

Bahagya akong nagulat nang bumungad sa akin ang mukha ni Alice. Dati na siyang matangkad kumpara sa akin ngunit mas lalo pa siyang tumangkad ngayon dahil sa suot na stilleto. Naka-red fitted dress at maroon lipstick. Nakalugay ang buhok na kinulot.

Hindi ko pa rin nakakalimutan ang trato niya sa amin noong huli kaming nagpunta sa bahay niya para sana balaan siya. Gayunpaman ay hindi na ako nagkomento at hinanda na lamang ang kaniyang order. Nang makuha niya iyon ay sakto namang tumunog muli ang chimes. Sabay pa kaming napalingon ni Alice sa bagong dating at nangunot ang noo ko nang makitang si Amber iyon. Basa ang buhok na tingin ko ay dahil sa pawis. Namumutla rin. Pero kahit ganoon ay agad niyang isinuot ang apron at panay pa ang sorry dahil sa biglaan niyang pag-alis.

"Teka, bakit mo sinusunog dito sa loob? Bakit ba?" sunod-sunod kong tanong nang pumasok siya sa counter at dumiretso sa kusina. Pagbalik niya ay may dala na siyang lighter at sinusunog sa sahig na naka-tiles ang tribal handkerchief niya na kulay puti. Nakaupo lang siya roon habang hinihintay na tuluyan itong matupok ng apoy.

Aalis na sana ako sa kaniyang likuran upang maghintay ng panibagong customer nang makita ko ang kulay pulang bagay sa sahig, sa tapat ng kaniyang pang-upo. Dahan-dahan ko iyong kinuha at mukhang hindi naman niya napansin.

RESETTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon