Chapter 3

276 161 73
                                    

               Dedicated to jemiahskie

Si Francyn ang isa ko pang kaibigan maliban kay Shiela. Mabait siya, mapagbigay at masayang kasama.
Sila ang lagi kong kasama. Lagi kaming nagtutulungan at nagkaka-unawaan sa lahat.

Kami nila Shiela at Francyn ang magkakaibigan simula nang kami ay mga bata pa lamang. Hindi ko nga malilimutan na hindi talaga kami nag-iwanan sa kahit anumang problema. Maliban na lang noong nangaroling kami at mayroong aso kaya kahit sabihin ko mang walang iwanan. Kapag mayroong aso sa daanan hindi matutupad ang kasunduan, dahil sari-sarili nang takbo kahit saan.

Nagdaan ang mga panahon hanggang sa high school na kaming tatlo at magkakasama pa rin kami.

Maging ngayon nga ay college na kami.
Wala pa ring hiwalayan at iwanan.

"Matulog na tayo, para maaga tayong magising bukas at may pasok pa," suhestiyon ko sa kanila.

Inaantok na rin kasi ako at ayaw ko na ituloy pa ang usapan namin kanina.

"Tara na nga, antok na rin ako kanina pa," sabi naman ni Shiela habang humihikab pa at nag-iinat.

"Sige, mauna na kayo at susunod na lang ako. May gagawin pa ako," sabi naman ni Francyn, sabay kuha sa kaniyang phone at nagtipa rito.

"Bahala ka riyan, matutulog na kami," paalam naman ni Shiela kay Francyn at pumasok na sa kuwarto.

"Hello! Good evening, matutulog ka na ba?" dinig kong tanong ni Francyn sa kausap niya sa phone, habang ako ay papunta na sa kuwarto kung saan nauna na si Shiela.

Nakita kong nakahiga na nga agad ang kaibigan ko sa puwesto niya at mahimbing nang natutulog. Halata talagang inaantok na.

Dalawa ang double deck dito sa kuwarto naming tatlo. Ang isa ay sa aming dalawa ni Shiela. Siya ang nasa ibaba at ako naman ang nasa itaas na parte ng double deck.

Samantalang si Francyn lang mag-isa roon sa kabilang double deck. Ganoon din naman talaga ang gusto niyang mangyari.

Kaya pala ayaw niya pang matulog at susunod na lang daw siya.

May gagawin pa raw siya. Tatawagan lang pala ang pinakamamahal kong ex. Mali pala erase, erase...Pinakamamahal niyang boyfriend na dati kong boyfriend.

Napakahalaga nga naman talaga nang gagawin niyang iyon.

Parang kailan lang ganoon din ang kadalasan kong ginagawa.
Gawain ko 'yan noon, ngunit siya na ang may gawain ngayon. Kay bilis nga naman talagang maglaho ng panahon.

"O kay bilis namang maglaho ng pag-ibig mo sinta," pagkanta ko, nang maalala ko ang isang kanta.

"Kanina'y nariyan lang, o ba't bigla nalang nawala?" patuloy ko pa rin sa pagkanta, habang nakapikit na sa ngayon at mas ninanamnam ang kahulugan ng liriko.

Naiintindihan ko ang kahulugan ng kantang iyan, dahil gan'yan na gan'yan ang napagdaanan ko.

Bigla na lamang naglaho ang pag-ibig niya sa akin at bigla na lamang umibig sa iba.

Hindi nga iba...sa kaibigan ko pa.

Parang kailan lang, ngunit bigla na lang nawala. Biglang na lamang naglaho na parang bula.

Masakit isipin, mahirap tanggapin.
Ngunit ano pa bang magagawa ko?

Isipin ko man nang paulit-ulit.
Masasaktan din ako nang paulit-ulit.
Kahit kailan ay 'di na mawawaglit.
Ang dinanas kong sakit.

Pilit ko mang tanggapin.
Mahirap pa ring gawin.
Kay hirap pilitin.
Na pasunurin ang damdamin.

Pinilit ko na lamang itulog ang lahat.
Kaysa isipin na hindi ako sapat.

Umaasa na sa pagtulog ko, mawala na siya sa isipan ko.

Kahit sa panaginip lamang, sana ay wala siya sa aking isipan.

Hindi kasi iyon mangyayari sa totoong buhay, sa reyalidad, kapag nakamulat ang aking mga mata, dahil paggising ko pa lamang siya na agad ang nasa isipan.

Sa sobrang dami kong iniisip, hindi ko namalayang nakatulog na rin pala ako.

Nagising ako ng madaling-araw, dahil sa isang panaginip at naroon na naman siya. Nakakainis na talaga.

Masaya kaming dalawa na nag-uusap, habang kumakain sa isang restaurant.

Napakasaya ko, dahil kasama ko siya.
Lagi naman akong masaya basta't nand'yan siya at lagi kong kasama.

Ang lahat ng araw, para sa akin ay espesyal, nang dahil sa kanya. Para sa iba ay normal lamang o simpleng araw lamang. Ngunit kapag magkasama na kami ang lahat ay nagiging espesyal para sa aming dalawa.

"Damihan mo naman 'yong kain mo, mangangayayat ka n'yan lalo, ang payat mo na nga," pang-aasar niya pa sa akin nang mapansing kaunti lang ang kinakain ko.

"Ganito naman kasi talaga ako kumain, hayaan mo na," sabi ko naman sa kaniya.

"Huwag ka na mahiya, basta magpakabusog ka," bilin niya naman sa akin.

"S'yempre naman, ikaw rin," sabi ko sa kaniya.

Ngumiti naman siya sa akin at bigla na lamang unti-unting nawala siya sa aking paningin.

Doon na ako nagising mula sa aking panaginip. Kaya naman pala ganoon ang nangyari, dahil panaginip lang ang lahat. Kaya bigla na lamang siyang naglaho sa aking paningin.

Matapos kong tingnan ang oras na alas-tres pa lang ng madaling araw, humiga ulit ako. Pinagmasdan ko naman ang ngayong mahimbing nang natutulog na si Francyn. Napansin ko pang nakangiti siya habang natutulog. Siya na masaya.

Gan'yan din ako noon. Palaging nakangiti kahit siguro tulog nakangiti pa rin. Kahit bagsak na nakangiti pa rin. Kahit may problema,vnakukuha ko pa ring ngumiti.

Ang lahat nang pagngiti na iyon ay dahil sa kaniya na ngayon ay nawala na, kasabay nang pagkawala ng relasyon naming dalawa.

Bakit ba naiisip ko na naman ang mga nangyari noon?

Naiinis na talaga ako sa sarili ko at hindi ko malimut-limot iyon.

Kapag may napansin ako kay Francyn, naikukumpara ko ang sarili ko sa kaniya. Ang mga naranasan ko noon, ang mga naramdaman ko, at lalong-lalo na ang kasiyahan ko.

Mahirap talagang makalimot. Napakahirap.

Lumipas na ang dalawang taon magmula nang magkahiwalay kami.

Dalawang taon, na kung tutuusin ay kay bilis lamang. Ngunit parang kay tagal para sa akin. Sa tingin ko nga ay dalawampung-taon na ang lumipas. Halos sa paglipas kasi ng isang araw ang daming nangyayari. Ngunit paulit-ulit lamang ang naganap sa buhay ko.

Paulit-ulit lamang akong umiyak.
Umiyak ako nang umiyak.
Walang katapusang pag-iyak.
Akala ko nga walang katapusan.
Mayroon naman pala, dahil isang araw bigla na lamang akong nahinto sa pag-iyak. Maging ako ay nagulat, gustuhin ko mang umiyak pa at mailabas lahat ng luha sa aking mga mata, ngunit wala na. Kahit ang luha pala nauubos din, hindi habambuhay nand'yan kahit gustuhin mo man. Gustuhin ko mang umiyak pa nang tuluyan upang mawala ang sakit na nararamdaman, ngunit wala ng luha na nagbabadya.

Ito na siguro ang kasagutan na matagal ko ng pinakahihintay at sa wakas ay nasagot na nang tuluyan ang aking katanungan.

Kailan? Kailan matatapos ang aking pagluha? Kailan matatapos ang patuloy kong pag-asa sa taong alam kong hindi na babalik pa, dahil masaya na sa iba?

Napakasaya ko sa araw na ito.
Ang araw kung saan wala na akong luha. Wala ng luhang nagbabadya.

Bigla na lamang akong napangiti, nang mapagtanto ko na ito na ang pinakahihintay ko.

Kasagutan na...kapag natapos na ang aking pagluha, tatanggapin ko ng wala ng pag-asa na ang dati ay maibalik pa, dahil alam kong masaya na siya, masaya na siya sa iba. Iyon nga lang sa kaibigan ko pa.

Pipilitin kong maging masaya para sa kanila. Dapat akong maging masaya, dahil mahal ko siya at kaibigan ko ang sa ngayon ay minamahal niya.

Kakayanin kong maging masaya para sa kanila.

Magiging masaya ako para sa kanila.






Behind Her SadnessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon