Chapter 48

8 0 0
                                    

Mula sa malungkot na mga ala-ala, naging maayos na rin naman ang usapan namin ni Sir Salvi.

Patuloy na nagkuwentuhan, habang hindi pa natatapos ang movie. Napahinto lamang kami sa pag-uusap, nang nakita kong lumabas sa kuwarto si Shiela. Napansin kong matamlay ito, pilit lamang na ngumiti, sapagkat napatingin siya sa aming panauhin ngayon.

"Hello Shiela, do you still remember me?" natatawang tanong ni Sir Salvi sa kaniya.

"Of course, Sir. Good evening!" bati ng aking kaibigan, muli ay pinilit niyang ngumiti.

Tinanguan lamang siya ni Sir Salvi, nang magpaalam itong pupunta muna sa kusina.

Hindi pa rin tapos sa ngayon ang aming pinanonood na palabas, ngunit nakita kong tumayo na ang aking kausap.

"Mauuna na ako Glare, salamat!" pagpapaalam sa akin nito.

"Walang anuman, Sir," sagot ko naman at iginiya na siya palabas ng aming apartment.

Ngumiti siya sa akin at tumango, bago tuluyang umalis.

Pumasok na rin naman agad ako, dumiretso sa kusina upang makainom ng tubig. Nakita ko namang magkausap ang dalawa kong kaibigan.

Tinapos ko na lamang panoorin ang kaninang hindi pa tapos na movie. Nang dinapuan ng antok ay nagpatuloy na ako sa kuwarto, upang makatulog na.

Masyadong naging mahaba ang araw na ito para sa akin. Ang daming ganap at pangyayari na hindi ko inaasahan, hangad ko na lamang ang makatulog ako nang mahimbing.

Napatingin naman ako sa aking phone, nakita ko kasing mayroong notification. Mukhang may nagmessage, nakita kong mula ito sa taong pinag-uusapan pa lamang namin kanina.

Someone: Mag-uusap pa tayong muli.

Hindi ko na iyon pinansin, wala na akong balak na makipag-usap pang muli sa kaniya. Sa tingin ko naman ay wala naman na kaming dapat na pag-usapan pa.

Itinulog ko na muna ang isiping iyon. Masyadong nauubos ang aking oras sa pag-iisip, kaya naman mas mabuti pang ipahinga ko na muna ang isipan.

Nanibago ako sa paglipas ng mga araw. Nasanay kasi akong maingay parati ang loob ng apartment sa kabubunganga ni Shiela. Ngunit, mukhang wala yata siyang gana mag-ingay nitong nakaraan.

Hindi ko naman na piniling tanungin kung anong nangyari sa kaniya, dahil nakakapanibago talaga. Baka may problema lamang ito, ngunit kung mayroon naman ay alam kong magsasabi siya sa akin. Baka tungkol lamang sa pamilya, sana nga.

"Uy! Tulala ka riyan," biglang pansin sa akin ni Cris, isang umaga kung kailan oras ng aming recess.

Napangiti tuloy ako sa kaniya at umiling na lamang, natutuwa ako dahil lumapit pa talaga siya, upang matingnan ang lagay ko. Halata pala masyado na tulala ako.

Pinagmasdan ko lamang siya, laking pasasalamat ko rin na nariyan siya parati. Naaalala ko tuloy sa kaniya ang aking kuya na mapang-asar, at sa pagkakataon naman na seryoso siya, nagiging isa siyang mabuting taga-payo o matalik na kaibigan sa akin.

Lalo pa tuloy akong napangiti sa iniisip ko tungkol sa kaniya.

"Thank you," pasasalamat ko sa kaniya, mahina lamang ang naging boses ko, sapat lamang upang marinig niya.

"Ano?" tanong niya pa, tila naguguluhan. Hindi naman yata nakikinig sa akin nang maayos.

"Thank you, cute mo sana hina lang ng pandinig mo," natatawa ko pang sinabi sa kaniya.

Natawa rin naman siya at napakunot ang noo, nang mapagtanto ang una kong nasabi.

"Para saan?" nagtataka niya pang tanong. Napangiti tuloy ako at tuluyang natawa na.

"Wala lang, thank you lang, bawal ba 'yon?" pagtatanong ko pa sa kaniya. Lalo pa tuloy siyang naguluhan sa isinagot ko.

"Oo, dapat may dahilan," pagpupumilit niya pa rin.

"Wala lang, salamat sa lahat." Pagtatapos ko sa usapan, ayaw pa kasi tumigil.

Napailing na lamang siya, napapangiti na rin. Tumayo siya, sabay sa paghila sa akin papuntang canteen.

Naisin ko mang manatili sa aming silid ay wala na akong nagawa, nagpatianod na lamang din ako. Baka matulala na naman ako roon kung pipiliin kong manatili mag-isa.

Habang hila-hila ako ni Cris, nakita ko namang magkasamang nagmemeryenda ang dalawa kong kaibigan sa iisang mesa. Halata ring nagkakatuwaan sila, naging seryoso lamang pagkakita nila sa amin.

Nginitian ko sila at dumiretso na rin sa pila. Ayaw ko namang hindi talaga sila pansinin, lalo na at nakita ko sila. Pinipilit kong isipin ng aking sarili na maayos ang lahat sa aming tatlo. Wala naman akong maisip na problema namin, kaya tama lamang na isipin kong walang problema.

Mapapaniwala ko na sana ang sarili ko, ngunit naninibago talaga ako kay Shiela.

Sa sobrang pag-iisip ko ay kailangan ko na pa lang umorder. Agad din naman akong dinaluhan at naibigay ang isang cupcake at soft drinks sa akin.

Iyon lamang ang inorder ko, wala rin naman akong gana sa ngayon. Mabuti na lamang at hinayaan na lamang din ako ni Cris. Sinamahan niya lamang ako, tahimik lamang din siya sa aking harapan.

Alas-kuwatro ng hapon ay uwian na namin. Nakasalubong ni Francyn si Arth, ngunit nagpatuloy lamang sa paglalakad ang aking kaibigan. Kasama ko pa rin ngayon si Cris, ngunit parang hindi niya naman napansin ang nangyari.

Nagpatuloy na lamang din kami, bago pa iyon ay nakita kong hinarang ng boyfriend ni Francyn si Shiela.

Maaga pa naman, kaya inaya ako ni Cris sa isang malapit na milktea shop. Naka-order na siya, inilapag sa harap ko, kaya nasa milktea na ngayon ang aking paningin. Tinitigan ko lamang ito, habang seryosong nag-iisip sa mga maaaring kaganapan na hindi ko lamang masyado pinagtutuunan ng pansin.

"Ayos ka lang?" kuryosong tanong ni Cris, siguro nang mapansin na mula kaninang umaga ako ganito.

"Oo naman," matapang kong sagot, kahit na ako ay naguguluhan din.

Pinigilan niya ang pagtawa, ngunit hindi kinaya at napahawak siya sa tiyan niya at tumawa na nang tuluyan.

"Anong problema?" nagtataka kong tanong sa kaniya ngayon, ang gulo rin ng isang ito intindihin. Parang tangang bigla na lamang tatawa.

"Ikaw kasi," naisagot niya lamang at natawa na namang muli.

Inirapan ko na lamang siya, hindi ko talaga maintindihan. Napansin niya yatang nainis ako, kaya naman huminto siya sa ginagawang pagtawa.

"Pinipilit mong ipaalam sa akin na ayos ka, pero sa sagot mo halatang naguluhan ka rin," seryoso niyang sinabi, ngunit natawa na naman ulit.

"Manahimik ka nga, nag-iisip kasi ako," seryoso kong sinabi sa kaniya. Mukhang nag-isip din naman siya ng ilang sandali tungkol doon.

"Gusto kong lalong matuwa. Sabihin mo nga sa akin na ako ang iniisip mo," wika niya pa, na tila ba ay nais niyang sabihin ko talaga na tama siya sa iniisip niya.

Napakunot naman ang noo ko sa kaniya. Makapal din talaga ang mukha ng isang ito. Alam ko namang g'wapo siya, ngunit masyado namang malaki ang tiwala sa sarili, sumobra na.

"Ikaw naman hindi mabiro, nasisiyahan lang ako na makita kang naiinis habang natutuwa," sabi niya na naman.

"Ako hindi mo tatanungin kung nasisiyahan ba ako?" tanong ko sa kaniya na may kasamang pagtataray.

"Hindi na kailangan," proud niya pang sagot.

"Bakit? Kasi alam mong nasisiyahan ako sa iyo?" tanong ko sa kaniya, tingin ko kasi ay ito ang naiisip niya.

"Sa iyo na nagmula 'yan ha, wala akong kinalaman d'yan," inosente niya pang sinabi at tumingin sa paligid.

Sumusobra na talaga ang isang ito sa kayabangan niya, kaya hindi rin nakabubuti na alam nila ang magagandang katangian na taglay nila.

Tinusok ko na lamang ang straw, upang mainom na ang ibinigay niya. Baka mamaya kasi ay sa kaniya ko pa ito maitusok at masaksak ko ang bibig niya, upang hindi na makangiti. Iniwas ko na lamang ang tingin ko sa kaniya, natawa na rin tuloy ako sa isinagot niya kanina.

Behind Her SadnessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon