Chapter 3

1 0 0
                                    

    "Mabuti naman at naisipan mong dumalaw, wala ka bang pasok ngayon?" kaswal na tanong ng ina ni Keith sa kanya. Ilang buwan na rin mula nang huli silang nagkita.

    "Nag file ako ng leave ma, unang beses ko itong ginawa mula nung pumasok ako sa trabaho kaya pinayagan agad ako ng boss ko." Sagot ng dalaga sa ina na ngayon ay nag hahanda ng meryenda para sa kanya. Hindi sila ganoong kalapit sa isa't- isa pero natutuwa siya dahil pinagsisilbihan siya nito ngayon, namiss niya ang mga ganitong bagay.

    "Aba e ano namang balak mong gawin at nagfile ka ng leave? May iba ka bang pinag kakaabalahan? Balak mo na bang kumuha ng lisensiya upang makapagturo?"

    "Hindi ko pa po sigurado ma, pumunta po ako dito para kumustahin kayo at mga kapatid ko, at tsaka mayroon lang akong gustong itanong"

    "Ayos naman kami ng mga kapatid mo, alam mo iyong si Krissa e magkacollege na, iyon namang si Kristoper ay nagbabalak na ring mangupahan gaya mo, palibhasa'y graduating na." paliwanag ng ina, at sinalinan siya ng juice sa kaniyang baso.

    Sumimsim ang dalaga ng inumin, at nakaramdam ng kaunting saya, kahit paano'y nangungulila siya sa pag-aalaga ng kaniyang ina.

    "Mabuti naman kung ganon, kaunti na lang ma at tatlo na kaming magtatrabaho, at ibibigay ang mga pangangailangan mo, matatapos na rin nating bayaran itong bahay"

    Mula nang magtapos at magtrabaho ay naging kaisa na si Keith ng kaniyang ina sa pagaasikaso ng mga gastusin sa kanilang tahanan. Pagpapa-aral sa mga kapatid at ambag sa hulog para sa bahay.

    "Sa totoo niyan anak, e tapos na nating bayaran ang bahay" nagulat ang dalaga sa sinabi ng ina. Sa taong ito ay may natitira pa silang tatlong taon para hulugan ang bahay.

    "Ano po ma? Di po ba may tatlong taon pang natitira?"

    "Gamit ang mga perang ipinapadala mo, ang perang naiwan sa akin ng tatay mo, at kinikita ko sa sari-sari store natin, nakaipon ako ng pambayad dito ng buo. Hindi na rin naman kasi humihingi ng allowance sa akin ang mga kapatid mo, nag papart- time job sila kapag bakasyon para tustusan ang sarili. Kaya nga laking pasasalamat ko sa inyong mga anak ko"

    Hindi malaman ng dalaga ang sasabihin, kasama ng kaniyang ina ang kaniyang ama nang kunin nila ang bahay na ito para hulugan. Gusto kasi ng mag-asawa na mayroong maipamana sa mga anak pag dating ng araw. Pero bago pa man matapos ito ay pumanaw na ang kanilang padre de pamilya, kaya mula noon ay si Keith at ang kaniyang ina na ang sumalo sa bayarin nito. Hindi nila ito kayang bitiwan dahil nandito lahat ng ala-ala nila kasama ng ama.

"Anak"

    Nagbalik sa wisyo ang dalaga, ngayon niya lang napansin na anak ang tawag sa kaniya ng ina. Matagal na rin mula nang tawagin siya nitong anak, kadalasan kasi ay sa pangalan.

    "Pwede mo ng intindihin ang sarili mo, kaya ko na ito, ilang buwan na lang din at magsasarili na rin ang mga kapatid mo, ayaw kong ubusin mo ang oras mo para sa amin"

    Naalala ng dalaga ang sinambit ng mga magulang ng katrabaho niyang si Rita sa burol nito,

    "Wala iyon ma, hindi ko iniisip na nauubos ang oras ko sa inyo. Mahal ko po kayo kaya ano mang ginagawa ko para sa inyo ay gusto ko iyon at masaya ako ron"

    Ganito rin siguro ang isasagot ni Rita sa kaniyang mga magulang kung narinig niya ang mga sinabi nito. Kailanman ay hindi kasayangan ang paglaanan ng oras at pagod ang mga mahal mo sa buhay. Lalo't lalo na ang iyong mga magulang.

    "Alam ko yon anak, pero nasa wastong edad ka na panahon na siguro para ilaan mo ang oras at pagod mo sa iyong sarili. Totoong mahalaga ang pamilya pero bilang isang indibidwal mayroon tayong mga gampanin sa sarili na kailangang tuparin"

    Muling napatahimik ang dalaga sa sinabi ng ina, iniisip niya kung ang gampanin ba na iyon na tinutukoy ng kaniyang ina ay ang hiling ng puso, at ang idinikta ng tadhana.

    "Siya nga pala ma, ang tanong ko sa iyo ay, pwede ko bang malaman kung ano ang pangarap ko na madalas kong sabihin sa inyo nung bata pa ako? Nakalimutan ko kasi" banggit ng dalaga at sinundan ito ng kakatwang tawa, marahil ay dahil sa hiya. Matanda na siya para magpakwento sa ina tungkol sa ganitong mga bagay.

    Tumayo ang ina at lumapit sa drawer sa patungan ng T.V. at may kinuha mula doon. Mga photo album.

    "Bago pumanaw ang iyong ama, napakasigla at masayahin mong bata. Mahal na mahal mo ang iyong papa at talagang sanggang dikit kayong dalawa. Siya ang madalas mong pagsabihan ng iyong mga pangarap. Kasama mo rin siya sa pagpaplano kung paano iyon matutupad."

    Lumapit ang ginang sa anak at umupo sa tabi nito dala-dala ang photo album, binuklat niya ito at iniabot sa dalaga ang isang litrato.

    "Kaya noong iniwan tayo ng papa mo ikaw ang pinaka nasaktan sa lahat. Parang tumigil ang mundo mo anak, lagi ka na lamang nasa kwarto mo at nagmumukmok. Hindi ka na rin nakikipaglaro sa mga kaibigan mo o kahit sa mga kapatid mo. Sa tuwing tinitignan kita ay mas nasasaktan ako. Naisip ko na dapat pala'y nagpaturo ako sa iyong ama kung paano ka aamuin sa mga ganong oras."

    Unti-unting bumabalik ang mga ala-alang iyon sa isipan ng dalaga, kasabay ang sakit sa kaniyang puso. Papa.

    "Nagpatuloy kang mabuhay pero wala na ang dati mong sigla. Wala kang gana sa mga bagay, at kahit sa pag-aaral ay wala ka nang interes. Bumalik ka lang sa dati mong paraan ng pagkilos at pag-aaral noong muntikan nang kunin sa atin ang bahay na ito. Mabuti na lang at nagawan ko ng paraan na mabayaran ang natambak na hulog nito na natengga dahil sa pagkawala ng ama mo. Pero mula noon ay nag-aral ka nang maigi at sa kalauna'y nagtrabaho para tulungan akong panatiliin sa atin ang bahay na to"

    Totoo ang sinasabi ng kaniyang ina. Masiyadong mahal ni Keith ang kaniyang ama at pinagkakatiwalaan niya ito kaysa sa kahit na sino pang tao. Kaya naman nung pumanaw ito, tila kasama na rin nito ang sigla ng batang Keith, hindi na niya ginustong mangarap ulit dahil sa isiping kailangan niya na itong tuparin nang mag-isa. Ibinuhos niya ang lahat upang tuluyan nang mapasakanila ang tahanan na ipinundar ng ama para sa pamilya. Ang bahay na ito na lang ang pinanghahawakan ko na mula sayo papa.

    "Labis akong nasaktan dahil sa nangyari sa iyo anak. Nalulungkot ako dahil hindi mo na magawang mabuhay para sa sarili mo, pilit mong ikinukulong ang sarili mo sa natitirang anino ng iyong ama."

    Hindi makapag bigkas ng kahit na ano ang dalaga. Maging siya ay nakaramdam ng lungkot para sa sarili. Ganon na ba talaga ako katagal nabubuhay sa anino kaya pati sarili ko ay nakalimutan ko na.

    Nahabag ang dalaga sa sarili, at lalo na sa ina. Hindi niya akalain na nasasaktan niya na pala ito.

    "Patawad" Ito lamang ang salitang lumabas sa bibig ng dalagita. Napakahiwaga naman ng tadhana, at napakagaling namang magdikta ng hiling ng puso, dinala ng mga ito ang dalagita sa tahanan na matagal nang naghihintay sa muli niyang pagbabalik. Ang tunay na siya.

    Niyakap siya ng kaniyang ina. Tila nakita nito ang batang Keith na masiyahin at masigla. Wala nang mas sasaya pa sa inang nakikitang maligaya ang mga anak.

    Iniabot ng ginang ang isang passbook sa anak. Naguguluhan man ay kinuha ito ng dalaga at tinignan ang nasa loob.

    "Ano ito ma? Napakalaking pera nito. Saan ito nanggaling at para saan ito?"

    "Sa kada buwan na nagpapadala ka ng pera ay nagtatabi ako ng kaunti sa bangko, pati na rin mula sa kita ng tindahan at ang paunti-unting iniaabot sa akin ng mga kapatid mo. Naiisip kong itabi ang mga iyon upang pag dating ng araw ng tuluyang pagbabalik mo. Mayroon kang pang hahawakan upang tuparin ang mga gusto mo. Hindi ko man alam ang mga pangarap mo anak, pero ito lang ang naisip kong paraan para kahit paano ay makatulong sa iyo. Nahanap ko na ang anak ko, oras na para hanapin naman niya ang kaniyang sarili."

    Hindi na napigilan pang lumuha ni Keith dahil sa mga katagang sinabi ng kaniyang ina. Labis labis pa ito kaysa sa inaasahan niyang sagot na makukuha mula rito. Nais lamang niyang malaman ang pangarap niya, pero hindi niya inaasahan na ihahatid pa siya ng kaniyang ina patungo rito.

                                                                                         ***

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Aug 17, 2020 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Walang PamagatWhere stories live. Discover now