Nais kong makapagsulat ng kwento na makakaantig ng mga puso, nais kong sa pamamagitan nito ay patawarin ng isang batang babae ang kaniyang sarili dahil sa mga bagay na nagawa at hindi niya nagawa, ano pa man iyon. Nais kong patuloy na mangarap nang mataas ang isang binatilyong nangangarap mula sa kaniyang maliit na tahanan at isiping walang imposible. Nais ko na maabot ng isang batang paslit ang kaniyang minimithi gaano man ito kalayo. Dahil masiyadong malawak ang mundo, hindi masamang mangarap nang malayo sa kaya mong maabot, maraming posibilidad at ayaw kong pagsisihan ng isang matandang babae na hindi niya tinupad ang hiling ng kaniyang puso noong siya ay bata pa, dahil lang sinabi ng lipunan na hindi niya iyon kayang abutin. Ayaw ko na araw-araw pumasok ang isang binata sa kaniyang trabaho habang sa bawat oras na iyon ay hinihiling niyang sana hindi iyon ang buhay na kaniyang tinahak. Mabait at mapagbigay ang may likha, bakit niya ipagdaramot sa bata ang libutin ang mundo, bakit niya ipagkakait na maging pintor ang batang nais lamang bigyang kulay ang kaniyang imahinasyon at bakit niya pipigilan ang isang taong nais lamang igugol ang kaniyang buhay sa mga bagay na makakapag pasaya sa kanya? Naniniwala ako na malawak ang mundo ngunit maigsi lamang ang buhay. Hindi man natin malibot ang bawat kanto at sulok nito, sana man lang, sa animnapung taon na tayo'y mabubuhay ay naabot natin ang lahat ng pwede nating maabot sa ating makakaya. Naubusan ka man ng lakas, napagod ka man at ninais nang magpahinga, dala-dala mo naman ang mga ala-ala at ligaya habang iniisip mo na sa maikling panahon na ibinigay sayo ay nasunod mo kung ano ang hiling ng iyong puso. -Nicole Ann V. Matin-ao (Writer)