Chapter 1

1 0 0
                                    


    Isang normal na araw na naman, naglalakad si Keith isang call center agent galing sa walong oras ng pagtatrabaho. Gaya ng dati e maingat niyang binabaybay ang daan patungo sa sakayan ng bus, kaunting mga tao, mga pulubing nakahalukipkip sa gilid ng kalsada, at mangilan-ngilang mga sasakyan na bumabaybay sa kahabaan ng maynila.

    Madali lamang makasakay ng bus ang isang nagtatrabaho nang pang gabi na gaya ng dalaga, kaya naman hindi na niya kailangan pang pumila upang makasakay ng bus, yun nga lang kailangan pa nitong maghintay ng ilang minuto dahil sa ganitong oras ng madaling araw ay kaaalis pa lamang ng pampasaherong bus sa paradahan nito.

   "O sakay na sakay na, Alabang! Alabang!" sigaw ng barker na ngayon ay pamilyar na sa paningin ng dalaga dahil sa ilang buwan niyang pagtatrabaho sa kamaynilaan ay iyon na ang laging nakaabang sa estasyon ng bus upang humagilap ng mga pasahero.

     Katulad ng dati sa hulihan ng bus naupo ang dalaga, sa tabi ng bintana, nakagawian na niyang tumanaw sa labas ng bus sa tuwing siya ay bumibiyahe, nakakarelax ito at madali na ring pumara kapag kailangan na niyang bumaba. Agad niyang sinuot ang kaniyang earphones, pinatugtog ang paburito niyang kanta at sinet ang music sa shuffle.

    Bagaman hilig niyang sumilay sa labas ng bintana, madalas naman siyang nakakatulog matapos panoorin ang bukang liwayway.

    Nakamamanghang nagigising siya kapag malapit na sa bababaan. Ganon siguro ako katakot lumagpas kaya kusa akong nagigising kapag malapit na ako sa amin.

    Nakatira siya sa isang barangay sa lungsod ng Muntinlupa, kaunting distansiya lang mula sa terminal ng Bus sa Alabang, kung nasaan ang paradahan ng mga bus kung kaya naman minsan kapag pang gabi rin ang bus driver ay hindi na niya kailangan pang mag dyip dahil isinasabay na nito ang mga pasaherong taga roon nang walang dagdag na bayad.

    Pagkauwi sa inuupahang bahay, gaya ng palagi niyang gawi ay magpapalit lamang siya ng damit at dederetso na sa kaniyang higaan. Ilang oras lamang ay papasok na naman siya kaya naman susulitin na niya ang kaniyang tulog. Kung minsan ay maswerte dahil hindi nag-iingay ang kapit bahay, kung minsan naman ay talagang mailap at putol- putol ang kaniyang tulog dahil sa mga tsismosa sa labas ng tahanan. Sana ay marami silang gawain para wala silang oras magkwentuhan sa labas. Hiling ng dalagita bago tuluyang pumikit.

***

    Humihikab pang tumayo si Keith habang hinihiling sa kaniyang kaloob-looban na sana'y hindi na niya kailangan pang gumising upang pumasok sa trabaho at ulitin ang araw-araw na niyang ginagawa. Nakakapagod.

    Tiningnan niya ang oras, tatlong oras bago ang kaniyang night shift, saktong sakto para magawa niya ang kaniyang daily routine. Ang kumain, maligo, at maglakad palabas ng kanto upang mag-antay ng dyip patungong terminal ng bus. Nakakalibre man pauwi, e sa ganitong oras ay nasa biyahe na lahat ng bus.

    Araw-araw sa tuwing bibiyahe upang pumasok sa trabaho, ay naglalayag ang isip ng dalaga kung saan saan. Hindi niya ito nagagawa pag pauwi dahil sa pagod at antok. Minsan ay iniisip niya kung gaano kasarap ang simoy ng hangin sa beach habang nakabilad siya sa araw at nakatitig sa banayad na alon ng dagat. Kung minsan naman ay iniimagine niya na ang bintana sa bus ay ang bintana sa eroplano na sinasakyan niya patungo sa Japan na matagal na niyang pangarap puntahan. Kailan kaya ako makakapunta sa mga lugar na iyon? Mga ilang taong trabaho pa.

    Sa edad niyang dalawampu't lima e nakapagtapos si Keith ng pag-aaral sa kursong edukasyon. Hindi niya rin alam kung bakit ito ang kinuha, siguro ay dahil madali ito kesa ibang propesyon. Pero matapos magtapos ay hindi niya binalak kumuha ng lisensiya upang makapagturo, masiyado kasing maliit ang sahod ng guro kaya naman nang ayain ng isang kakilala sa isang call center company ay hindi na siya nag atubili pa, natanggap siya agad dahil sa kaniyang degree. Di hamak na mas malaki ang sahod nito, at magagawang tugunan ang sariling pangangailangan at pati na rin ang buwanang ambag sa bahay ng magulang.

    Yun nga lang, noong unang mga araw ay talaga namang nahirapan siyang mag- adjust dahil hindi niya kinakaya ang puyat. Sa kalaunan naman ay unti-unti na siyang nasanay sa ganitong buhay. Ilang buwan na rin kasi noong nag umpisa siya.

    Sa trabaho, pakikipag-usap sa iba't-ibang tao ang kaniyang ginagawa. Tungkulin niyang tugunan ano man ang pangangailangan ng kaniyang kliyente. Kung minsan ay may nakakausap na masama ang ugali at talaga namang mahirap intindihin. Kaya mahabang pasensiya at pang unawa ang iniipon niya araw-araw para magampanan ito nang maayos.

    Hindi siya gaanong kalapit sa kaniyang mga katrabaho, lalo na at ayaw niya sa paraan ng pamumuhay ng mga ito. Mayroon silang oras upang lumabas at lustayin ang pera sa pag inom at kung minsan ay pakikipag talik sa kung sino-sino, ika nga nila e one-night stand. "Mahirap na baka mamaya e may AIDS pala ang makatalik mo, Mabuti na ang mag-ingat" sabi ng dalaga sa sarili.

    Bukod kasi sa iba't-ibang lugar na pinapangarap niyang puntahan, pinapantasiya niya rin ang isang magandang love story. Kung saan makikilala niya ang kaniyang prince charming at mabubuhay sila nang masaya habambuhay. Suri niya'y malamang ay hindi niya iyon makikilala sa isang Bar.

    Kakatwang mayroon pang ganitong pantasiya ang isang dalaga na halos isumpa na ang bawat araw na siya'y nabubuhay. Hindi nga naman nakahahalina ang ubusin ang bawat oras ng iyong buhay sa mga paulit-ulit na bagay at lalong hindi naman siya yung tipong handang sumabak sa mga bagong bagay. May pagkaconservative kasi ang kaniyang pamilya, sangkatutak na pagalit at bilin pa nga ang binaon niya mula sa kaniyang ina bago pa siya payagang lumipat sa ibang bahay, minsan nga ay naiisip niya na kung buhay kaya ang kaniyang ama ay papayagan ba siya nito. Gaya ng magulang ganoon na rin ang paraan ng pamumuhay ng dalaga, manatili sa nakasanayan. Dahil ganon siya pinalaki.

    Natapos ang araw na ito na kagaya lang din ng mga nagdaang araw.

***

    "Katulad na naman ng iba pang mga araw" banggit ng dalaga bago tuluyang lisanin ang kaniyang inuupahang bahay. Minsan ay nakakapagod na ring mapagod, dagdag pa nito

    Pag dating sa trabaho ay tila nagkamali ang dalaga mukhang hindi ito tulad ng sa iba pang mga araw. Magulo sa opisina at kaliwa't kanan ang nagkekwentuhan, may mangilan- ngilan ring naluluha habang nakikipag palitan ng pahayag sa kasama.

    Nilapitan ng dalaga ang kaniyang table at dumungaw sa kaharap na agent. Napukaw ng kakaibang atmosphere ang interes ng dalaga kaya di na naiwasan pang magtanong.

    "Uy Mary, ano bang meron? Bakit parang may nangyari dito sa opisina" tanong ni Keith sa katrabaho na maaari naring maikonsiderang kaibigan, marami kasi silang pagkakatulad.

    Nginuso ni Mary ang pwesto sa tabi ng dalaga, at sinundan naman ito ng tingin ni Keith. Wala pa ang katabi niyang si Rita, mukhang bago nga iyon, dahil sa habang panahon na nagtatrabaho sila dito ay laging nauuna ang katabi niya na pumasok sa opisina. Agad na nangilabot ang dalaga sa ideyang sumagi sa kaniyang isipan

    "Anong nangyari? Nasaan si Rita? Anong oras na ba? Masiyado ba akong maagang pumasok?" sunod-sunod na tanong ng dalaga habang pilit na isinasantabi ang kaninang pumasok sa kaniyang isipan.

    "Wala na siya, aksidenteng nasagasaan siya kaninang madaling araw. Bukas nang gabi ang burol" malungkot na sagot ng katrabaho.

    Napaupo si Keith. Hindi naman sila malapit sa isa't-isa. Madaldal at talaga namang makulit ang katabi at ito ang pinaka ayaw na ugali ni Keith kaya hindi niya ito itinuring na kaibigan kahit na kasabay niya ito kumain at lagi siyang kinakausap.

    Siya nga. Iba ang araw na ito kesa sa karaniwang araw. Wala na si Rita, sa isang iglap, tapos na ang maigsing buhay nito. Hindi alam ng dalaga kung ano ang mararamdaman, Iba ito sa iba pang mga araw. Paulit-ulit na banggit ng dalaga sa kaniyang isipan. Totoong hindi ito tulad ng ibang araw, tila nawala sa sarili ang dalaga at hindi malaman kung ano ang mararamdaman. Dapat ba akong malungkot, umiyak, o makonsensiya dahil hindi ko siya tinuring na kaibigan? Ano pa man ang dahilan, alam ng dalaga na kailanman ay hindi na ito magiging katulad ng mga nakalipas na araw. 

Walang PamagatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon