Inalis ni Eira ang kamay na nakahawak sa baba ni Rose at tumigin nang napakasama sa taong dumating at umistorbo sa pag-uusap nila.

Tumingin naman ito pabalik na parang naguguluhan dahil galit siyang tiningnan ng ate niya.

Huminga nang napakalalim sa gilid si Rose.

"Malapit na yun ah..."

Mas lalong nagalit si Eira ng marinig ang paghingang iyon ni Rose. Ibig sabihin lang nun ay nilunok na nito ang lakas ng loob na meron ito kanina para sabihin ang sekreto nito sa kanya.

Mas masama pa lalo ang tingin na ibinibigay niya kay Jax dahil doon.

"Hindi ka ba marunong maghanap ng sarili pagkain mo?"

"Ate ang sabi mo sa akin kanina okay lang na magpunta ako dito."

Totoo ang sinabi ni Jax dahil tinawagan siya nito nung nasa daan palang ang kotseng sinasakyan niya. Humingi ito ng permiso sa kanya na makikikain ito sa bahay niya na pinayagan naman niya. Kaso kung hindi lang ito bad timing ay sana hindi siya magagalit dito!

"Umuwi ka sa bahay mo at kumain ka ng mag-isa mo."

Umakto naman si Jax na parang natamaan ng kung ano sa dibdib dahil sa narinig mula sa kapatid. Nasaktan siya ng  konti dahil bigla-bigla na lang itong nagagalit sa kanya ng hindi niya alam ang dahilan.

"Hayaan mo na si boss na dito kumain, big boss. Mas masaya naman kung mas marami tayong sabay na kakain di ba?"

Dahil sa sinabing iyon ni Rose ay pumayag na lang si Eira na doon na kumain si Jax. Nagpasalamat naman si Jax dahil nirrescue ni Rose ang pagkakataon na makakain ng masarap na dinner ang lalaki.

Kaya ang ending, nakaupo silang magkapatid sa sofa sa sala habang si Rose naman ay nasa kusina at abala sa paghahanda ng makakain nila.

Ilang minutong walang kibuan ang dalawa at nang hindi na makatiis si Jax ay siya na ang nagsalita.

"Ano bang kasalanan ko?"

"Nakuha ko na sana."

"Huh? Ano'ng dapat na nakuha mo?" litong tanong niya sa ate niya. Tiningnan niya pa ito.

"You interrupted."

Napakamot na sa ulo si Jax. Litong-lito siya dahil putol-putol ang sagot ni Eira. Parang puzzle na kailangan niya pang buuin.

Dahil hindi na nagsalita uli si Eira ay pinag-isipan na lang niya ang mga sinabi nito. Pinagtagpi-tagpi niya ang mga sinabi nito pati narin ang scene na naabutan niya kanina.

Nang may mabuong ideya sa utak ay napangiti kaagad siya.

"Nagtapat ka na sa kanya?" Ang lapad pa ng ngiti sa labi niya pagkatapos niya iyong sabihin. Walang pag-aalinlangan namang binatukan siya ng ate niya.

"Nababaliw ka na ba?!"

"Eh ano kasi?!"

Yun lang naman kasi ang naiisip niyang dahilan para magalit ng ganoon ang ate niya sa kanya dahil sa biglaan niyang pagdating.

"Manahimik ka na lang Jax."

Napabusangot naman ang lalaki sa naging sagot nito. Maliban sa hindi nito totally sinagot yung tanong niya ay pinapatahimik pa siya nito.


-----

Kinabukasan ay may pinuntahan sina Rose at Imara kaya naman maagang nagising ang dalaga. Naabutan niya pa tuloy na papaalis si Eira kaya nakapagpaalaam pa siya dito. Simpleng tango lang naman ang naging sagot ng babae sa kanya. Masama parin ang mood nito dahil hindi nito narinig ang dapat na sasabihin niya kahapon dahil narin sa kapatid nito na si Jax.

Tulad ng nakagawian ay sinundo uli si Rose ni Imara sa coffee shop na malapit lang sa lugar kung nasaan ang bahay ni Eira.

"Balita ko may kasama ka sa indorsement na ito."

Napatingin si Rose kay Imara na diretso naman ang tingin sa daan dahil ito ang nagmamaneho ng sasakyan.

"Hindi ba nila sinabi sa'yo kung sino?"

Nagtataka lang siya dahil usually naman sinasabi ng mga nag-o-organize ng tulad nito kung sino ang magkakasama sa indorsement. Naiintindihan niya yung sa Regal dahil matagal na nung huling may ma-feature na bagong mukha para sa brand nila.

"Wala akong natanggap na impormasyon mula sa kanila eh. Hindi na ako nang-usisa dahil alam ko naman kaya mong makipagtrabaho kahit kanino."

Napangisi siya ng konti sa sinabi ng kaibigan slash manager niya.

"Lakas talaga ng tiwala mo sa akin, Ims."

"Ikaw pa ba. Never kong nakitang sinama mo sa trabaho mo ang personal feelings mo. Para sayo ang trabaho ay trabaho."

Napatingin si Rose sa labas ng bintana ng kotse tsaka napabuntong-hininga ng konti.

"Ayaw kong isama pati personal kong emosyon sa trabaho dahil ako lang ang masasaktan sa huli."

Sabi niya habang patuloy sa pagtanaw sa labas. Iyon ang pinakaunang itinuro ng ina niya sa kanya noon. Dahil kahit ito ay malapit ng nasira ang buhay dahil lang sa pinairal nito ang personal na emosyon.

Pagdating nila sa kompanya ng DT ay agad silang nagpunta sa receiving area at nagsabi sa clerk doon kung ano ang sadya nila. May tinawag naman ito na siyang naghatid sa kanila sa isang bakanteng silid sa second floor.

Umupo sila at naghintay ng tao na makakausap para sa bagay na ipinunta nila sa lugar.

Hindi naman nagtagal at may dumating nga pero hindi yung tao na inaasahan nila. Imbes kasi na yung presidente ng DT ang bubungad sa kanila para kausapin sila ay pagmumukha ni Livia at ng manager nito ang dumating na nagpasama ng mood ni Rose. 

Alam niya kasing sa tuwing nasa paligid ang pinsan niya ay may mga masasamang bagay na nangyayari sa kanya. Hindi niya naman sinasabi na kasalanan ni Livia, pero parang ganoon na nga.













The Pampered Girlfriend (GxG) ☑️Hikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin