Apat

10 0 0
                                    

Apat






Bata pa lamang ako ay namulat na ako sa hirap ng buhay. Kailangan ay araw-araw na maglako ni tatay sa bangketa. Si nanay naman ay maghahanap ng kung ano-anong trabaho para kumita. Paglalabada, pamamasukan sa mga karinderya, katulong sa mga taga kabilang kalye at iba pa. Samantalang ako, kapag Sabado't Linggo o kaya naman kapag bakasyon ay  namamasukang katulong sa talyer ng mga Peralta. Minsan kapag kakayanin pa, doon naman sa junk shop.

Ginagawa namin ang lahat para mairaos ang pang-isang araw. At higit sa lahat, marangal kaming kumakayod.

Hindi ko lubos maintindihan kung bakit may ibang taong ganoon mag-isip. Lalong lalo na pagdating sa aming mahihirap. 

Mayaman nga sila ngunit tila nanlalabo na ang mga paningin. Pinipigilan ang kanilang mga sarili na palawakin pa ang mga nakikita.

Tahimik na ang gabi. Nakahiga na ako sa masikip naming tulugan. Habang nakatingin sa aming bubungang may maliliit na butas, ginamit kong unan ang aking dalawang braso.

Ako pa lamang ang nakahandang matulog, si nanay ay nagtitiklop ng mga nilabhan niyang damit at si tatay ay kinikwenta ang kaniyang mga napagbentahan.

Kakatapos lang din naming mangaroling. Marami-rami naman kaya lahat kami ay natuwa. Kahit malungkot dahil hindi kasama si Jillian ay ayos pa rin. Nandoon naman si Robert na kahit nakakairita, nakakatawa naman.

Muling sumagi sa isip ko ang narinig sa lola ni Jillian.

"Tatatlong daan lang ulit. Kulang pa ito para pagkasyahin sa dalawang araw." Mahinang sambit ni tatay ngunit sapat na para marinig namin ni nanay.

Dali-dali akong tumayo. Tumabi sa tatay kong nakahawak na sa kaniyang ulo. Sumilip ako sa papel na nasa kahong kaharap namin.

"Hayaan mo na. May kinita naman ako sa paglalabada. Maigi na ring pandagdag."

Bakas sa boses ni nanay ang pagnanais na pawiin ang alalahanin ni tatay.

Sa mga ganitong sitwasyon hindi na ako nanghihinayang na ibigay muna ang perang iniipon ko para sa pasukan.

"Ah, ako rin po. May natira pa po doon sa kinita ko sa junk shop. Hindi pa po kasi binibigay ang sweldo namin sa talyer." Kinuha ko ang kahong nasa aking damitan na kinalalagyan nito.

"Anak, huwag na. Itabi mo na lang. Hindi ba't para 'yan sa bag na nakursunadahan mo?"

"Hindi, 'tay. Ang bag napag-iipunan. Pero ang mga kailangan natin dito sa bahay tulad ng pagkain, mahalaga."

Mahigit tatlong buwang ipon ko rin ito. Sa ngayon, kailangan munang gamitin para hindi kami magutom. Makakapag-ipon pa naman ulit ako.

Iniabot ko kay tatay ang dalawang gusot na isang daan. Napansin kong nakatanaw sa amin si nanay. Buong akala ko ay kukunin ni tatay subalit hindi.

"Sa'yo 'yan, anak. Kami na ng nanay mo ang baha-"

"Pero 'tay! Pambawi ko na lang po ito. Hindi na nga po ako nakatulong sa inyo nitong mga nakaraang araw." Para hindi na niya ako matanggihan ay nilagay ko na sa kaniyang kandungan ang pera.

Bahagya siyang tumawa at lumingon kay nanay na nakatawa rin.

"Bakit ka nga ba hindi nakatulong sa akin? Ano na nga ulit ang pinagkakaabalahan ng Gio namin?" Napipilan ako dahil sa gusto niyang tukuyin.

"S-si Jillian po..." Halos pabulong kong sagot.

Marahan niya akong hinila palapit sa kaniya. Tinapik ang aking balikat na parang may gustong iparating. Si nanay, nagulat ako nang bigla siyang lumipat sa kabilang tabi ko.

Dahil sa isang gasera na paubos na ang gas ang gamit naming ilaw ay madaling itago sa dilim ang aking mukha.

"Ang bilis ng panahon. Nagbibinata na ang anak ko!" Napasinghap ako.

Mabilisan ko siyang tiningala mula sa pagkakayuko.

"Nay! Bata pa ako! Wala pa nga po akong bigote o kahit buhok sa kili-kili!"

"Ay siya nga! Pero kay aga mong nagpatuli."

"Tay si nanay! Inaasar na naman ako!" Sumbong ko.

"Gio, 'yon ang gusto kong sabihin... Wala ka pang bigote o kahit ano pa. Pero mukhang nakahanap ka na ng dahilan para kusang magpasama sa akin na magpatuli," Napasimangot ako dahil kinampihan niya si nanay.

"Balita ko crush mo daw 'yung si Jillian." Nagulat pa rin ako kahit na alam ko namang pwede naman talaga akong ilaglag ni nanay sa kaniya. 

Salubong na kilay kong tiningnan si nanay. Mas lalo pa akong nainis dahil hindi matanggal ang ngiti niya sa labi. 'Yong palaging nakikita ko kapag inaasar niya ako.

"Bakit mo sinabi, nanay?"

"Hindi siya ang nagbalita sa akin. Si Robert... 'yong kaibigan mo." 

"Bakit kayo naniniwala kay Robert, tatay?"

Ano bang sinabi ng unggoy na 'yon? At paano niya nalaman? Ni hindi naman ako umamin sa kaniya. Ayan tuloy, pati si tatay, alam na rin!

"Sabi niya, nahuli ka daw niyang nagsasalita mag-isa. Sinabi mo daw na crush mo si Jillian."

"Naku, anak! Baka tulog ka noon. Alam mo namang nagsasalita ka kapag tulog!" Bulalas ni nanay na kalaunan ay sinang-ayunan ko rin sa isip.

Nang gabi iyon, inamin ko na lang kay tatay. Tuwang-tuwa si nanay dahil may kasama na siyang mang-aasar sa akin. Pero hindi tulad niya, may ibang pananaw si tatay na palihim niyang ipinakita sa akin. 

Sumilip kami sa bintanang walang takip. Dito malayang pumapasok ang malamig na hangin.

"Masaya ako, anak. Alam kong mabait si Jillian at nakapalagayan niyo ng loob ang isa't isa. Pero gusto kong malaman mo, sa ngayon may limitasyon... Nakikita mo ba ang pader na iyon?" Tinuro niya ang mataas na pader kung saan sa kabila nito ay ang mga kabahayan sa bayan.

Tumango ako.

"Maaring malapit kayo sa isa't isa. Pero may kung ano sa pagitan ninyo ang nakahambalang. Kahit sabihin pang pagkakaibigan lamang ang mayroon kayo..."

Mistulang palaisipan ang sinabi ni tatay. Gayunpaman, ipinagwalang bahala ko iyon.

Ang mahalaga sa akin, nandito si Jillian. Tulad pa rin kami ng dati. Tanggap pa rin niya na ganito ako at ang pamilya ko. Mabait siya.

Tumatak sa aking isip na ang pagkakaibigan namin ay hindi dapat maimpluwensiyahan ng aming paligid. Kahit pa ang sinabi ng lola niya.

Walang masama kung maging kaibigan ako ni Jillian. Walang masama kung ako ay nakatira sa estero. Walang masama kung ang tatay ko ay nagtitinda ng mumurahing laruan sa bangketa. Walang masama sa pagiging mahirap... Ang masama ay ang maging masama ka lalo na sa mga taong wala namang ginagawang masama.

"Oh siya, matulog na tayo. Bukas ay samahan mo sandali ang tatay mo. Maraming tao bukas... Kailangan niya ng katulong. At ako'y maraming natanggap na labahin. Baka hapon na kapag natapos ako." 

"Opo. Pero pwede ko po bang samahan si Jillian doon sa malaking bahay?" Humiga na ako. Inayos ni nanay ang kumot sa akin. Ako ang nasa gitna nila.

"Hapon naman po 'yon. Baka nakauwi na po kami ni tatay." Paliwanag ko.

"Ano pang magagawa namin? Si Jillian na ang usapan. Pagbabawalan ba natin, 'tay?" Agad silang pumayag. Kaya naman natulog ako nang payapa. 

Walang ibang iniisip kundi ang mangyayari kinabukasan. Pagkatapos namin sa bangketa ay pupunta kami ni Jillian sa bahay kung saan kami unang nagkita at naging saksi na sa aming pagkakaibigan.

Christmas Lights beyond the Wall (Childhood Lane Series #1)Onde as histórias ganham vida. Descobre agora