Isa

10 0 0
                                    

Isa




Pagpatak ng alas siyete ay magkakasama na kami. Sobrang laki ng aking ngiti habang iniigora si Robert dahil kausap ko si Jillian.

"Wala pa rin nagbago sa mukha niya... Unggoy pa rin." Sabay kaming tumawa. 

Tutal kanina pa nagpapapansin si Robert, siya na lang ang pinag-usapan namin. Wala yata kaming kapaguran sa pagkukuwentuhan. Mula kanina sa bahay hanggang dito sa daanan ay nag-uusap pa rin kami.

"Bakit naman kasi may mababago?" Bigla kong tanong na nagpatigil sa akin. Hindi ko alam kung bakit pero kumabog ang dibdib ko.

Nang sandaling dumirekta ang mata niya sa akin ay natulala ako. 

Ito na ang sinasabi noon ni nanay. Epekto ng nararamdaman ko... Na kami lang ang nakakaalam.

"Dahil lahat ng bagay ay magbabago talaga." Seryoso niyang sabi.

Tama. Lahat nga nagbabago, kahit pagtingin ko sa kaniya.

Dati, isang simpleng batang babae na iyakin ang tingin ko sa kaniya. Ngayon naman ay nagbago na. Batang nagdudulot sa akin ng estrangherong pakiramdam na kahit ipinaliwanag na sa akin ni nanay ay hindi ko pa rin makontrol.

Para bang may kung ano sa kaniya na gustong-gusto ko. Masaya ako kapag kasama siya pero sa loob-loob ko ay nagkakagulo rin dahil sa presensiya niya.

"Hoy! Kayong dalawa, tara na!" 

Naputol ang pagtitig ko sa mukha ni Jillian. Pati siya ay nagbawi na rin ng tingin.

Sabay na kaming naglakad. Sinundan ang direksiyon na tinatahak ng mga kasama.

Ito ang unang gabi ng aming pangangaroling. Dahil kulang kami sa gamit, si Robert ang nakaisip na magdala ng mga takip ng kaldero, babasaging baso at mga kutsara. Epektibo daw iyon ayon sa kaniya. Maganda ang mga tunog at bagay sa mga kanta.

"Alam mo, Gio... Namiss talaga kita." Sandali akong tumigil sa paglakad. 

Pakiramdam ko uminit ang aking pisngi. Kaya para itago ang hindi makomportableng mukha, yumuko na lang ako.

Sa daan tinutok ang atensyon. Minsan ay sisipain ang mga nadaraanang bato.

"A-ako din. Namiss kita." Hirap kong sabi.

Kapagkuwan ay tumili siya. 

"Hala! Tingnan mo si Robert nagpahabol sa aso!" 

Agad ko siyang hinawakan sa kamay para sa planong pagtakbo pero hindi rin natuloy dahil hinuli rin ng may ari ang doberman. Bumitaw na ako. 

Sa bahay na iyon kami unang kumanta. Ang ganda sa paningin dahil napupuno ito ng mga dekorasyong pangpasko. Buena mano pa at isang daan ang ibinigay. Mukhang pampalubag loob dahil kamuntikan nang habulin ng aso nila ang grupo namin.

"Ayos 'to ah! Magpahabol kaya ulit ako?"

Natawa kaming lahat saka tumigil sa kasunod na bahay. Tulad ng nauna, hitik rin ito sa palamuti. Agaw atensyon ang mga kumukutitap na Christmas lights.

Sa kalyeng ito, magaganda ang bahay. Halatang maayos ang pamumuhay. Hindi tulad naming taga- estero. Nakakaraos pero talagang mahirap.

Halos lahat ay maaayos ang trabaho. Ranggo at titulo, kahit isa man lang d'yan ang hinahangad ko. Lahat sila ay hinahangaan ko, maliban sa mga matapobre. Kilala ko kung sino ang tunay na modelo.

Turo sa akin ni nanay.

Naranasan ko na 'yon. Naranasan na nila tatay at nanay iyon. Halos lahat ng mga taga estero ay may kwentong panghahamak. Hindi na bago ang ganoon para sa amin. At wala naman kaming magawa.

Christmas Lights beyond the Wall (Childhood Lane Series #1)Where stories live. Discover now