Umpisa

12 0 0
                                    


Umpisa




"Nanay! Mauna na po ako." Nagkumahog akong bumaba sa aming barong-barong. 

Dala ko na ang mga kakailanganin. 

Kahit delikado ang mabilisang kilos dahil mukhang bibigay na ang aming limang hakbang na hagdanan ay nagawa ko pa rin.

"Oh siya, basta't bumalik ka bago dumilim." Sagot ni nanay na abala sa niluluto niyang pritong isda.

Alas tres na ng hapon at tulad ng nakagawian ay pupunta ulit ako sa talyer doon sa may kanto. Pag-uusapan namin nila Bryan kung saan kami banda magsisimula mamayang gabi.

Malamig ang malaya at malakas na hangin. Randam iyon lalo na dito sa estero. Kaya naman umaalingasaw rin ang mabahong basura na nanggagaling sa ibaba ng mga kabahayan.

Ipinanganak ako sa ganitong lugar. Mga barong-barong sa isang malawak na estero. Lugar kung saan ibinabagsak ang tone-toneladang basura galing sa bayan.

Hindi ko alam kung hanggang kailan mananatili ang ganitong sistema. Pero sa totoo lang, hindi na ako umaasa.

"Pakisabi kay Aling Rusing na ako na lang ang magdadala ng mga pinalaba niya."

"Mayroon po?" Hinagilap ko ang aking mga tsinelas habang hinihintay ang sagot ni nanay.

"Ah, oo. Pinahabol niya kanina." Nilingon ko siya na ngayo'y hinihipan ang kalan na wala naman yatang lamang gatong.

"Ako na lang po magdadala. Baka mabigatan pa po kayo." Presinta ko.

"Ay hindi na! Siputin mo na lang ang mga kaibigan mo," Nakangiti siyang lumingon sa akin.

"Alam ko namang sabik ka nang makita si Jillian." Habol niyang panunuya.

Napailing ako kahit na nais nang magpakita ng isang ngiti.

"Nanay talaga." 

Mas lalong nagliwanag ang kaniyang mukha. Naging handa pa na asarin ako lalo. Pero bago mangyari iyon, nagpaalam na ulit ako.

Sa lahat, si nanay lang ang nakakaalam ng nakatago kong sikreto.

Nahihiya akong malaman ng iba, lalo na si Jillian. Aasarin lang ako ng kaibigan ko tulad ng ginagawa ni nanay. Kaya mas magandang siya lang ang nakakaalam.

Nilakad ko ang kahabaan ng lansangan. Excited ako hanggang sa marating ko ang malaking talyer na pagmamay-ari ng mga Peralta.

Disyembre na ngayon. Panahon ng nalalapit na pasko. At ibig sabihin din niyon, matapos ang isang taon, makikita ko na ulit si Jillian!

Noong isang araw pa sila dumating mula Maynila pero hindi ko pa siya nakikita. Hindi pa siya nakasama kay Bryan kahapon dahil isinama siya ng kaniyang lola sa palaruang bayan.

Gusto ko naman sanang dumaan sa bahay nila kaya lang ay inutusan din ako ni nanay na samahan na muna si tatay sa bangketa. 

Kaya hanggang ngayon, kumakabog pa rin ang dibdib ko. Hindi na mawari kung pagkasabik lang ba o may halong kaba.

Tanaw agad ang nag-uumpukan kong mga kaibigan. Tulad ko, bitbit din nila ang mga gagamitin namin mamaya.

"Oh, kompleto na tayo!" Ani Bryan.

Parang isang programa sa telebisyon kung saan papasok ang guest, pinanood nila akong tuluyang makalapit.

Nakipag-apiran ako sa kanilang lahat.

"Marami ka bang dalang tansan?" Tanong ni Robert.

Ngumisi ako saka inilabas sa supot na dala ang mga tansang naipon ko. Lahat ng ito ay napulot ko sa gilid ng estero. Pero hinugasan ko naman kaya malinis na.

Christmas Lights beyond the Wall (Childhood Lane Series #1)Where stories live. Discover now