Dalawa

13 0 0
                                    

Dalawa



Ingay agad mula sa labas ang nanggising sa akin kinaumagahan. Ang nakasanayang daldalan at sigawan ng mga kapitbahay ang nagsisilbing alarm clock ko.

Naabutan kong nagluluto si nanay ng agahan namin. Si tatay naman ay sa mesa inihahanda ang mga ibibenta niyang laruan doon sa bangketa.

"Gio, gising ka na pala!" Bulalas ni nanay kahit hinahawi ang usok galing sa kaharap niyang kalan.

Tumabi ako kay tatay at pinagmasdan ang kabuuan ng aming barong-barong.

Muni-muni.

Inalala ko ang mga nasaksihang pinagdaanan nito mula noon hanggang sa kasalukuyan.

Malakas na hangin at ulan, minsan bagyo na dahilan rin ng pagbaha. Sa mga nakalipas na taon, naging matibay ito.

Kahit sabihing hiwa-hiwalay ang bahagi nito dahil ang lutuan ay nasa labas ganoon din ang munti naming lamesa, masaya dito. Nag-uumapaw sa pagmamahalan.

Hindi man namin magawang lagyan ng mga dekorasyong pang pasko dahil kapos rin kami, sapat na dahil hindi naman 'yon ang mahalaga. At hindi ito basta barong-barong lang. Ito ang tahanan namin na hindi ko malilimutan.

"Ayos ka lang ba, anak?" Tanong ni tatay kahit abala pa rin sa pagsisilid ng mga laruan sa isang kahon.

"Iniisip ko po kung paano ang magiging disenyo ng bahay natin na pag-iipunan ko po."

Tumawa siya at alam kong tiningnan niya ako.

"Pwede ba akong mag suhestyon? Gusto ko 'yong may teresa para matanaw ko ang malawak na bakuran." Ani tatay.

"Tapos ano pa po?"

"Teka! Teka! Teka! Bakit ang tatay mo lang? Ako hindi?" Sumulyap ako kay nanay.

"Siyempre kayo din po. Ano po bang gusto niyo?"

Mabilis siyang lumapit. Inilapag na rin ang platong pinaglalagyan ng tatlong pirasong nilagang itlog. Inalis naman ni tatay ang mga nakapatong doon kanina para mas maging malawak ang espasyo para sa agahan namin.

"Ako simple lang. Kahit hindi na malaki ang bahay basta malawak ang hardin. May iba't ibang halaman doon na namumulaklak. Naku! Ayos na sa akin iyon."

"Tingnan mo, Gio? Tama lang ang gusto ko. Teresa. Matatanaw ko lahat ng mga halaman ng nanay mo."

Nakapunta agad si tatay kay nanay at niyakap niya ito mula sa likuran. Ako naman ay nanatili sa pwesto at nakangiti silang pinanood.

"Sus! Ano na naman ito?"

"Bakit bawal ba? Gusto ko lang namang yakapin ang pinakamagandang babaeng nakilala ko." Humalik si tatay sa pisngi ni nanay kaya napatili ito.

"Ano ka ba naman! Mahiya ka nga sa anak mo!" Dahil dito ay sumulyap sa akin si tatay.

"Ayos lang naman diba, Gio?" Sandali pa akong parang nag-isip bago nagthumbs up.

'Balang araw po ay tutuparin ko 'yan, Nay at Tay.'

Isang umagang sinimulan sa lambing ang naging buong araw ko. Sabay-sabay kaming nagsilakad. Nagpaalam ako sa kanila na pupunta sa bahay ng mga Villafuente doon sa bayan. Pumayag naman sila basta daw ay umuwi para sa tanghalian.

Pagdating sa malaki at magarang gate, nagdoorbell ako.

"Gio! Nandito ka na!" Agad kong nakilala ang pinanggalingan niyon.

"Ah, oo. Maaga kasi akong nagising." Siya na mismo ang nagbukas ng gate at pinapasok ako.

Bumungad sa akin ang tirahang kabaligtaran ng sa amin. May disenyo na itong pangpasko. Kahit nakapatay, alam kong marami ang mga Christmas lights doon. Napapaisip tuloy ako kung paanong nagagawa niyang magpunta sa amin gayong hindi ito tulad sa nakasanayan niya.

Christmas Lights beyond the Wall (Childhood Lane Series #1)Where stories live. Discover now