#3 - Scam

40 10 2
                                    

Scam

"Anong gagawin ko?"

Napahilamos na lang ako sa aking mukha. Magkahalong pagod at antok na ang nararamdaman ko pero hindi ko magawang matulog dahil sa dami ng problemang ikinakaharap ko ngayon-ng pamilya ko ngayon.

Nasa hospital ang tatay ko. At hindi ko alam kung saan ko kukunin ang pambayad ng hospital bills niya. Ni pambili ng mga kailangan niyang gamot ay wala ako.

Dalawang buwan na rin kaming hindi nakapagbabayad ng kuryente at tubig at malapit na kaming maputulan. Sinisingil na rin kami ng may-ari ng tinutuluyan naming bahay sa upa.

Baon na baon na ko. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin para lang magkaroon ng sapat na pera. Hindi ko alam kung saan dapat ako pumunta. At hindi ko alam kung sino ang pwede kong lapitan at hingian ng tulong.

Ako ang panganay sa aming limang magkakapatid. Labandera ang nanay ko samantalang si Tatay naman ay isang simpleng tricycle driver.

Ang maliit na kita ng mga magulang ko ay hindi nagkakasya sa mga gastusin namin sa pang-araw-araw kaya kahit mahirap ang buhay, matiyaga akong nag-aaral bilang scholar. Gusto at kailangan kong makapagtapos at makahanap ng magandang trabaho para sa pamilya ko.

Napabuntonghininga ako.

Hindi ko namalayan ang pag-upo ni Nanay sa tabi ko. Inilapag niya sa kaniyang harap ang dala niyang tasa ng kape. "Ba't 'di ka pa natutulog, Fatima?"

Marahan akong ngumiti at sumagot, "May tinatapos lang, 'Nay."

"Huwag mong kalimutang magpahinga anak, ha? 'Wag mo masyadong i-stress ang sarili mo sa mga problema. Malalampasan din natin lahat ng ito."

"Eh, kung gamitin ko na lang 'yung ipon ko, 'Nay? Malaki-laki na rin 'yung naitabi ko sa account ko."

Gumawa ako ng sarili kong savings account para roon ko ilalagay at itatabi ang mga ipon ko. Ipon ko 'yon para sa graduation ko at sa pag-aaral ng mga kapatid ko.

"Hindi mo kailangang isakripisyo ang mga pinaghirapan mo. Alam kong makahahanap pa tayo ng paraan."

Tumango ako at hindi na sumagot.

"Sige na at matutulog na ko. Sumunod ka na pagkatapos mo d'yan, ah?" Hinalikan ako sa ulo ni Nanay.

"Opo." At umalis na ito.

Nabaling naman ang atensyon ko sa luma kong cellphone nang umilaw ito. May natanggap akong notification.

Dala ng kuryosidad, pinindot ko 'yon at hinintay na mag-load ang site. Naghintay ako kahit nakaiinip ang bagal ng pag-loading ng site. Lumaki naman ang mga mata ko sa gulat sa nabasa.

Congratulations! You won ₱100,000!

Click here to claim.

Hindi ako makapaniwala sa nakikita ko. Wala naman akong matandaan na sinalihang electronic raffle. Pero one hundred thousand pesos? Sobrang laking pera nito! Sobrang laking tulong ito!

"Lord, ito na po. Diyos ko, salamat po!"

Pinindot ko agad ang 'Click here to claim'.

Sabi dito ay kailangan kong fill up-an ang mga hinihinging detalye at i-send sa ibinigay na email address ang banking information ko.

At hindi ako nagdalawang isip na ibigay ang mga detalyeng hinihingi tungkol sa akin.

Pagkatapos ay nakatanggap ako ng message sa aking email address na matatanggap ko ang perang napalunan ko sa tatlong araw.

Napangiti ako sa nabasa. Ito na talaga ang sagot sa mga dasal ko.

"Hello, Ma'am," bati sa akin ng babaeng bank teller nang lumapit ako sa kanya.

"Hello po. Ipapa-update ko lang po itong account ko," sambit ko sabay abot ng hawak kong passbook. Tatlong araw na ang lumipas simula nang i-send ko ang details ng account ko kaya posibleng naroon na ang pera sa loob noon.

"Sige po. Upo muna kayo, Ma'am."

Umupo muna ako at naghintay pero hindi nagtagal ay tinawag na ulit ang pangalan ko.

"Ma'am, wala pong laman ang account n'yo." Ipinakita niya sa akin ang naka-imprinta sa passbook ko.

Naguluhan ako. Paanong wala? H-Hindi pwedeng wala 'yong laman.

"Miss, baka nagkakamali ka lang. Paki-check naman ulit, oh."

At sinubukan ulit ng teller. Nagsimula na rin akong makaramdam ng kaba.

"Wala po talaga, Ma'am. Dahil sabi po rito sa record n'yo ay w-in-ithdraw niyo ang buong laman na twenty thousand pesos ng account niyo two days ago."

Nanghina ako sa narinig.

Hindi. P-Paanong w-in-ithdraw, eh, wala akong ginalaw diyan. Nasaan ang pera ko? Ang pinaghirapan ko?

Mabilis na tumulo ang mga luha ko sa aking mga mata.

"A-Anong nagawa ko?"

-
© Pinterest (for the used illustration)

Tangled Words on My HeadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon