19. Just Shout It Out

Magsimula sa umpisa
                                    

"Ang ganda ng bahay niyo, 'no?" sambit ni Zara habang iniikot ang paningin dito sa sala. First time nga lang pala niyang nakapasok dito.

Napangisi ako. "Palibhasa, kulay dilaw 'yong pintura ng pader?"

"Oo, kaya maganda," saad niya. Napatawa na lang ako. Sunod, dahan-dahan niyang ipinatong sa lamesa 'yong hawak niyang basong may laman na gatas. Yumuko ito at pansin kong humugot siya nang malalim na hininga.

Bigla akong nagtaka.

"Bakit ka nakayuko?" tanong ko at hindi inaalis ang paningin ko sa kanya.

Nakita ko siyang lumunok ng laway. "Sa totoo lang, Landon. Hiyang-hiya na ako sa iyo."

"Bakit naman?"

"Sobra-sobra mo akong tinutulungan. Palagi kang nand'yan kahit hindi naman kita kailangan. Lahat gagawin mo para mapangiti ako. Landon, ipapaalala ko lang sa iyo, aalis din ako. Hindi na ako magtatagal rito. Maninirahan ako sa ibang bansa para makatakas kay Mama. Noon pa lang, sinusubukan kong dumistansiya sa iyo kasi ayaw kong magdalawang-isip para manatili pa rito, ayaw kong mas ma-attach pa sa iyo kasi ayaw kong magkaroon ng rason para hindi umalis. Kaunting pera na lang 'yong kailangan ko, Landon, eh. Pero ginugulo mo 'yong isipan ko. Nasa Canada na 'yong buhay ko. Nandoon 'yong Tita ko at sabi niya, kapag nabuo ko na 'yong halaga ng perang kakailanganin, pag-aaralin niya na ako doon at bibigyan ng buhay na ninanais ko. Sigurado akong doon na ako sasaya at giginhawa. Kaso ikaw, eh. Nagiging problema ka sa akin. Pinapasaya mo ako rito."

Napaawang ako ng bibig at sandaling natigilan. "G-Gusto mong lumayo na lang ako sa iyo para mas mada—"

"Hindi! Ayaw ko rin. Jusko. Ewan ko, gulong-gulo na ako." Napahilamos siya ng mukha. Dahan-dahan kong inilagay sa likod nito ang kamay ko para hagurin iyon. Pakiramdam ko, unti-unti na siyang iiyak kahit hindi ko makita ang mga mata niya.

"Ano ba kasing problema at sinasaktan ka ng nanay mo? Huwag kang mag-alala. Susubukan namin kausapin siya at ayusin ito para hindi ka na niya sak—"

"Hindi iyon ganoon kadali. Hindi niyo magagawa iyon. Hindi niyo mababago na malaki talaga 'yong galit niya sa akin. Hindi niyo mababago na bunga ako ng kasalanan."

"Ha? Bunga ng kasalanan? Anong ibig mong sabihin? Sabihin mo nga sa akin iyan. Ilabas mo iyan sa akin. Promise, no judgement pero yes to understand," nag-aalala kong sabi sabay taas kamay pa.

Sandali itong natahimik bago magsalita. "Gusto kong maramdaman 'yong normal na buhay. Ewan ko kung bakit kasi ipinanganak ako sa napaka-tangin*ng kumplikadong sitwasyon na ganito." Tumingin siya nang deretso sa mga mata ko. Pansin kong nagsisimula na ring gumilid ang mga luha niya. "7 years old ako no'ng nalaman kong ginahasa pala si Mama at hindi ko alam na ako pala 'yong naging bunga. Kaya pala nagtataka ako kasi ang layo-layo ng loob niya sa akin. Patay na 'yong gumahasa sa kaniya habang nasa kulungan ito. Dapat nga wala ako ngayon dito sa mundo, eh. Dapat ipapalaglag niya raw ako kasi malaking kasalanan lang naman daw ako sa kanya. Hindi ako karapat-dapat para mabuhay. Kaso si Lola, nagpumilit kay Mama para bigyan ako ng pagkakataong mabuhay. Siya ang nagparamdam sa akin ng pagmamahal na hindi ko maramdaman kay Mama kaso punyeta, naaksidente, eh. Kaya ang ending, namatay. Nawalan ako ng kasama, nawalan ako ng katuwang, nawalan ako ng karamay. Nagagalit ako kasi pakiramdam ko, bakit parang ako 'yong may kasalanan ng lahat? Ba't parang kailangan isisi ni Mama sa akin iyong pagkamatay ni Lola at 'yong paggahasa sa kanya noon? Bakit kailangan niya akong saktan kahit sariling dugo niya naman 'to? Hindi ko naman ginusto na gahasain siya ng ibang tao at ako 'yong nabuo. Wala naman ako kinalaman doon."

Napalunok siya ng laway bago magpatuloy. Tumingin ito sa ibang direksyon.

"Wala akong magagawa, mahal ko 'yong Mama ko kasi nanay ko siya. Iniluwal niya ako, eh. Kaya heto ako, tanggap lang nang tanggap ng sakit at hirap. Kahit anong pagod, lulunukin ko na lang para mabuhay. Gusto kong maramdaman na kontrolado ko pa rin itong sarili ko. Hindi sunod lang nang sunod sa kanya. Ayaw niya akong pag-aralin at ayaw niya rin akong pagtrabahuin. Anong gusto niyang gawin ko? Mabulok diyan sa bahay? Ikulong? Mamatay na lang diyan?"

wish i could see your smileTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon